Beteranong unyonista, pinaslang sa Rizal

October 9, 2023


Ni Michelle Mabingnay
Pinoy Weekly

Bandang alas-kuwatro ng hapon nitong Setyembre 29 nang mabasag ang katahimikan sa Barangay Macamot sa Binangonan, Rizal. May dumating na mga pulis mula sa Criminal Investigation and Detention Group (CIDG). May dala raw silang warrant of arrest para sa nagngangalang Oscar Dizon.

Dumiretso sila sa tinutuluyan ng lider-manggagawa na si Jude Thaddeus Fernandez, 67. Malinaw na walang nakatirang Oscar Dizon doon. Mag-isang naninirahan sa maliit na paupahang iyon ang beteranong organisador na nagsimulang kumilos noon pang panahon ng diktadurang Marcos.

Sabi ng isang residenteng piniling hindi magpakilala, may dalang police mobile ang pulisya. Kung ilan ang bilang nila, hindi niya sigurado. Ngunit sa tantiya niya, mahigit kumulang 10. Pinalibutan daw nito ang tinitirhan ni Fernandez at pinagsabihan pa ang mga kapitbahay na pumasok sa kani-kanilang kuwarto o tahanan.

Pero hindi pa man sila tuluyang nakakapasok, may narinig na kaagad ang mga residente na dalawang putok ng baril.

‘Nanlaban’

Sabi ng kapitbahay ni Fernandez na nakapanayam ng grupong nagsagawa ng fact-finding mission sa lugar kasama ang Pinoy Weekly noong Oktubre 4, dalawang beses nagpaputok ang pulisya. Tumigil ito saglit at pagkatapos ay umalingawngaw na ang sunod-sunod na ingay ng baril.

Ayon sa CIDG, “nanlaban” umano si Fernandez kaya napilitan silang barilin ito at dahilan para madeklarang dead-on-the-spot nang itakbo sa Margarito A. Duavit Memorial Hospital.

Katuwiran ni Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general Jerome Adonis, paano naman manlalaban ang organisador ng mga manggagawa na hindi naman armado?

Pamilyar na kay Adonis ang naratibong pinakakalat ng pulisya at “teroristang pamamaraan” dahil ganito rin ang ginamit sa mga unyonistang sina Dandy Miguel, Manny Asuncion, Alex Dolorosa at iba pa.

Mula sa Kilusang Mayo Uno Facebook Page

Ayon sa KMU, si Fernandez ang ika-72 kasong naitala ng pagpaslang sa hanay ng mga manggagawa mula noong 2016 at ikaapat naman matapos ang International Labour Organization High Level Tripartite Mission nitong Enero 2023.

Mariin ding pinabulaanan ng mga residente sa lugar ang binabanggit ng pulisya. Anila, wala silang narinig na pagtatalo o anumang senyales ng paglaban mula kay Fernandez at “nanggagaling lang sa isang direksyon” ang mga putok ng baril.

Kataka-taka rin na sa mismong kalye kung saan naganap ang brutal na pamamaslang ay sira o walang CCTV na makatutulong sa imbestigasyon. 

Katarungan

Samantala, nagprotesta nitong Oktubre 5 sa tapat ng pambansang himpilan ng Philippine National Police sa Kampo Crame ang iba’t ibang sektor para ipanawagan ang agarang hustisya at panagutin ang mga pumaslang kay Fernandez. Nagpahayag na rin ng pagkondena ang mga grupong pangmanggagawa sa loob at labas ng bansa tungkol sa nangyari.

Sa mismong araw naman ng Pandaigdigang Araw para sa Disenteng Trabaho nitong Oktubre 7, matagumpay na nabawi ng pamilya ni Fernandez ang kanyang mga labi ng lider-manggagawa mula sa walong araw na pangigipit ng mga pulis dito.

Sa tulong ng KMU at Bayan Muna at suporta ng mga organisasyon mula Kamaynilaan at Timog Katagalugan, naibigay na rin sa pamilya ang katawan na kagyat na dinala sa Philippine General Hospital para sa awtopsiya.

Umabot nang mahigit isang linggo bago makuha ang bangkay dahil sa dami ng dokumento na hinihingi ng pulisya ng Binangonan na ang iba ay hindi rasonable. Inabot din ng gabi ang pagpoproseso ng pagbawi sa mga labi sa punerarya.

Patuloy na panawagan ng KMU na “ituloy ang kanyang labang nasimulan para sa kagalingan, kapakanan, at karapatan ng manggagawa at mamamayan, at magkaisa sa pagkamit ng hustisya para kay Jude at para sa daan-daan pang biktima ng extrajudicial killings sa bansa.” /May ulat mula kay Marc Lino J. Abila



Source link

Don't Miss

Ang Bayan Ngayon » 79th IB kills sweet potato and banana farmer in Negros Occidental

Soldiers of the 79th IB extrajudicially killed farmer Jeje Redobles

Ang Bayan Special Issue | April 24, 2023

  Download here Pilipino: PDF English: PDF Read in: Pilipino