Mariing kinondena ng mga transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ang muling pagbubukas ng aplikasyon para sa franchise consolidation.
Nitong Okt. 17, inanunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na muling bubuksan ang aplikasyon sa loob ng 45 na araw simula Okt. 18 hanggang Nob. 29.
Nilinaw ng ahensiya na papayagan na lang umanib sa mga buo ng kooperatiba o korporasyon at hindi na maaaring gumawa pa ng bago ang mga hahabol sa konsolidasyon maliban na lang sa mga rutang wala pang kooperatiba.
Nanindigan ang Piston at Manibela na hindi sila kakagat sa alok na “one last chance” na konsolidasyon sa kabila ng muling pagbubukas ng aplikasyon nito. Mariing iginiit ng dalawang hanay na hindi extension ang kanilang kailangan, bagkus ang renewal ng kanilang mga prangkisa.
Patuloy namang ipinananawagan ng Piston na tutulan ang muling pagtulak ng konsolidasyon at mag-withdraw ang mga nagpasa ng aplikasyon nito. Giit pa ng grupo, dapat ding tuluyan nang ibasura ang Local Public Transport Route Plan at Route Rationalizing Plan.
Kasabay ng pagbubukas ng aplikasyon, tiniyak ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na makatatanggap ng mga benepisyo ang mga sasali sa konsolidasyon.
Aniya, makakakuha ng minsanang fuel subsidy ang mga bagong konsolidang tsuper at opereytor ng mga pampublikong sasakyan.
Bukod dito, sa ilalim naman ng Service Contracting Program o Libreng Sakay, P15,000 hanggang P20,000 ang halaga ang maaari nilang matanggap.
Sa kanilang pahayag, kinondena ng Piston ang paggamit ng ahensiya sa subsidiyo upang puwersahang yakapin ng masang tsuper at opereytor ang huwad na programa ng modernisasyon.
Ayon sa datos ng LTFRB, tinatayang 83% ang nagpakonsolida na at inaasahang papalo sa 93% ang bilang ng mga pampublikong sasakyan na sasali sa modernization program bago matapos ang taon.
