Dagdag sa pamasahe, bawas sa pagkain – Pinoy Weekly

March 17, 2023


Aabot sa P708 ang madadagdag sa buwanang gastos ng isang manggagawang araw-araw sumasakay ng LRT o MRT kung matutuloy ang dagdag-pasahe, ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general Jerome Adonis.

Nitong Pebrero, naghain ng petisyon ang Light Rail Manila Corp. (LRMC), Light Rail Transit Authority (LRTA) at Metro Rail Transit 3 (MRT-3) sa Department of Transportation (DoTr) para itaas sa P13.29 ang boarding fare (bayad sa pagsakay), at gawing P1.21 ang bayad sa kada kilometro. Kung aaprubahan, magiging P34 ang biyaheng Taft-North Avenue sa MRT-3, magiging P44 ang Baclaran-Roosevelt sa LRT-1, at P35 ang Recto-Antipolo sa LRT-2.

Ayon sa KMU, aabot sa P2,288 ang kabuuang buwanang gastos sa pamasahe ng mananakay ng LRT at MRT. Hindi pa kasama rito ang pamasahe mula bahay papuntang istasyon ng tren at ang papunta sa pinagtatrabahuhan.

“Lalong mababawasan ang arawang sahod ng mga manggagawa. Mapupunta sa pamasahe, habang nagtataasan ang presyo ng mga basic needs lalo na ang pagkain,” ani Adonis.

Sa pananalasiksik ng Ibon Foundation, lumalabas na P482 lang ang tunay na halaga ng P570 minimum wage sa National Capital Region (NCR). Lalo pa itong bumababa dahil sa patuloy na pagsirit ng inflation na umabot na sa 8.7% nitong Enero, pinakamataas sa nakalipas na 14 taon.

“Malaking kabawasan ito sa budget sa pagkain ng bawat pamilya. Hindi makatarungan ang kahit anong dagdag-gastos sa ganito kalalang krisis pang-ekonomiya,” sabi ni Adonis.

Isa ang gastos sa pamasahe sa pangunahing nagpataas ng inflation ngayong taon. Sa tala ng Ibon, tumaas sa 13.9% nitong Enero 2023, mula 3.4% noong Hunyo 2022, ang passenger transport inflation. Lubha pa umano itong tataas kung mapatupad ang dagdag-pasahe sa LRT at MRT.

“Dagdag na pabigat ang panukalang dagdag-pasahe sa MRT-3, at LRT-1 at 2 sa milyong mga komyuter na manggagawa sa NCR na naghihirap na nga dahil sa napakababang sahod sa kabila ng sumisirit na presyo ng batayang bilihin at serbisyo,” ayon sa Ibon.

Ayon naman kay Renato Reyes, secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), isa sa nangunguna sa pagtutol sa dagdag-pasahe, hindi dapat nagtataas ng pamasahe ang mga tren na pinapatakbo ng gobyerno lalo na sa panahon ng matinding krisis sa ekonomiya.

“Ang LRTA at DoTr ay mga ahensya ng gobyerno na may mandato na tumulong sa mga komyuter, hindi ang magpataw ng dagdag pahirap sa kanila,” aniya.

Samantala, kikita naman ng karagdagang P2.46 milyon kada araw ang LRT-1 mula sa 275,000 na arawang pasahero nito kung ipatutupad ang dagdag-pasahe, ayon sa KMU.

Subsidyo

Katuwiran ng LRTA at MRT-3, kailangan ang dagdag-pasahe para mabawasan ang subsidyo ng gobyerno sa operasyon nito. Sa ngayon, 51% ng gastusin para sa mga pasahero ang tinutustusan ng gobyerno. Target ng LRTA na ibaba ito sa 46%.

Pero tanong ng KMU, “Saan pa napupunta ang pambansang pondo kung hindi ito napapakinabangan ng ordinaryong manggagawa at mamamayan?”

Sa naganap na public hearing hinggil sa dagdag-pasahe noong Pebrero 17, kinuwestiyon ng Bayan ang plano ng LRTA na bawasan ang subsidyo para sa LRT at MRT dahil wala namang utos ang Kongreso, Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DoF) na gawin ito. Pirmado na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang budget para dito.

Ayon sa Public Service Act na partikular na tumutukoy sa mga linya ng tren bilang serbisyo-publiko, ang Public Service Commission lang ang maaaring mag-apruba ng dagdag-pasahe sa mga ito, hindi ang DoTr.

Para kay Adonis, dapat lang na tustusan ng gobyerno ang LRT at MRT dahil mandato ng gobyerno na ibigay sa mamamayan ang episyente, ligtas at murang pampublikong transportasyon.

“Paulit-ulit na sinabi ng MRT-3 at LRTA na masaydo na raw malaki ang subsidy sa mga tren. Para bang ang pabatid nila ay nasasayang ang pondo ng gobyerno sa pag-subsidize ng tren,” sabi naman ni Reyes.

Makatuwiran aniyang pondohan ng gobyerno ang LRT at MRT dahil sa positibong epekto sa ekonomiya ng pagbibigay ng pangmasang transportasyon sa mga mangagagawa.

Garantisadong kita

Isinisi naman ng KMU ang kawalan ng abot-kayang pampublikong transportasyon sa mga makaisang-panig na kontrata at konsesyon ng gobyerno sa mga pribadong negosyante sa pagpapatayo at operasyon ng mga tren gaya ng pagbibigay ng sovereign guarantee o garantisadong kita ng mga mamumuhunan sa tren mula sa buwis ng mamamayan.

Ayon kay Reyes, ang sobrang laking subsidyo sa MRT-3 ay napupunta sa P8 bilyong taunang equity rental payment at sa ginarantiya ng gobyerno na 15% Return of Investments sa orihinal na pribadong korporasyon na naunang namuhunan na MRT.

Sa konsesyon naman ng LRTA at pribadong korporasyong LRMC, ginarantiyahan ng gobyerno ang kita ng pribadong mamumuhunan sa pamamagitan ng dagdag-pasahe. Obligado rin sa kasunduan na tustusan ng gobyerno ang mawawalang kita ng LRMC sakaling hindi ito makapagtaas ng pamasahe.

“Matagal na naming tinutulan ang probisyon sa kontrata nila sa gobyerno na nagpapahintulot sa automatic fare hike every two years, at kung hindi, babayaran sila ng gobyerno. Lalabas niyan, kapag di sila makasingil ng fare hike sa commuter, taxpayers ang magbabayad sa kanila. Bakit ito pinapayagan ng gobyerno?” ani Reyes.

Aabot sa P5.7 bilyon ang mawawalang kita ng LRMC kung hindi magpapatupad ng dagdag-pasahe bago ang 2025, ayon kay Jhimmy Santiago, abogado ng korporasyon.

Dagdag pa ng KMU, sinusuhayan ang mga kontratang ito ng “user-pays” na patakaran ng gobyerno. Sa prinsipyong ito, ipinapasa sa mamamayan ang pagtustos sa serbisyong ginamit kahit pa ito ay batayang serbisyo publiko, gaya ng transportasyon.

“Ang user-pays ay pinaiksing tawag lang ng pag-abandona ng gobyerno sa obligasyon nitong magbigay ng batayang serbisyong panlipunan sa mamamayan,” sabi ng pambansang sentrong unyon sa position paper nito sa naganap na public hearing.

Nanawagan ang Bayan sa LRTA at DoTr na iatras na ang mga petisyon para sa dagdag-pasahe. Wala rin umanong awtoridad ang DoTr na aprubahan ang mga naturang petisyon.

“Pagdating naman sa LRMC, na private operator, mainam na ayusin muna ng gobyerno ang pinasok na kontrata ng privatization na napakadisbentahe sa publiko,” ani Reyes.

Para naman sa KMU, dapat magkaron ng malawakang pagtutol ang mga manggagawa at mga komyuter laban sa planong dagdag-pasahe.

Ayon kay Adonis, maaaring maglunsad ng mga petition signing sa publiko laban sa pagtaas ng pamasahe na ihahain pantapat sa mga petisyon para sa dagdag-pasahe.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss