Cha-cha, kasado na sa Kamara

March 23, 2023

Kasabay ng malawakang transport strike ng mga tsuper laban sa jeepney phaseout noong Marso 6, naipasa sa Kamara ang resolusyon sa pagbuo ng constitutional convention bilang pamamaraan sa planong pag-amyenda ng Konstitusyon.

Sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 6, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang iminungkahing proseso sa charter change (Cha-cha) sa porma ng constitutional convention (Con-con) na bubuuin ng mahigit 300 miyembro.

Inaprubahan na rin sa ikalawang pagbasa ang kaakibat na panukalang batas ng RBH No. 6 na House Bill 7352 na naglalaman ng mga detalye tungkol sa pondo at mga kwalipikasyon ng magiging delegado ng Con-con. Nakatakda silang ihalal sa katapusan ng Oktubre, kasabay ng botohan sa barangay at ng Sangguniang Kabataan (SK).

Sampung libo kada araw ang sweldo ng bawat maihahalal at maitatalagang delegado sa loob ng pitong buwan. Kung tuluyan itong maaaprubahan, malaking pondo ang kakailanganin ng gobyerno.

Sa isang pahayag ni Senador Sonny Angara, masyadong matrabaho at magastos na pamamaraan daw ito ng pagbabago sa konstitusyon.

“Those currently seated shouldn’t be beneficiaries, especially in the extension of one’s term, should there be any,” wika ni Angara.

Gayunpaman, nagkakatunggali ang desisyon ng Kamara sa binitawang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nito lamang Pebrero kung saan nilinaw niya na hindi prayoridad ng kaniyang administrasyon na itulak ang Cha-cha. 

Ngunit ayon sa pahayag ni Albay Rep. Edcel Lagman na isa sa mga tumutol sa resolusyon, maaaring may dahilan kung bakit tila niraratsada sa Kongreso ang pagdinig ukol sa Cha-cha.

“Perhaps, it is because the President must have given his covert assent to Cha-cha even as he appears to be distancing himself from it,” ani Lagman sa isang press statement.

Ayon naman kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, magdudulot ng panganib sa demokrasya ng bansa ang Cha-cha sa ilalim ni Marcos Jr.

“Nakita na natin ito sa paglulunsad ng 1971 Constitutional Convention. Sa dulo, napinal ang bagong Konstitusyon na nagbigay ng unlimited na termino sa diktador na ama ng pangulo,” giit niya.

Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss