Puno ng galak ang grupong Karapatan sa pagkumpirma ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I sa mga sakdal laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Abril 23.
Humaharap si Duterte sa tatlong kasong crimes against humanity na murder at attempted murder na saklaw noong siya ang alkalde ng Davao City hanggang siya ang naging pangulo ng Pilipinas.
Ayon sa Karapatan, nakita nila kung gaano kasahol ang ginawa ni Duterte dahil sa pagpaslang ng mga maralitang Pilipino, katutubo, manggagawa at ng mga iba’t ibang sektor na bumabatikos sa kanyang mga patakaran.
Laking tuwa rin ang ang mga kaanak at pamilya ng mga biktima mula sa Rise Up for Life and for Rights sa pagkumpirma sa mga kaso ni Duterte. Anila, isa itong tagumpay na nagsisilbing malaking hakbang sa mga kaanak ng mga biktima para panagutin si Duterte.
Ayon kay Llore Pasco, ina at asawa ng mga biktima na pinaslang ni Duterte, matagal na niyang hinihintay na makita si Duterte na litisin sa korte para sa kanyang mga krimen.
Sa pagkumpirma ng mga sakdal kay Duterte, kinumpirma rin ang mga co-perpetrator sa mga kaso kasama sina Sen. Bato dela Rosa; Sen. Bong Go; dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre; dating National Bureau of Investigation Director Dante Gierran; dating Philippine Drug Enforcement Agency chief Isidro Lapeña; dating Chief of Davao City Police Vicente Danao, dating Finance Chief ng Davao Region Police Office Camilo Cascolan, dating Philippine National Police chief Oscar Albayalde at iba pang opisyal ng pulisya noong panahong alkalde ng Davao City at kalauna’y pangulo ng Pilipinas si Duterte.
Bago ang desisyon sa kumprimasyon ng mga sakdal, pinagtibay naman ng ICC Appeals Chamber ang naunang desisyon ng Pre-Trial Chamber I na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng pandaigdigang hukuman ang mga kaso ni Duterte dahil nangyari ang mga krimen habang partido pa ang Pilipinas sa Rome Statute, ang pandaigdigang kasunduan na nagtatag at nagbabalangkas ng kapangyarihan ng ICC.
Sama-samang nanonood ang mga biktima at tanggol-karapatan sa Justice Watch sa UP Diliman para panooorin ang livestream ng sesyon ng Appeals Chamber na nagbasura sa apat ng apela ng kampo ni Duterte noong Abril 22.
Sa desisyon ng Appeals Chamber, sinabi nitong bagaman naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC noong Marso 19, 2019, nasimulan na ang preliminary examination ng ICC Office of the Prosecutor sa mga patayang kaugnay ng giyera kontra droga noong 2018 na naging patunay sa hurisdiksiyon ng korte sa mga kaso laban sa dating pangulo. /May ulat mula kay Marc Lino J. Abila
