Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Pilipino ang binitay sa Saudi Arabia noong Okt. 5 at malabong maiuwi ng Philippine Embassy sa Riyadh ang bangkay dahil sa umiiral na batas sa naturang bansa.
Nag-ugat ang hatol na kamatayan sa overseas Filipino worker (OFW) dahil sa pagpatay nito sa isang taga-Saudi gamit ang martilyo matapos ang alitan tungkol sa negosyo noong 2020. Sinentensiyahan ito ng kamatayan noon pang 2022.
Tumanggi rin ang pamilya ng biktima na makipag-areglo o tumanggap ng “blood money” bilang kapalit ng kapatawaran sa Pinoy.
Ayon sa DFA, walang natanggap na abiso ang gobyerno hinggil sa pagbitay sa hindi pinangalanang OFW. Nagawa mang maantala ang pagbitay gamit ang ilang apilang isinumite ng gobyerno noong Agosto 2023, nagpatuloy pa rin ang sentensiya dahil sa mahigpit na batas ng Saudi.
Ipinahayag naman ng Migrante International ang pakikiramay sa mga kaanak ng binitay na pinoy na hindi man lamang nagkaroon ng pagkakataong magpaalam at magluksa. Giit ng grupo na dapat umanong managot ang administrasyong Marcos Jr. sa kapalpakang mailigtas ang buhay ng isa na namang OFW.
Pinaiiral ng Saudi ang Sharia’h Law o “mata sa mata.” Ibig sabihin, ang parusang ipinapataw ay katumbas ng pinsalang ginawa ng isang tao laban sa iba.
Bukod pa rito, nakadepende rin sa pamilya ng biktima kung magbibigay sila ng kapatawaran sa taong nagkasala.
Sa mga nakaraang pagbitay, hindi pinapayagan ng Saudi ang mga nabitay na makauwi sa kani-kanilang pinanggalingang bansa kaya naman malabong maiuwi ang bangkay ng binitay na OFW sa Pilipinas.
“Kahit gustuhin nating iuwi, ‘yong mga nakaraang execution ganun din po ‘yong naging procedure nila dito,” sabi ni Riyadh Charges d’ Affaires Rommel Romato.
Mayroon pang siyam na Pinoy ang nasa death row sa Saudi. Ang isa ay nakapatay din ng taga-Saudi.
Noong 2023, sinabi rin ng DFA na mayroong 83 iba pang Pinoy sa iba’t ibang bansa ang nasa death row, karaniwan dahil sa illegal na droga at pagnanakaw.
Nanawagan naman ang Migrante International na dapat gawan ng agarang aksiyon ng pamahalaan ang pagsagip sa buhay ng mga Pinoy na nasa death row sa ibayong dagat.