Body shaming – Pinoy Weekly

March 15, 2023


“Pang-Miss World… Wrestling Federation.”

“Makulimlim ang future ng kili-kili.”

“Mukhang nasobrahan sa bato.”

“Dapa ang ilong.”

“Bardagul!”

Body shaming ‘yan! Nabiktima ka na rin ba? 

Talamak ang pagkutya sa pisikal na kaanyuan lalo na sa internet. Higit na malupit ito sa kababaihan. Layon nitong gawing katatawanan ang mga sobra o kulang sa timbang, kulang sa taas, maiitim at itsurang hindi naaayon sa pamantayan ng lipunan.

Nangyayari ito kahit sa magkakapamilya at magkakaibigan. Kalimitang ‘di ito napapansin o sinasadya. Naitatago ito minsan sa anyo ng komedya at pagiging “concerned” diumano sa may-katawan.

Ano man ang konteksto, intensyon at pagkakasabi, nakasalalay ang depinisyon ng body shaming sa subhetibong pakiramdam ng taong apektado. Maaaring ayos lang sa iba, ngunit hindi pare-pareho ang pagtanggap. Marami rin ang lubos na nagdaramdam dito.

Bagaman pisikal na anyo ang pinupuntirya, umaabot sa emosyonal at mental na aspeto ang epekto nito. Pangunahing resulta ang mababang pagtingin sa sarili. Kadalasan, mahilig ding maghanap ng kasiraan sa kapwa ang taong may mababang self-esteem. Kaya naman nagpapasa-pasa at hindi matatapos ang siklo ng pangungutya.

Ilan rin sa mga epekto nito ang social anxiety o pag-iwas sa interaksyon, eating disorders gaya ng anorexia (pag-tanggi sa pagkain), bulimia (pagsuka sa kinain), at stress-eating na nagreresulta sa obesity at matinding depresyong maaaring magdulot ng pananakit sa sarili.

Lubhang mapanganib ito. Ngunit ano ang pwedeng gawin? Magsimula tayo sa pagkilatis sa problema. Saan ito nag-uugat?

Nakakintal sa ating kaisipan ang kagandahang kawangis ng mga dayuhang mananakop. Pinalala pa ito ng konsyumerismo kung saan nais nating pamarisan ang mga modelong balingkinitan at puno ng make-up. Bumaha ng mga produktong pampaganda’t pampapayat, gayundin ang matinding presyur sa atin na sumunod sa pamantayan ng kapitalismo’t kolonyalismo

Dahil ang konsepto ng kagandahan ay nasa kaisipan lamang, dapat baguhin ang mindset!

Huwag sukatin ang sarili batay sa makitid na opinyon ng iba. Matutong tanggapin at mahalin ang sarili. Go lang! Magpaganda hangga’t gusto, kumain nang malusog, alagaan ang balat at iba pa. Pero gawin ito hindi dahil sa pressure ng iba, kundi para sa sariling kalusugan.

Kapag natutunan nating mahalin ang sarili, matututunan din nating tumindig para sa kapwa. Kaya ang susunod na hakbang:

  • I-call out ang bully. Tapatin na nakakasakit s’ya at paliwanagan sa isyu ng body shaming.
  • Manindigan para sa ibang nakakaranas nito. Kapag nakakita sa social media ng body shamer, i-report ito bilang bullying.
  • Magkaroon ng talakayan sa pamilya at mga kaibigan. Pag-aralan ang pinag-ugatan nito at kung paano babaguhin.

Hindi rin sapat na mindset lang ang binabago. Dapat ding baguhin ang obhetibong kondisyon at sistemikong ng pagsasamantala sa mga kababaihan para wakasan ang body shaming.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss