Hindi bukal sa pangalan ang katangian ng mga bagay, ngunit may mga pangalan ng taong tila naging kahulugan na ang kanilang katangian.
Una kong narinig si Chaba magsalita sa loob ng aming klasrum noong nagpaalam sila upang mangampanya. Napanganga ako sa husay niya magsalita—tuloy-tuloy, walang ‘di kinakailangang patlang, walang alinlangan sa pagpili ng mga salita na parang kinabisa.
Pareho kami ng kinukuhang kurso noon ni Chaba ngunit malayong-malayo ako sa kanya. Madalas akong nauutal kapag nasa harap ng klase, minsan kahit sa harap lang ng mga kaibigan habang nagkukuwento ng mga ordinaryong pangyayari. Naisip kong modelong ComArts na estudyante si Chaba.
Mula klasrum hanggang sa lansangan, walang pinagkaiba ang ritmo ng kanyang pananalita. Hindi rin naging hadlang sa kanya kung nasaan ang protesta: sa ilalim ng tirik na araw, sa harap ng makapal na hanay ng mga pulis na may pamalo at panangga, sa mga namamahingang estudyanteng nagpoprotesta sa Mendiola, o sa jeep at likod ng trak na ginawang entablado. Basta’t may mikropono o megaphone, minsan pa nga’y wala, magsasalita si Chaba.
Mayroon siyang commanding presence. Para siguro sa mga kasabayan niya, normal na nilang kabiruan si Chaba, ngunit para sa aming medyo nakababata at nakakausap lang siya kung kailangan ng interbyu para sa diyaryo, seryoso kami sa pagrerekord ng kanyang mga pahayag at ang pagtatala sa mahahalagang punto ng kanyang talumpati. Parang umuupo sa pag-aaral kapag nagsasalita siya sa programa.
Doon ko naunawaan na ang husay niya sa pagsasalita at ang kapasyahang laging magsalita ay hindi primaryang nagmula sa natutuhan niya bilang ComArts o mga teorya ng komunikasyon at retorika. Malinaw siyang magsalita dahil naniniwala siya sa kanyang sinasabi. Nanggagaling ang kanyang kumpiyansa sa kumpiyansa rin niya sa kanyang paniniwala.
Mabilis na sinusuma ang kuwento ng kanyang buhay sa isang ispektrum na tila ba ito ang lohikal na kongklusyon sa buhay ng mga tumutunggali sa kapangyarihan. Puno ng ideolohikal na tunggalian ang mga naratibong ito at pinalilitaw ang dominanteng kaisipan hinggil sa mga nagpoprotesta, tumututol, lumalaban, bumabalikwas.
At sa tingin ko, ito rin ang nakita ng marami sa amin sa kanya. Noong tumakbo siya bilang tagapangulo ng Konseho ng mga Mag-aaral, bukod sa nanalo siya sa eleksiyon at nanalo ang buong slate ng Samahan ng Kabataan para sa Bayan (Sakbayan) ay nagtala rin ang eleksiyong iyon ng pinakamataas na voter turnout sa kasaysayan ng UPLB at ng buong UP System.
Hinangaan siya ng mga estudyante, ngunit sakit sa ulo para sa mga administrador. Kinasuhan siya noon ng gross misconduct at deliberate discourtesy dahil sa isang debate sa loob ng Central Electoral Board kaharap ang ilang college secretaries ng unibersidad.
Sa kabila ng mga kasong ito, siya pa rin ang ibinoto ng mga kapwa estudyante upang maging kanilang kinatawan, higit na dagdag kabuluhan ito sa kanyang pagkapanalo sa gitna ng presyur at intimidasiyon.
May mga taong husto lang sa salita ngunit wala sa gawa. May mga taong mabisang pinagsasanib ang dalawa. Sa mga taong lumipas, naging Rehente ng mga Estudyante siya sa UP at naging pangkalahatang kalihim ng Anakbayan. Higit na dumami ang kanyang nakasalamuha at lumapad ang bilang ng mga taong nakikinig sa kanya.
Napapaulit-ulit pa ang kanyang interbyu sa ilang programa sa telebisyon at talumpati sa mga kilos-protesta dahil sa patuloy na pagpapalaganap sa social media ng mga nais makinig at mag-aral. Isa na rito ang kanyang talumpati sa araw ng mga manggagawa na matalas na isinuma ang papel ng kabataan sa pambansa-demokratikong pakikibaka.
Ngayon, mag-iisang taon na nang ilegal na dinakip si Chaba at lima pang kasamahan sa Agusan del Sur. Naglabasan din noon ang mga artikulo na naglalahad ng “tunay” niyang kuwento kalakip ang mga babalang huwag siyang tutularan.
Mabilis na sinusuma ang kuwento ng kanyang buhay sa isang ispektrum—mula lider-estudyante tungong bilanggong politikal—na tila ba ito ang lohikal na kongklusyon sa buhay ng mga tumutunggali sa kapangyarihan. Puno ng ideolohikal na tunggalian ang mga naratibong ito at pinalilitaw ang dominanteng kaisipan hinggil sa mga nagpoprotesta, tumututol, lumalaban, bumabalikwas.
Sa isang maikling bidyo ni Chaba noong Agosto ng nakaraang taon, nagpasalamat siya sa mga sumuporta sa Agusan 6 matapos ang probisiyonal na pag-dismiss sa ilan nilang kaso. Matatas na siya sa wikang Cebuano at nagpanawagan siyang palayain ang lahat ng bilanggong politikal.
Para sa akin at sa marami pang iba, ito ang magmamarka at mananatiling kahulugan ng kanyang buhay, hindi na maihihiwalay sa kanyang pangalan at pagkakakilanlan.
P.S. Para sa mga nais magpaabot ng suporta tulad ng mga liham, gamot at gamit pangkalinisan, makipag-ugnayan sa Free Agusan 6 Network sa Facebook.
Si Jonelle Nieto ay guro sa University of the Philippines Los Baños. Bahagi ng kanyang adbokasiya at mga pananaliksik ang papel ng wikang pambansa sa loob at labas ng akademiya.