Duterte’s China Embrace’ – Pinoy Weekly

September 7, 2024


Magiging mahalagang tala ng kasaysayan ang “Unrequited Love: Duterte’s China Embrace” ng tanyag na mga mamamahayag na sina Marites Vitug, editor-at-large ng Rappler, at Camille Elemia, freelance reporter na nagsusulat para sa New York Times, BenarNews at Radio Free Asia.

May 62 na pahina o nasa 20% ng libro ang nakalaan para sa listahan ng sanggunian na binuo ng daan-daang balita, mga talumpati, at panayam sa iba’t ibang maalam na tao. Walang iniwang puwang ang libro para pagdudahan ang mga isiniwalat at pinaaalala nito ukol sa nagdaang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Madali mang basahin ang libro—tanda ng epektibong panulat ng mga alagad ng midya—mabigat naman sa loob baybayin sa ilang daang pahina ang mga nagdaang tagpo na yumanig sa Pilipinas.

Halimbawa na nito ang noo’y maugong na Pharmally scam. Sa kasalukuyang panahon ng nagtataasang presyo ng mga bilihin, mapait na paalala na natapos ang 2020 na nakapamili ang mga opisyal ng Pharmally ng mga luxury car na nagkakahalaga ng P53 milyon.

Nariyan din ang hayagang pagtalikod sa polisiya ni Duterte nang magpabakuna siya, ang kanyang security group at ang ilan niyang mga kaalyado kahit wala pang permiso na gamitin ang Sinopharm noon sa bansa. Dahil sa tagal ng panahon at sa estilo ng pagsusulat ni Vitug at ni Elemia, madaling balikan ang magulong yugto na ito.

Mas malaman kaysa sa karaniwang balita, nababanggit rin sa libro ang malalim na relasyon ni Duterte at ng mga kaibigan niyang Tsino at Chinese-Filipino, pati na ang poot niya sa United States (US) na naipon bago pa siya naging pangulo.

Maigi ring nabanggit ang ilan pang punto sa kasaysayan, tulad ng pakikisangkot ng China sa mga proyekto sa imprastruktura na nagsimula sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ibinabalik nito sa alaala ang ilang kasunduang pinasok noong panahon na iyon na pilit namang ipinapalimot sa mga Pilipino.

Pero hindi lang pangalan ng mga kilalang opisyal at proyekto ang nakatala sa libro. Laman din nito ang ilang kuwento ng mga Pilipinong apektado ng mga polisiya ng administrasyon Duterte.

Halimbawa nito ang mga nabaon sa utang para maghanda ng mga papeles sa lupa (na gagamitin dapat sa mga naunsyaming rail project) at mga mangingisda na apektado ang kabuhayan dahil sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

Ibinahagi ni Elemia sa isang book talk sa San Juan City na hindi niya makalimutan ang kuwento ng mga mangingisda. “Mayroon nag-uwi ng huli nila, dalawang isda lang. Hindi dalawang timba o dalawampu,” sabi niya. “Dalawang piraso!”

Kung may isang mahabang kabanata na laman lang ay mga kuwento ng karaniwang tao na ito, lalong makikita ang lawak at lalim ng epekto ng mga polisiya at napakong pangako ni Duterte. “Mega hype” nga ika ni Vitug ang mga proyektong ipinamandila sa ilalim ng “Build, Build, Build” na maitatayo sana sa tulong ng mga loan mula China na hindi na dumating.

Dito na nagtagpo ang nakaraan at kasalukuyan. Marahil dahil sa maka-US na polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi na napigilan ng ilang mambabasa magtanong: sa aling relasyon ba mas lalamang ang Pilipinas? Sa China o sa US?

Sa naging book launch ng Ateneo University Press, sinabi sa Ingles ni Vitug, “Hindi natin kailangan mamili [sa pagitan ng China at US].”

“Tingin ko, hindi lang tayo basta kasangkapan sa girian ng US at China. May mga pambansang interes tayo at  hindi ‘yon nakasalalay sa US o China,” sabi niya.

Tunay ngang kailangan magtanda ng lahat, lalo na ng mga nakaluklok sa puwesto: nasa pagtatanggol sa interes ng karaniwang Pilipino ang tunay na pag-ibig sa bayan.

Pero higit sa pag-usisa sa nakaraan, maraming naiiwang tanong para sa kasalukuyan: Kailan mapapanagot ang mga nagkanulo sa sariling bansa para sa pag-asenso nilang iilan?



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Strike immobilizes jeepney routes in Metro Manila, regional centers nationwide

The ongoing jeepney strike immobilized jeepney routes in Metro Manila

Reds dismiss Marcos offer of amnesty as ‘treachery’

The Communist Party of the Philippines (CPP) dismissed President Ferdinand