Ni MICHAEL BARTOLOME
Bulatlat.com
Natural ang buryong sa loob ng kulungan. Ito ay isang emosyonal at pisikal na pagkainip, pagkaulila o kalungkutan dulot ng pagkawalay ng isang inmate sa mga kasama niya at mga mahal sa buhay. Pinagdaanan ko ito at ng aking asawa noong nakulong kami ng halos dalawang taon, nawalay sa mga kasama, mga anak, at buhay sa labas. Ibang-iba ang mundo sa loob ng bilangguan kaya malaking pag-aangkop ang aming ginawa. Iba-ibang katangian din ng buryong ang aking naranasan at napansin sa mga nakasama ko sa kulungan.
Halimbawa, ang pagiging sobrang tahimik sa umpisa. Sunod nito ay maging tulala lalo na kung hindi mo nagawa yung bagay na ikinaso sa iyo. Hindi ka makausap at lagi ka lang nasa sulok. Wala ring gana sa pagkain. Dagdag pa na kadalasa’y hindi maganda ang “rancho” na pinapakain sa mga inmate.
Madalas umiiyak, malungkutin, at may tendensiya ang iba na mabaliw o magpakamatay.
Upang maibsan ang lungkot at sobrang pag-iisip, dinadaan na lang ng iba sa pagiging palakuwento. Walang ibang gagawin kundi makipagkuwetuhan tungkol sa buhay niya at kung ano-anong paksa. Ang ibang medyo may katagalan na sa kulungan, nagiging palatanong na lang. Tanong nang tanong kung kailan ang kanyang paglilitis, kailan siya lalaya, at marami pang tanong tungkol sa mabagal na pag-usad ng kanyang kaso.
Mayroon ding dinadaan sa gala, laging umaalis, naglalakad, labas-pasok sa kanyang selda.
O kaya ay “tamang nood” – isang libangan sa loob ng kulungan hanggang maubos na ang oras niya at araw sa kakapanood. “Tamang kalabit” naman ang pag-aliw ng inmate sa sarili sa pagtapik sa balikat ng iba at pagpanggap na hindi niya ito ginawa. “Tamang kain” ang ganadong-ganado sa hinahaing pagkain sa selda.
Solusyon din ang tulog upang hindi makapag-isip at mabilis na lumipas ang panahon at araw. Nakakatulong din para sa iba ang madalas na pagligo.
Kaso may mga panahon na “iritable” o mainit ang ulo ng mga inmate na may kinalaman din sa pagkaburyong.
Kapag may pagkakataon, tatawag sa telepono ang inmate para makausap ang mahal sa buhay. Kung pwedeng hanggang sampung beses tatawag, gagawin ito ng nabuburyong.
Kapag wala nang makausap, hahanap ng librong mababasa. Limitado ang babasahin kaya minsan paulit-ulit na binabasa ang dyaryo, magasin, at bibliya.
Hahantong sa yugto ng pagiging “all around” sa paggampan ng mga gawain tulad ng paglalaba, paglilinis ng kubol, paghuhugas ng pinggan, pagluluto ng ireretoke na rancho, at paglalaro sa gym.
Hindi malayong maisip din ang magpalagay ng tattoo dahil walang magawa sa kulungan hanggang sa maraming bahagi ng katawan ay puno na pala ng ganito. Isa rin itong paraan para kumita ang marunong gumawa ng tattoo. Pwede rin ang pagpapakulay ng buhok.
Nagiging malikhain din ang iba sa pamamagitan ng pagbuhos ng oras sa paggawa ng wallet, basket, at keychain na gawa sa mga sachet ng kape at gatas. Kapag maluwag ang regulasyon at may pagkakataon, nagpapatugtog ang mga inmate at pwede rin ang kantahan.
May mga programa at ginagawa ang BJMP para maging abala ang mga inmate tulad ng paglulunsad ng programang pangkabuhayan, alternative learning system, at mga palaro. Subalit hindi nito tinutugunan ang pangunahing dahilan kung bakit ba nabuburyong ang mga nakakulong.
Malaking sanhi ng pagkaburyong ay ang mabagal na takbo ng kaso sa bansa na may kinalaman sa bulok na hustisya. Kadalasan naghihintay ng anim na buwan para sa paglilitis at lagi itong hindi natutuloy. Marami sa mga nakakulong ay inosente at sinampahan ng gawa-gawang kaso subalit walang sapat na kakayanan para makakuha ng tulong ligal.
Makakatulong kung komprehensibo ang tugon ng BJMP. Dapat ang kabuhayang inaalok ay walang pinipili at dapat hindi ang nakakulong ang pinagkakakitaan. Dapat ang programa sa edukasyon ay may layong mapakinabangan ng nakakulong hanggang siya ay lumaya upang magkaroon agad ng trabaho at hindi malulong sa mga gawaing anti-sosyal.
Dapat may libreng tawag at video call at mahabang oras sa pagdalaw ng mga kaanak. Itigil na rin sana ang paglimita ng pagkaing pwedeng dalhin sa loob ng mga bisita.
Baguhin kung paano ang pagtrato sa inmate. Mga tao na may karapatan din. Kung ganito ang tingin, baka ang mga programa at serbisyo ng BJMP ay magbago at umangkop sa tunay na pangangailangan ng mga nakakulong.
*Ang awtor ay dating bilanggong politikal sa Manila City Jail. Siya ay organisador ngayon ng maralitang tagalungsod sa Metro Manila.