Employment

Employer, gobyerno, dapat managot sa gumuhong landfill sa Cebu – Pinoy Weekly

Employer, gobyerno, dapat managot sa gumuhong landfill sa Cebu – Pinoy Weekly


May kriminal na pananagutan ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at kompanyang Prime Integrated Waste Solutions sa pagkamatay ng mga manggagawa sa gumuhong landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City noong Ene. 8, ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR).

“Kailangang panagutin ang DENR sa kabiguan nitong tiyakin na tinutugunan at inaayos ng Prime Waste ang mga umiiral na paglabag at kakulangan sa operasyon. Dapat ding managot ang DOLE sa kapabayaan nitong protektahan ang mga manggagawa ng nasabing kumpanya laban sa mga paglabag sa Occupational Safety and Health (OSH) Law,” sabi ni Kamz Deligente, deputy director ng CTUHR.

Pinayagan aniya ng gobyerno ang tuloy-tuloy na operasyon ng kompanya sa kabila ng marami nang naiulat na mga paglabag nito sa ecological solid waste management.  

Matagal nang ikinakabahala at inirereklamo ng mga residente ang umabot na sa 20 palapag na tambak ng basura sa Binaliw Landfill. Nauna na ring nagsampa ng reklamo ang lokal na pamahalaan ng Cebu City sa DENR hinggil sa panganib ng naturang tambakan. 

Ayon kay Cebu City Mayor Nestor Archival, posibleng napahina na rin ang lupa ng landfill dahil sa bagyong Tino at sa 6.7 magnitude na lindol na tumama sa Cebu noong nakaraang taon.

Sa huling ulat ng lokal na pamahalaan ng Cebu City, umabot na sa walo ang naitalang patay, habang 28 pa ang nawawala sa pagguho ng tambakan ng basura bandang alas singko ng hapon noong Huwebes. Nasa 110 manggagawa ang nasa landfill nang gumuho ito.

“Kapag gumuho ang bundok ng basura, napakahirap nang magrecover ng mga taong mababaon. Ibig sabihin lang nito, dapat talagang mahigpit na binabantayan ang labor, sanitary at environmental standards sa mga sanitary landfill na ito. Malinaw na hindi pa rin natuto ang mga employer at gobyerno sa Payatas,” pahayag ng CTUHR sa ingles.

Noong 2000, higit 218 ang namatay sa pagguho ng dumpsite sa Payatas, Quezon City na itinuturong dahil din sa labis-labis na tambak ng basura. 

Search and rescue operation sa gumuhong Binaliw Landfill sa Cebu City. Larawan mula sa Cebu City LGU Facebook

Kinondena naman ng Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad) ang mapanganib na kalagayan ng mga manggagawa sa landfill. Labag anila sa batas sa OSH ang matagal na at paulit-ulit na kapabayaan ng Prime Waste na tugunan ang mga reklamo at banta sa kaligtasan ng manggagawa at kalikasan.

“Ipinapakita ng pinsala sa kalikasan nitong landfill ang paulit-ulit na kapabayaan, kung saan hindi inuuna ang kaligtasan pareho ng mga manggagawa at nakapalibot na komunidad. Mas nakakabahala ito lalo’t may higit na yaman ang kumpanya, na nagamit sana para mapigilan ang ganitong mapangwasak insidente,” sabi sa pahayag ng Iohsad.

Sa isang pagtitipon ng DENR para sa Environment and Natural Resources Day noong Hunyo 2025, sinabi ni Cara Peralta, Market Sector Lead for Waste ng Prime Waste, na pangungunahan ng kompanya ang “new age” o bagong yugto ng waste management sa bansa. Gagawin aniya nilang handa sa pamumuhunan at totoong industriyal na negosyo ang waste management ng bansa.

“Ang kaligtasan at buhay ng mga manggagawa, gayundin ang kalusugan at kapakanan ng mga nakapalibot na komunidad ang naging kapalit ng pagtutulak na i-industriyalisa ang sektor ng pagbabasura sa Pilipinas at gawin itong ‘investment-ready’,” sabi ng Iohsad.

Nag-ooperate ang Prime Waste, na pag-aari ng bilyonaryong si Enrique Razon Jr., ng malalaking waste materials recovery facility sa Cebu at Pampanga sa ilalim ng private-public partnership sa mga lokal na pamahalaan.

Nanawagan naman Iohsad sa mga mambabatas na ipasa na ang House Bill 5221 na inihain ng mga kinatawan ng Makabayan Bloc sa Kamara. Layon nitong amyendahan ang OSH Law at gawing kasong kriminal ang paulit-ulit at malalang paglabag sa kaligtasan sa mga lugar-paggawa.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning