Bakit kailangan ang Human Rights Defenders Act? – Pinoy Weekly

April 28, 2023


Napakahalaga mga mga karapatang pantao sa ating lipunan. Ito ang dahilan kung bakit may mga probisyon ang ating Saligang Batas na tumatalakay dito. Halimbawa nito ang Article XIII hinggil sa Social Justice and Human Rights.

Ngunit paano naman ang mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao o mga human rights defender? May batas ba na nagbibigay sa kanila ng proteksyon tungkol sa kanilang gawain?

Maaalala na nalagay sa panganib ang mga human rights defender noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Naging biktima sila ng mga extra-judicial killing, arbitrary arrest and detention, red-tagging at kung ano-ano pang gawa-gawang kaso para lamang mapatigil lamang sila sa kanilang ginagawa.

Noong 2022, muling binuhay ni Albay Rep. Edcel Lagman ang House Bill No. 77 o Human Rights Defenders Protection Act sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Matatandaan na dati nang inilapag ang ganitong panukalang batas Kamara noon pang 18th Congress at kahit sa mga nagdaang Kongreso pa bago ito.

Bagaman may mga panahon na pumasa na ang panukalang batas sa House of Representatives, hindi pa rin ito maipasa sa Senado.

Kaya hanggang ngayon, wala pa ring aprubadong batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga tagapagsulong at tagapagtanggol ng mga karapatang pantao.

Sa panukalang batas na ito, nakalatag ang 17 batayang karapatan na binigay sa mga human rights defender.

Ilan sa mga karapatang ito ang karapatan ng mga human rights defender na isulong at bigyan ng proteksyon ang mga karapatang pantao, karapatan para tumanggap o humingi ng tulong; karapatan para humingi at magpalaganap ng impormasyon, karapatan para itaguyod ang mga ideya at paniniwala tungkol sa mga karapatang pantao; karapatan laban sa paninira at pang-aalipusta, karapatan laban sa pananakot at paghihiganti, karapatan laban sa paninirang puri, karapatang magtayo ng mga kanlungan para sa mga naging biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao at iba pa.

Binanggit din ng panukalang batas ang dapat na maging papel ng pamahalaan. Sinasabi nito na dapat tiyakin ng pamahalaan na ang karapatan ng mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao o human rights defender ay mapangalagaan o maproteksyonan sa lahat ng pagkakataon.

Bukod pa rito, itinatadhana din ng panukalang batas ang pagtatatag ng Human Rights Defenders Protection Committee bilang isang independent body para magbigay ng proteksyon sa mga human rights defender.

Ang komiteng ito ang siyang mag-iimbestiga sa lahat ng reklamo laban sa karapatan ng mga human rights defender.

Bubuuhin ito ng mga miyembrong galing sa mga civil society organizations na sinasang-ayunan ng Commission on Human Rights (CHR).

Maalaala na noong kalagitnaan ng 2022, nangako ang bagong halal na Pangulong si Ferdinand Marcos Jr. na igagalang niya ang mga karapatang pantao sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Noon kasing panahon ni Duterte, sinasabing nasa 427 human rights defender ang pinatay.

Ngayon kayang panahon na ni Marcos Jr., mayroon na kayang pagbabago?

Mayroong mga nagsasabing ang isyu ng karapatang pantao ay wala sa agenda ni Marcos Jr.

Sa katunayan sa kanyang unang State of the Nation Address, hindi man lang nabanggit ang karapatang pantao. Kung wala siyang nabanggit sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa, natural lamang na wala rin siyang babanggitin sa mga tagapagtanggol nito.

Ngunit nitong Enero 9, 2023, isang magandang pangyayari ang naganap na ikinatuwa ng mga human rights defender.

Matantandaang 10 opisyal ng grupong Karapatan, Gabriela at Rural Missionaries of the Philippines, mga organisasyong nagsusulong ng mga karapatang pantao, ang sinampahan ng perjury o pagsisinungaling sa Quezon City Metropolitan Trial Court.

‘Di umano, nagbigay sila ng hindi makatotohanang salita kaugnay ng red-tagging ng gobyerno sa kanilang mga kasapi.

Sa desisyon ng korte, inabswelto ng Branch 139 ang 10 human rights defender sa kaso. Sinabi ng korte na wala silang pagsisinungaling na ginawa.

Marami ang natuwa sa pangyayaring ito. Inaasahang tulad ng Human Rights Defenders Protection Act, ang resulta ng nasabing kaso ay magsisilbing inspirasyon sa hanay ng mga human rights defender.

Ngunit alam ba ninyo na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ay isa sa mga umaayaw sa Human Rights Defenders Bill? 

Natural lamang dahil ayon sa Karapatan, ang panukalang batas na ito ang siyang magagamit para patigilin ang NTF-Elcac sa walang habas na paglabag sa karapatan ng mga taong binabansagan nilang mga terorista.

Tama ang Karapatan. Dapat nang isabatas ang Human Rights Defenders Bill dahil ang pagbibigay ng proteksyon sa mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao ay isang malaking hakbang para palakasin ang mga karapatang pantao mismo.

Kung meron mang dapat buwagin, iyan ay ang NTF-Elcac at wala nang iba.

Sang-ayon ba kayo, mga kasama? 

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

FAMILY, FRIENDS, COMRADES OF JORY PORQUIA COMMEMORATE HIS 4TH DEATH ANNIVERSARY; CALL FOR JUSTICE CONTINUES

ILOILO CITY – Family, friends, and comrades of Jory Porquia

Kasong arson laban sa direktor, itinuloy – Pinoy Weekly

Inaprubahan na ng Quezon Provincial Prosecutor ang pagsampa ng kasong