Mandatory ROTC, bunga ng kapalpakan ni Marcos Jr. sa diplomasya – Pinoy Weekly


Setyembre 29 nang napabalitang priyoridad na ulit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) ayon sa panayam sa Super Radyo DZBB kay Senador Francis Tolentino.

Wala nang sugarcoating—nakapanguna na sa kanyang mga salita ang sigalot sa West Philippine Sea kung bakit kailangang iratsada ang Mandatory ROTC sa kolehiyo. Hugot sa hangin niya ring binanggit ang tumataas na interes ‘di umano ng kabataan sa nasabing programa.

Binanggit niya sa panayam ang paghahambing sa bilang ng mga reservist ng Tsina. Sa pagpapahupa ng mga tensiyon, malaking tulong daw ang Mandatory ROTC upang lalo umanong mahalin ng kabataan ang bayan. 

Sa kabila ng mga sinabi ng senador, batid ng maraming kabataan at education stakeholder ang mga dahilan bakit kailangang tutulan ang Mandatory ROTC. Samu’t sari na ang mga karumal-dumal na kaso ng korupsiyon; palakasan; mga kaso ng abusong pisikal, mental, at seksuwal; at pagiging kasangkapan ng panggigipit sa karapatang mag-organisa at magpahayag sa mga paaralan.

Batid din ng maraming kabataan ang dahilan kung bakit ito naging opsiyonal—ang pagpatay noong 2001 sa kadete na si Mark Welson Chua buhat ng kanyang paglalantad sa korupsiyon sa ROTC sa University of Santo Tomas.

Buhat ng mga nasisiwalat na paglabag ng Armed Forces of the Philippines sa mga karapatang pantao, dumarami rin ang nagkakaroon ng kamalayan na huwag dapat tularan ang mga berdugo’t peste sa kanayunan.

Sa pambansang survey naman ng Catholic Educational Association of the Philippines nakaraang taon, lumalabas na 53% ang tutol habang 28% ang sang-ayon, bagay na tunay na mapanghahawakan kumpara sa arbitraryong mga pahayag ni Senador Tolentino.

Dagdag pa, mayroong mga tala sa ilang mga paaralan ngayon kung saan sinasadyang gipitin ang mga estudyante sa mas pinaunting slots ng National Service Training Program (NSTP) upang mapipilitan ang mas maraming mag-enroll sa ROTC.

Anumang tumbling ng mga nagtutulak nito, sa totoo, itong Mandatory ROTC ay signos ng kapalpakan ng rehimeng Marcos Jr. na idaan sa mapayapa at diplomatikong pamamaraan ang pagresolba ng sigalot sa West Philippine Sea at signos din ng mahabang panggogoyo ng Estados Unidos upang hatakin tayo sa mga walang kuwentang digmaan.

Ngayon, sacrificial lamb gustong ituring ang mismong kabataang Pilipino alang-alang sa “pagmamahal” ‘di umano sa bayan na tabing lang sa pagpapanatili ng parasitikong hegemoniya ng Estados Unidos sa rehiyon.

Bigong harapin ng rehimeng Marcos Jr. ang gusot pandagat sa pamamagitan ng napanalo nang pandaigdigang arbitral ruling laban sa Tsina noong 2016 at sa pamamagitan ng tulungang multilateral sa mga bansa sa Timog Silangang Asya.

Malinaw na sa sunod-sunod na labas-pasok ng mga sundalong Amerikano at ng iba pa sa ating bansa sa pamamagitan ng Balikatan, Kamandag at Reciprocal Access Agreement, at sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga base at pasilidad ng mga Amerikano sa Pilipinas ay mga hakbanging militaristiko ang nakapanguna kay Marcos Jr.

Hindi mahihiwalay ang mga maniobra sa Mandatory ROTC—magiging pain ang kabataang Pilipino sa isang giyerang hindi natin ginusto at sa giyerang pinapaypayan pangunahin ng Estados Unidos.

Paano gayon titindi ang pagmamahal ng kabataan sa bayan kung ito ay sapilitan at magsisilbi lang pala sa heopolitikong interes ng Estados Unidos? Isa nanamang Biyetnam o Korea ang kahihinatnan nito, alang-alang sa mga makasariling interes ng imperyalismo.

Sapagkat magbubukas na ulit ang sesyon ng Senado at may bantang maipasa na ito sa Nobyembre 4, nasa susing panahon ngayon upang tutulan ng lahat ng kabataang Pilipino at educational stakeholder ang Mandatory ROTC at singilin ang lahat ng gustong isabak ang kabataan sa walang-kuwentang digmaan at hindi natin ninanais.

Binabali ng polisiyang ito ang malayang kapasyahan ng kabataan sa paraan ng pagsisilbi sa bayan. Kaya kailangan din ng sama-sama at daluyong na pagpapasya ng kabataan upang ihinto ang pagratsada ng Mandatory ROTC at sa wakas ay ibasura ito nang tuluyan.




Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!