Uncategorized

Kamarang lilitis kay Digong, itinalaga na ng ICC – Pinoy Weekly

Kamarang lilitis kay Digong, itinalaga na ng ICC – Pinoy Weekly


Binuo ng International Criminal Court (ICC) ang Trial Chamber III na nakatakdang lilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos panindigan ng Appeals Chamber ang hurisdiksiyon ng korte sa mga insidente ng pagpaslang mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019 habang partido pa ang Pilipinas sa Rome Statute at kumpirmahin ng Pre-Trial Chamber I ang mga sakdal.

Sa puntong ito ng proseso ng ICC, opisyal na akusado na si Duterte sa tatlong kasong crimes against humanity sa mga aktong murder at attempted murder kaugnay ng mga extrajudicial killing sa mga operasyong kontra-droga bilang alkalde ng Davao City at kalauna’y pangulo ng Pilipinas.

Mayroong tatlong huwes na itinalaga nitong Abril 24 ang ICC Presidency sa Trial Chamber III. Pamumunuan ni Judge Joanna Korner bilang presiding judge ang kamara kasama sina Judge Keebong Paek at Judge Nicholas Guillou.

Mangyayari ang unang status conference ng kamara sa Mayo 27 upang talakayin ang mga paghahanda sa paglilitis. Ang Trial Chamber III rin ang magtatakda ng petsa ng unang pagdining para sa paglilitis matapos ang mga status conference.

Ayon kay ICC Assistant to Counsel at National Union of Peoples’ Lawyers National Capital Region secretary general Ma. Kristina Conti, inaasahang magsisimula ang paglilitis sa pagitan ng Oktubre 2026 hanggang Pebrero 2027.

Samantala, naghain ng apela nitong Abril 29 ang kampo ni Duterte sa desisyon ng Pre-Trial Chamber I sa kumpirmasyon ng mga sakdal na mariing tinutulan ng ICC Office of the Prosecutor at Common Legal Representative of Victims.

Kinuwestiyon ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I dahil umano sa mga hindi malinaw na paratang at kawalan ng wastong pagsusuri ng ebidensiya.

Sa magkahiwalay na tugon ng Office of the Prosecutor at Common Legal Representative of Victims, hindi anila maaaring iapela ang mga usaping inilatag ng depensa sa kumpirmasyon ng mga sakdal batay sa mga patakaran ng korte at mga naunang desisyon nito.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning