Digmaang gerilya o guerrilla warfare – Isang anyo ng iregular na pakikidigma kung saan ang maliliit, maliliksi at hindi pormal na hukbo (mga gerilyero) ay gumagamit ng mga taktika tulad ng tambang (ambush), sabotahe at sorpresang pagsalakay laban sa mas malaking tradisyonal na hukbo.
Nagmula sa Kastilang salitang nangangahulugang “maliit na digmaan,” ginagamit nito ang heograpiya, tulad ng kagubatan, upang bulabugin ang kaaway at mabilis na tumakas.
Ipapahayag ng maikling artikulong ito ang mga pananaw hinggil sa pakikidigmang gerilya at sa wastong paggamit nito. Higit sa lahat, dapat bigyang-diin sa simula pa lang na ang ganitong uri ng pakikibaka ay isang paraan upang makamit ang isang layunin. Ang layuning iyon, na mahalaga at hindi maiiwasan para sa sinumang rebolusyonaryo, ay ang pag-agaw sa kapangyarihang pampolitika.
Narito ang ilang mahahalagang katangian ng digmaang gerilya: Iregular na taktika na hindi direktang komprontasyon, kundi mga biglaang pag-atake, pagtambang at pamiminsala (sabotahe); maliliit na pangkat na binubuo ng mga sibilyan o iregular na mandirigma; mobilidad o mataas na kakayahang kumilos at mabilis na pagtakas pagkatapos ng atake; at paggamit ng kapaligiran o pagsasamantala sa masusukal na lugar o kagubatan para magtago at umatake. Ang taktikang ito’y naging mahalaga sa iba’t ibang labanan sa kasaysayan.
Hindi maiiwasan ang rebolusyon sa bansa. Ang katotohanang ito’y hindi itinatakda ng kagustuhan ng sinumang tao. Ito’y itinatakda ng mga kondisyon ng pagsasamantala at pang-aapi sa mga mamamayan, ang pag-unlad ng rebolusyonaryong kamalayan ng masa, ang pandaigdigang krisis ng imperyalismo at ang mga pandaigdigang kilusan para sa pagpapalaya ng mga bansang sinakop.
Sa bansa, may dalawang sitwasyon na magkaugnay: ang hindi maunlad na industriya at ang sistemang agraryo na may piyudal na katangian. Gaano man kahirap ang mga kondisyon ng pamumuhay ng mga manggagawa sa lungsod, ang populasyon sa kanayunan ay nabubuhay sa ilalim ng mas malala pang mga kondisyon ng pang-aapi at pagsasamantala.
Gayunpaman, ang uring magsasaka ay isang uri na dahil sa kakulangan ng kaalaman sa kanilang kinalalagyan at sa kanilang pagkahiwalay sa kanilang ginagalawan, ay nangangailangan ng rebolusyonaryo at pampolitikang pamumuno ng uring manggagawa at ng mga rebolusyonaryong intelektuwal. Kailangang sama-sama upang magtagumpay.
Ang malaking grupong mag-uuma ay kumikita lang sa pamamagitan ng pagtatrabaho para sa miserableng sahod bilang mga peon (unskilled workers) sa mga plantasyon. Nagbubungkal sila ng lupa sa ilalim ng mga kondisyon ng pagsasamantala na hindi naiiba sa ibang probinsiya. Ang mga sitwasyong ito’y tumutukoy sa iba’t ibang rehiyon sa bansa kung saan ang mahihirap na populasyon sa kanayunan ay bumubuo ng napakalaking potensiyal na rebolusyonaryong puwersa.
Ang hukbong gerilya, ang depensibong kilusan ng mamamayan, sa isang partikular na sandali ay may taglay na kakayahang salakayin ang kaaway at dapat patuloy na paunlarin. Ang kapasidad na ito ang nagtatakda, sa paglipas ng panahon, ng katalitikong katangian ng mga puwersa ng bayan. Ibig sabihin, ang pakikidigmang gerilya ay hindi pasibong pagtatanggol sa sarili, ito’y depensa gamit ang atake. Mula sa sandaling makilala ito bilang ganito, ang pangwakas nitong layunin ay ang pag-agaw sa kapangyarihang pampolitika.
Paborable naman para sa pakikidigmang gerilya na may layuning maglunsad ng kontra-atake o malampasan ang unos, at mula roon ay magsisimula silang kumilos. Gayunpaman, ang susunod ay dapat na maging napakalinaw: Sa simula, ang relatibong kakayahan ng gerilya ay dapat nilang pagsisikapan upang maging pamilyar sa lupain at sa mga nakapalibot na lugar habang nagtatatag ng mga koneksiyon sa populasyon at nagpapatibay sa mga lugar na kalaunan ay gagawing mga base.
Ang pakikibaka ng maliliit na yunit ng pakikipaglaban ay patuloy na pinapalago ng mga bagong puwersa; ang kilusang masa ay nagsisimulang maging matapang, unti-unting nadudurog ang lumang kaayusan sa libu-libong piraso, at doon na pinagpapasyahan ng uring manggagawa at ng masa ng lungsod ang labanan.
Ano ba ang dahilan kung bakit sa simula pa lang ng laban ay hindi matatalo ang mga yunit na ito, anuman ang bilang, lakas at mapagkukunan ng kanilang mga kaaway? Ito ang suporta ng mamamayan, at maaasahan nila ang patuloy na lumalaking suporta ng masa.
May ilang kondisyon para sa kaligtasan na dapat tanggapin ng isang puwersang gerilya kung ito ay umuusbong at napapailalim sa mga premis o katangian nito: patuloy na pagkilos, patuloy na pagbabantay, pag-aaral sa sitwasyon at patuloy na pagtitiwala.
Kung wala ang elementong ito ng mga taktikang militar, mahihirapan ang gerilya na mabuhay. Ang kabayanihan ng mandirigmang gerilya, sa sandaling ito, ay binubuo ng saklaw ng nakaplanong layunin at ng napakalaking bilang ng mga sakripisyo na dapat gawin upang makamit ito.
Ang tungkulin ng mga rebolusyonaryo, lalo na sa sandaling ito, ay malaman kung paano kilalanin at samantalahin ang mga pagbabago sa ugnayan ng mga puwersang naganap sa bansa at unawain na ang mga pagbabagong ito ay nagpapadali sa pakikibaka ng mga mamamayan.
Ang tungkulin ng mga rebolusyonaryo, ay hindi maghintay para sa pagbabago sa ugnayan ng mga puwersa upang makagawa ng isang himala ng rebolusyong panlipunan sa Pilipinas, kundi lubos na samantalahin ang lahat ng bagay na pabor sa rebolusyonaryong kilusan—at magsulong ng rebolusyon.
Hangga’t ang lipunan ay nahahati sa mga uri, hangga’t mayroong pagsasamantala sa tao sa pamamagitan ng tao, ang rebolusyon ay magpapatuloy hanggang maabot ang kanilang tagumpay.
