Sa Makati City, sa likod na nagtataasang gusali at kaunlaran, naghihirap pa rin ang maramingkapos-palad na maralita. Wala silang tirahan at pagkain sa araw-araw dahil sa kawalan ng trabaho o sapat na nakabubuhay na sahod.

Halos 4.5 milyong Pilipino ang walang tirahan ayon sa Depaul International. Mula sa Kamaynilaan ang dalawang katlo o two-thirds ng bilang na ito.
Hindi alintana ng manggagawa ang tirik na araw habang pinapanood siya ng kanyang kasamahan.Tinatrabaho nila ang bagong sidewalk na kanilang kinukumpuni na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na EDSA Rehabilitation Phase 1.

Kalunos-lunos ang pinapasan ng mga tsuper ngayon sa sobrang taas ng presyo ng langis. Halos napupunta na lang ang kinikita nila sa pang-boundary at panggasolina sa kanilang pampasadang jeepney.

‘Di man direktang naapektuhan ang Pilipinas ng giyera sa West Asia, butas na butas naman ang mga bulsa ng ordinaryong mamamayan.
Luging-lugi rin ang mga courier service rider dahil sa mababang bayad sa mga biyahe nila. Apektado rin sila ng oil price hike at tanging ayuda ang naging solusyon ng pamahalaan.

Dahil sa pabayang administrasyon, binawian ng buhay ang isang rider ng sa mga transport network vehicle service (TNVS) sa gitna ng pila para sa kakarampot na P5,000 na ayuda sa Quezon Memorial Circle noong Abril 18. Nakapila na simula alas-kuwatro ng umaga ang ibang rider, pero inabutan pa rin sila sa cut-off sa bigayan ng ayuda.
Iginiit ng marami na mas kailangan ang nakabubuhay na sahod at pagbaba ng presyo ng bilihin imbis na ayuda. Band-aid solution lang ito at saglit lang ang P5,000 dahil sa patuloy na pagtaas ng bilihin.

Napilitan na ring magtaas ng singil ang ilang talyer dahil sa implasyon. Kahit ayaw nila, kailangan nilang gawin ito para hindi malugi at may maiuwi sa kanilang pamilya.
