Mahigit isang buwan na magmula nang masalanta ang iba’t ibang parte ng Luzon ng huling bagyo. Subalit maraming residente pa rin sa Calumpit, Bulacan ang patuloy na naglalakad sa abot-tuhod na baha sa loob ng kanilang mga bahay.
Isa na rito ang sitwasyon ng pamilya Lacap na naninirahan sa kahabaan ng MacArthur Highway nang pumunta ang Bulatlat doon noong Agosto. Sa likod ng kanilang bahay, ang dating palayan ay tila naging tiwangwang na lawa.
Ilang hakbang lang mula sa kanilang bahay ang Malolos-Clark Railway Project (MCRP), isang flagship na proyektong imprastruktura ng pamahalaan. Ayon sa mga lokal na residente, nagsimula ang pagtatayo ng elevated railway noong 2022 sa Brgy. Iba O’Este, kung saan nakatira ang pamilya Lacap.

Sa panayam ng Bulatlat sa lokal na pamahalaan ng Calumpit, sinabi nilang malalaman lang nila ang epekto ng proyekto sa kapaligiran, partikular na ang pagbaha, kapag nagsimula nang gumana ang riles. Ngunit ayon sa mga residente, ngayon pa lang ay makikita na ang epekto ng proyekto sa pagbaha. Anila, umaabot na ng isang linggo o higit pa bago humupa ang baha.
Mula sa akses sa pagkain hanggang sa kabuhayan, ang proyektong ito na pinondohan mula sa utang ng pamahalaan, ay nagsisimula nang maging banta para sa komunidad. Ang mas nakakatakot, higit na magiging bulnerable ang kanilang komunidad sa epekto ng pabago-bagong kondisyon ng klima.
Waterworld
Nitong mga nakalipas na taon, mas bumagal na ang panunuyo ng baha sa kanilang lugar at minsa’y hindi na halos humuhupa, ayon kay Barbara Lacap, 72, mahigit 50 taon nang residente ng Brgy. Iba O’Este.
Ayon sa kaniyang anak na si Cristy, simula nang dumating ang tag-ulan nitong Hulyo ngayong taon, hindi na gaanong humupa ang baha. Dati-rati, kahit na nakakaranas sila ng baha pagkatapos ng bagyo o tuwing high-tide, mabilis ang paghupa nito.
Para masolusyunan ang pagbaha, itinaas nila ang palapag ng kanilang bahay para iwasang makapasok ang tubig-baha rito. Binanggit ni Barbara na umabot sa 100 trak ng tambak na materyales ang ginamit nila upang maitaas ang kanilang sahig. Bilang halimbawa, kinakailangang yumuko ng isang tao na may taas na 5’9″ kapag nasa loob ng kanilang bahay.
“Noon, kahit na magpakawala ng tubig ang mga dam, malakas ang ulan, o may high-tide, hindi nakakapasok ang baha sa loob ng aming bahay,” dagdag ni Cristy.

Ayon sa 2007-2020 Comprehensive Land Use Plan (CLUP), halos 229 ektarya ang sukat ng mga ilog na bumabaybay sa Calumpit. Tatlong ilog ang makikita rito—ang Angat, Pampanga at Bagbag.
Nakatala sa environmental impact assessment (EIA) ng proyekto na bulnerable sa pagbaha ang mga barangay ng Calumpit. Dahil ito sa mga aktibong daluyan ng ilog na makikita rito, na mayroon nang kasaysayan ng pagbaha at pagkasira ng mga pilapil na pumoprotekta sa mga barangay. Higit pa rito, matatagpuan din ang mga barangay sa mababang bahagi ng lupa.
Matatagpuan ang proposed station ng MCRP Brgy. Iba O’Este—ang sentro ng mga komersiyal na lugar at malapit sa mga susing institusyon, paaralan, simbahan at iba pang pampublikong serbisyo.
Direktang apektado din ng pagtatayo at operasyon ng MCRP ang iba pang lugar sa Calumpit gaya ng Pio Cruzcoza, San Marcos, Calumpang, Iba Este, Palimbang, Balungao at Gatbuca. Sa mga lugar ding ito nakatayo ang right of way ng Philippine National Railway (PNR) na siya namang gagamitin ng Department of Transportation (DOTr) para sa proyekto.

Nakasaad sa dokumento ng proyekto na pagbaha ang isa sa mga inaalala ng komunidad sa pagtatayo ng MCRP. Hindi bababa sa 43.4 porsiyento ng mga project affected families (PAFs) ang nagsabing major concern ang pagbaha sa Calumpit, 43.8 porsiyento naman sa Santo Tomas at 22.6 porsiyento sa San Fernando, Pampanga.
Ang pagtatayo ng Calumpit Institute, na dating likas na daluyan ng tubig, ay nagresulta sa pagbagal ng daloy ng tubig papunta sa Calumpit River, dahilan para tumaas ang baha at mas matagal na paghupa nito, ayon sa impact assessment ng proyekto.
Binanggit naman ni Lea Fullon, project development officer at assistant planning development coordinator ng Planning Development Officer ng Municipal Planning and Development Office (MPDO) ng Calumpit, na ang tuloy-tuloy na pagtaas ng tubig dahil sa high-tide ay mas lumala sa mga nagdaang taon.
“Kung hindi pagbaha, high-tide naman ang haharapin namin na ngayon ay umaabot sa tatlong metro. Lumala ito nitong mga nakaraang taon; dati, halos 2.5 metro lamang ang taas ng high-tide, pero ngayon, umaabot na ito ng 4 metro. Nangangahulugan ito ng malaking banta sa pagpaplano,” banggit ni Fullon sa panayam sa Bulatlat.
Dagdag pa niya, halos lahat ng mga residente ay apektado dahil tatlo lamang sa 29 barangay ang hindi binabaha. “Ang natitirang 26 barangay ay nakakaranas ng isyu sa pagbaha. Kinakailangan nito ng malaking solusyon sa aspekto ng engineering para matugunan, dahil flood-prone ang mga lugar noon pa man,” sabi ni Fullon sa Ingles.
Binanggit niya rin na nakakapinsala sa natural na sistema ng paagusan ng bayan ang iba pang itinatayong proyekto tulad ng mga subdibisyon. “Dagdag pa, mayroong mga proyektong pangkaunlaran tulad ng MCRP,” ani Fullon.
Karugtong ang MCRP ng North-South Commuter Railway (NSCR), isang proyektong nagkakahalagang P777 bilyon (tinatayang nasa $14.6 bilyon) at bahagi ng Build, Build, Build program ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Asian Development Bank (ADB), ang MCRP ay ang pinakamalaking pinondohan ng ADB sa Pilipinas at Asya. Ang proyektong ito ay pinondohan din ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Ang 53 kilometrong riles na ito ay babagtas sa 10 munisipalidad at lungsod ng Malolos at Calumpit sa Bulacan; Apalit, Minalin, Sto. Tomas, San Fernando, Angeles at Mabalacat ng Pampanga; at Bamban at Capas ng Tarlac.
Mayroong pitong istasyon ang MCRP: Calumpit, Apalit, San Fernando, Angeles, Clark, Clark International Airport at New Clark City. Ang himpilan ay matatagpuan sa Mabalacat, Pampanga.
Mula Clark hanggang Capas, plano ng DOTr na gamitin ang mga pribadong lupain sa Bamban at mga kalsadang kumokonekta sa Bases Conservation and Development Authority (BCDA) sa Capas na may haba na 18.2 kilometro. Gagamitin din ng DOTr ang mga ari-arian ng BCDA sa loob ng Clark Special Economic Zone (CSEZ) para sa daanan mula Clark hanggang sa ilang bahagi ng Clark International Airport (CIA) na may kabuuang haba na 3.3 kilometro.
Binanggit ng pamahalaan na ang MCRP ang kauna-unahang railway project sa Pilipinas na dinisenyo upang kumonekta sa isang airport. Tinutukoy sa proyektong ito ang Clark International Airport sa Pampanga.
“Dahil ang NSCR ay magkakaroon ng kauna-unahang airport express train service sa bansa na magpapadali sa mga pasahero na bumyahe mula Makati hanggang Clark Airport sa loob ng isang oras, maaari natin itong ituring bilang isang trail-blazing na proyekto. Upang maisakatuparan ito, ang tren ay tatakbo sa loob ng 160 kilometro kada oras, kaya’t magiging isa ito sa pinakamabilis na uri ng pampublikong transportasyon,” pahayag ni dating DOTr Secretary Arthur Tugade sa Ingles noong 2020.

Pagkawala ng mga palayan
Ngunit ang pagkakaroon ng access sa paliparan ay malayo sa isipan ng mga residente ng Calumpit, ang unang istasyon ng MCRP.
Ang Calumpit ay pangunahing lupang agrikultural. Ayon sa CLUP nito, ang kabuuang lupain ng Calumpit ay 5,625 ektarya. Mula rito, 43 porsiyento ang tinukoy na lupang agikultural, kabilang ang 35 porsiyento para sa produksiyon ng palay, 0.04 porsiyento para sa gulay, at 7 porsiyento para sa aquaculture.
Naaalala pa ni Barbara dati, nakukuha lang nila ang kanilang pagkain sa lupang tinatamnan nila ng yumao niyang asawa.
Umaani sila ng bigas at gulay tulad ng sitaw at okra, at iba pa. Malaking tulong sa kanila ang pagkain na kanilang inaani mula sa sariling sakahan dahil mayroon silang walong anak na kailangang pakainin, ani Lacap.
Ngayon, ang dating palayan sa likod ng bahay nila Barbara ay naging lawa dahil hindi na humuhupa ang tubig.
Dati, akala ni Cristy, matutuyo pa ang palayan na ‘yon. “Nakakapagtayo pa kami ng mga kubo noon at pwede pang maglaro ang mga bata. Pero ngayon, hindi na nawala ang tubig at naging lawa pa,” sabi niya.
Dahil naitayo ang mataas na riles sa kanilang lugar, sobrang bagal ng paghupa ng tubig magmula man ito sa baha o high-tide.
“Hindi na namin kailangang bumili ng bigas dati noong buhay pa ang tatay ko. Iyon ang pinapakain niya sa amin. Hindi niya rin iyon binebenta kaya hindi kami kapos sa badyet,” sabi ni Cristy.

Naaalala niya rin kung gaano kaproduktibo ang kanilang lupa noon.
“Pagkatapos magtanim ng palay, mga gulay tulad ng mais at munggo naman ang tinatanim ng tatay ko. Dati, nagagawa niya pang maitanim ang lahat ng iyon. Ang asawa ko naman ay nagtatanim ng sitaw at okra sa parehong lugar. Pero ngayon, hindi na iyon pwede,” dagdag ni Cristy.
Ibinahagi ni Calumpit Municipal Engineer Maria Eva Valiente ang kanyang parehong obserbasyon.
“Nananatili ang tubig, saka unti-unting nawawala, hanggang sa tuluyang hindi na ito humuhupa. Maiipon ang mga tubig, na kalaunan, mahihirapan nang taniman. Sa ngayon, ang mga natitirang lugar na pwede pang taniman ng palay ay nasa Sapang Bayan at Santo Niño,” banggit niya.

Bukod sa tubig-baha na lumubog sa palayan, sinabi rin ng isa pang residente, si Flor Lacap, na ang pagtaas ng alat sa tubig-tabang ay nakaapekto sa lupa kung saan sila nagtatanim ng gulay.
“Noong 2017, napansin namin na hindi na puwedeng taniman ang ilang mga lupa dahil apektado na ito ng tubig-alat. Hindi na tumutubo ang mga pananim namin, dahilan para huminto kami. Hindi na rin kami kumikita, nasasayang lang,” sabi ni Flor.
Naniniwala si Cristy na nakaapekto rin sa kanilang komunidad ang malawakang reklamasyon sa Manila Bay, hindi lang sa pagkakaroon ng tubig-alat sa lupa, kundi sa pagtaas ng water level at sa pagbagal ng hupa ng tubig.
“Tapos pinutol pa nila ang mga puno. Simula noong nakausap kami ng PNR noong 2017 tungkol sa proyekto, ilang buwan lang ay nagsimula na silang magputol ng puno. Makakatulong sana sa paghupa ng baha ang mga puno. Makakatulong din sana ito sa init,” sabi ni Cristy sa pag-aakalang magsisimula na ang konstruksyon ng proyekto noon at matatatapos sa taong 2023.
\
Binanggit naman ni Bryan Tolentino, planning assistant sa MPDO, na naapektuhan din ang kabuhayan ng mga magsasaka sa San Jose dahil sa pagkalubog ng kanilang lupang sakahan.
“Hindi na rin pwedeng gamitin ito bilang fish pond. Una, nahalo na ito sa tubig-alat. Pangalawa, kapag nagbaha, ang mga isda ay aanurin,” sabi ni Tolentino sa panayam ng Bulatlat.
Ayon kay Maria Klarizza Gianan, isang staff member ng MPDO, na sa mga lugar na binaha ang sakahan, napipilitan ang mga magsasaka na lumipat sa pangingisda.
“Dahil mayroong tubig-tabang, nakakahuli sila ng mga isdang galing sa ibang lugar, maaaring sa Hagonoy. Mayroong hipon, hito at iba pa. May ibang mga magsasaka na nagtrabaho sa konstruksiyon. At sa railway project, sa tulong ng munisipalidad, natulungan namin silang mapasama sa proyekto ng PNR,” sabi ni Gianan sa Bulatlat.
“At para sa mga mangingisda, kapag nasasalanta sila ng baha, mayroon silang alternatibong kabuhayan tulad ng boat transport services. Nakikita ng lokal na pamahalaan ang pangangailangan para magbigay ng tulong tulad dati, kung kailan namahagi ang alkalde ng lambat sa mga mangingisda at mga relief goods,” dagdag ni Gianan.
Puwersahang paglikas ng mga residente
Dumadagdag pa sa kasalukuyang problema ng lungsod ang puwersahang paglikas ng mga residente na nakatira sa kahabaan ng MCRP.
“Walang kapasidad ang lokal na pamahalaan na saluhin ang mga malawakang epekto ng proyekto. Nangangapa pa ang LGU, may kakulangan sa tao at resources. Dagdag pa ang malaking proyekto na pwersahang magpapalikas sa libo-libong residente. Kaya naman, hinahayaan namin ang pambansang ahensya ng pamahalaan na pangasiwaan ang proyekto, partikular na ang DOTr. Kinuha na nila ang buong responsibilidad para sa mga epektong sosyal nito, tulad ng kapakanan at kabuhayan ng komunidad,” ani Fullon.
Batay sa Resettlement Action Plan (RAP) na ihinanda ng DOTR, may kabuuan na 2,977 na pamilya ang maaapektuhan ng land clearing. Sa bilang na ito, 92.17 porsiyento ang mawawalan ng tirahan, 3.49 porsiyento naman ang mawawalan ng stand-alone na negosyo, at 4.33 porsiyento ang mawawalan ng trabaho mula sa mga negosyo.
Isinaad din ng RAP sa ilalim ng 2,977 na apektadong pamilya, apektado ang mga negosyong pinapatakbo mula sa kanilang mga tirahan at ang pagkawala ng iba pang istruktura at pananim. Ayon sa RAP, malubha ang pagkalugi nila.
Mula sa datos ng RAP, mayroong 1,288 na bulnerableng pamilya ang pwersahang lilikas mula sa kanilang mga tahanan at kabuhayang nakadepende sa kanilang mga bahay.
Ayon sa dokumento, ang mga bulnerableng pamilya ay mga underprivileged household na kumikita ng mas mababa sa regional poverty threshold, mga solo parent na may binubuhay na bata at matatandang edad 60 pataas, pamilyang pinamumunuan ng mga matatanda, at mga pamilyang mayroong miyembrong may kapansanan.
Calumpit at San Fernando City ang mga lugar na mayroong mataas na bilang ng mga apektadong pamilya ng nasabing proyekto.
Habang nakasaad ang relokasyon para sa mga apektadong pamilya ayon sa mga dokumento, may ilang pamilya pa rin na naghihintay sa mga opisyales ng pamahalaan para bigyan sila ng huling detalye tungkol sa plano para sa kanilang pwersahang paglikas.
Si Merlita M. Manlaza, 63, mula sa Brgy. Claro M. Recto, Angeles City, Pampanga ay nakatira ngayon sa kahabaan ng PNR right-of-way. Apektado sila ng proyekto at nasabi sa kanila noong mga nakaraang taon na sila ay mare-relocate.

“Mga limang taon na ang nakakalipas nang magkaroon kami ng pulong at nasabing kabilang ang bahay namin sa mga made-demolish dahil sa proyekto. Sinabihan din kami na dahil hindi namin pag-aari ang lupa, ire-relocate lamang kami ng pamahalaan,” banggit ni Manlaza sa Bulatlat.
Sila ang caretaker o tagapangalaga ng bahay na tinitirhan nila ngayon. Aniya, ang mga may-ari lang ng lupa ang mabibigyan ng kompensasyon sa puwersahang paglikas.
Nagtatrabaho si Manlaza bilang tagapaglinis ng bahay. Ang kanyang apat na anak ay walang permanenteng trabaho. Nag-aalala sila dahil hanggang ngayon, hindi pa rin sila nakakakuha ng update tungkol sa demolisyon. Limampung taon na silang residente at sabi niya, nakakalungkot na kinakailangan nilang umalis sa lugar.

“Wala kaming magawa dahil utos ‘yon ng pamahalaan. Nagtatrabaho kami rito, dito rin nag-aaral ang mga apo ko. Kung kami ay mare-relocate, maaaring malayo ‘yon dito at maaaring mahal ang gastusin para sa biyahe,” sabi ni Manlaza.
Aniya, hindi sila aalis sa kanilang tahanan hangga’t walang malinaw na plano para sa kanilang relokasyon. Hanggang ngayon, sa pagkakaalam niya, wala pa ring relocation site para sa kanila.


Samantala, ang pamilyang Lacap ay hindi makalipat ng bahay dahil naghihintay pa rin sila ng kompensasyon. Plano nilang magtayo ng bahay nang mas malayo sa kanilang kasalukuyang lugar. Halos isang taon na ang nakakalipas, sabi ni Cristy, simula nang makipag-ugnayan sa kanila ang isang trabahador ng PNR at nagpunta sa kanilang compound.
“Naghihintay na lang kaming sabihan kung kailan kami aalis. Hindi na maganda ‘yong pagkasira ng ibang bahay at hindi na rin nila ito kayang ayusin. Sabi ng PNR, babayaran lang nila ‘yong nakunan ng larawan dati. ‘Yong mga inayos o mga idinagdag sa bahay ay hindi na babayaran ng kompensasyon dahil nakagawa na sila ng estimate. Kung sira ang bubong mo, hindi mo ‘yon pwedeng ipaayos. Kaya naman hindi na rin kami nagkukumpuni. Lahat ng aayusin namin ay hindi maisasama sa kompensasyon,” sabi ni Cristy.
Paglaganap ng mga imprastrukturang pangkaularan
Binigyang-pansin ng mga environmental advocates na ang mga residenteng direktang apektado ang huli sa mga kinonsulta sa posibleng epekto ng proyekto sa kanilang kabuhayan at pamumuhay.
Ang mas malubha, sabi ni Jose Antonio Montalban, public information officer ng Pro-People Engineers and Leaders (Propel), isang organisasyon ng mga inhinyero, madalas hindi sinasabihan ang publiko sa mga posibleng epekto ng mga proyekto sa kanilang buhay.
“Ang nangyayari, nalalaman lamang nila ang proyekto kapag kompleto na ang disenyo at tapos na ang EIA, at ipinepresenta na lamang para mag-comply sa mga requirements ng pamahalaan,” sabi niya.
Idiniin din ni Montalban na ang opinyon ng publiko ay dapat na hinihingi sa conception phase pa lang
“Mula sa design conceptualization ng proyekto hanggang sa operasyon nito, dapat alam ng mamamayan ang aksyon ng mga tagapagtaguyod ng proyekto. Dapat alam din ng mamamayan na kasama ang lokal na pamahalaan sa pagmo-monitor at pag-o-audit ng mga proyektong ‘to.”
Mukhang hindi rin kasama ang lokal na pamahalaan sa pagdidisenyo ng proyekto.
Ayon kay Valiente ng Calumpit engineering office, wala silang partisipasyon sa disenyo ng proyekto. Ang kanilang trabaho, sabi niya, ay limitado lamang sa mga administrative matters dahil dumating ang transportation department at JICA nang mayroon nang disenyo.
“Kinontak na lang nila kami at nagsagawa ng mga pulong tungkol sa proyekto,” sabi niya.
Parehong binanggit ni Fullon at Tolentino na ang lokal na pamahalaan ay nagsisilbing tagapag-ugnay lamang ng kanilang mamamayan at ng pambansang ahensya ng pamahalaan.
“Minsan, tatawag lang sila at aabisuhan na bibisita sila sa lugar. O ‘di kaya’y hihingi ng tulong kung kinakailangan,” sabi ni Fullon.
Binanggit naman ni Tolentino na “ito ay common practice na kahit sa iba pang mga lungsod.”
Dahil hindi lubos na naipapaalam sa publiko ang mga epekto ng proyekto, sinabi ni Montalban na ang mga proyektong sinimulan sa ilalim ng malalaking imprastruktura ay nagdulot ng pagbaha, malawakang paglikas, at tuloy-tuloy na pagkasira ng kalikasan sa mga komunidad na lubos na umaasa sa likas na yaman, maging sa mga kabundukan o baybaying-dagat.

Sinabi niya rin na ang pagtagal ng baha sa kanilang komunidad na naobserbahan din ng pamilya Lacap, ay direktang epekto ng MCRP.
“Anumang pagbabago, kahit sa loob ng loob ng konstruksyon, ay maituturing nang direktang epekto sa komunidad. Ito ay dahil sa mga pagbabago sa hydrogeological o hydrographical na katangian ng mga lugar na apektado ng proyekto,” sabi ni Montalban, isang environmental at sanitary engineer, sa isang online na panayam ng Bulatlat.
“Nakikita na natin ito sa mga mabababang lugar sa Metro Manila, kung saan nagdulot ng malawakang pagbaha ang mga dumaang bagyo kamakailan lamang, tulad nina Carina at Enteng. Ang pagtaas ng bilang ng mga proyektong imprastraktura ay nagdulot ng pagbara sa daluyan ng tubig-baha, dahilan para tumaas ang water level,” sabi ni Montalban sa Ingles.

“Dagdag pa, kasabay ng proyektong ito, may pagkukulang din sa atensiyon sa iba pang proyekto na nakapalibot sa Manila Bay, tulad ng mga proyektong reklamasyon, partikular na ang Aetropolis (New Manila Airport),” dagdag ni Montalban.
“Masasabi natin na ang mabilis na pagtataguyod ng mga ‘to ay mayroong direktang epekto, lalo na kung walang pagsaalang-alang sa mga lokal na komunidad,” sabi ni Montalban.
Dagdag din ni Montalban, “Kinakailangan natin ng holistic approach na hindi nakatuon ang pansin sa basic engineering applications. Dapat na mayroong konsiderasyon sa siyensya, panlipunang pag-aaral, epekto sa kalikasan, at pampublikong kalusugan.”
Binanggit niya rin na maaaring dumagdag pa ang socio-economic na issue ng mga residente. “Dahil lahat ng epekto sa kapaligiran, lalo na kung ito ay tungkol sa pagkain at kabuhayan, ay maaaring makakompromiso.
Sinabi rin niya na maaaring lumitaw ang mga suliraning panlipunan at pang-ekonomiya. “Anumang epekto sa kapaligiran, lalo na kung ito’y tungkol sa pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan, ay maaaring makaapekto sa socio-economic stability ng mga residente. Magkakaugnay ang mga isyung ito, kaya’t ang panawagan namin para sa mga proyektong ito ay gumamit ng holistic, multidisciplinary, at multi-sectoral na pamamaraan.”
Kaunlaran para kanino?
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na tinatayang nasa halos 1.1 milyon na trabaho ang kayang i-generate ng proyektong Build, Build, Build.
Samantala, inugnay naman ng kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. ang “paglago sa ekonomiya” noong second quarter ng 2024 sa kaniyang Build Better More, isang programang imprastraktura rin ng pamahalaan.
Para sa think tank group na Ibon Foundation, hindi ito ang realidad para sa maraming Pilipino. Sinabi ng grupo na marami pa rin ang nakakaranas ng kahirapan, mababang kita, at kakulangan sa permanenteng trabaho.
Sa pagsusuri nito ng programang Build Better More, sinabi ng grupo sa Ingles, “Ang paghiram ng pera para suportahan ang mga pagsisikap para sa kaunlaran ay hindi mali, ngunit mahalagang maitala na ang mga utang mula sa dayuhan ay nagbibigay ng ODA (official development assistance) bilang bahagi ng kanilang foreign policy objectives at pansariling interes, kaysa inisyatiba para tumulong (altruism).”
“Halimbawa, matagal nang biggest ODA provider ang Japan ng ating bansa, at napakalaking bahagi nito ay napunta para sa mga imprastraktura, upang suportahan ang investment ng mga Hapon sa ating bansa, kundi man lantarang gastusin para sa mga Japanese firms at contractors,” sabi ng Ibon.
“Ang mga proyektong pangkaunlaran ay dapat na pinaplano at iniimplementa sa konteksto ng pangangailangan ng ating bansa at solusyon sa mga suliranin nito, at may konsiderasyon sa pangmatagalang epekto sa ating kalikasan,” sabi ni Jonila Castro, advocacy officer ng Kalikasan People’s Network for the Environment, sa isang panayam.
Dagdag niya, ang mga proyektong pangkaunlaran ay dapat na “tumutulong para maging maginhawa ang buhay ng mamamayan, hindi para sa kita ng iilan lamang, at hindi rin para isaalang-alang ang kalikasan.”
“Ang mga kasalukuyang problema ng ating bansa ay matinding kahirapan at kawalan ng trabaho. Dagdag pa, ang ating bansa ay kilala bilang climate vulnerable, kaya naman malaki ang epekto ng krisis sa klima sa atin, tulad ng matinding pagbaha. Kadalasan, ang mga proyektong pangkaunlaran pa ang nagpapalala ng mga problemang ito,” sabi ni Castro.
Binanggit din ni Castro na naitala ng kaniyang grupo na “pseudo-development projects” ang maraming proyekto ng pamahalaan. “Itinayo ang mga ito para lamang kumita ang mga malalaking korporasyon at maging balon ng korapsyon,” sabi niya sa Ingles.
Ang nararapat na proyektong pangkaunlaran, aniya, ay hindi puwersahang nagpapalikas sa mamamayan, hindi nakakasira ng mga sakahan at mga pangisdaan, o nakakasira ng mga kagubatan at kabundukan.
“Hindi dapat magdusa ang ating kalikasan at buong kapaligiran, dahil lamang sa kagustuhan nating umunlad,” sabi ni Castro.
“Ang tunay na kaunlaran ay dapat kasama ang lokal na komunidad sa pagpaplano at paggawa ng mga solusyon, hindi sila nakikita bilang mga balakid sa proyekto na pipiliting tanggapin o babantaan kung hindi sasang-ayon. Kung sa simula pa lamang ay tinitingnan na ang mga apektado bilang hadlang, bago pa man dumating ang isang proyekto, malinaw kung para kanino ang ‘kaunlarang’ ito,” dagdag ni Castro.
Samantala, habang tuloy-tuloy ang konstruksyon ng MCRP, nangangapa pa rin sa dilim ang mga pamilya nina Lacap at Manlaza.
“Walang sinasabing kongkreto ang pamahalaan sa amin, kung kailan nila kami bibigyan ng kompensasyon, o kung kailan nila kami palalayasin sa lugar na ito. Talagang mahirap, at pakiramdam namin ay nakabitin lang kami,” sabi ni Cristy.
Sinabi niya rin na dapat bigyan ng pamahalaan ng pagpapahalaga ang mga residente, lalo na sa kapakanan nito. /Salin ni Dominic Gutoman
Nabuo ang ulat na ito sa tulong ng Earth Journalism Network ng Internews bilang bahagi ng Media Action on Sustainable Infrastructure in the Philippines Project. Orihinal na nailathala sa wikang Ingles sa Bulatlat.
