Kasabay ng laban sa pagsulong ng mga karapatan at kabuhayan ng kababaihan, kailangan din nating alamin ang sanhi at epekto sa kalusugan ng isa sa mga problema ng mga babae.
Ito ang polycystic ovary syndrome (PCOS), isang kondisyong nakakaapekto sa reproductive system ng babae.
Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO), tinatayang 6% hanggang 13% ng kababaihan na nasa reproduktibong edad ang apektado at nasa 70% na kaso naman ang mga hindi pa natutukoy.
Ayon sa mga eksperto, isa ang PCOS sa mga pangunahing sanhi ng infertility sa kababaihan. Isa itong karaniwang sakit na nagdudulot ng iba’t ibang sintomas, mula sa iregular na regla, pagtaas ng timbang, hanggang sa hirap magbuntis.
Ngunit hindi lang limitado sa reproduksiyon ang epekto nito sa kalusugan. Mayroon ding mga pisikal at emosyonal na epekto na maaari nitong idulot sa buhay ng babae.
Narito ang ilang karaniwang sintomas ng PCOS na maaaring mag-iba-iba sa bawat babae.
Kadalasan, kabilang sa mga sintomas nito ang:
Iregular na regla
Maaaring makaranas ang mga babaeng may PCOS ng hindi regular o tuloy-tuloy na pagdurugo, o kaya nama’y napakabihirang regla. Sanhi ito ng hormonal imbalance na nagdudulot ng hindi tamang pag-release ng ovum mula sa ovary.
Pagtaas ng timbang at hirap sa pagbaba ng timbang
Isang karaniwang sintomas ng PCOS ang pagtaas ng timbang, partikular sa tiyan. Dahil sa mataas na antas ng insulin sa dugo, mas madaling mag-imbak ng taba ang katawan at mahirap magbawas ng timbang.
Pagtaas ng androgen hormone
Maaaring magdulot ang PCOS ng mataas na antas ng androgen na maaaring magresulta sa mga sintomas tulad ng pagdami ng buhok sa mukha, dibdib at tiyan, pati na rin ang pagkakaroon ng acne.
Pagnipis o pagkalagas ng buhok
Maaaring humina ang buhok sa anit na nagiging sanhi ng hair thinning o pagkalagas ng buhok dahil sa mataas na antas ng androgen.
Labis na pananakit ng puson
Nagdudulot ng labis na pananakit ng puson ang pagkakabuo ng mga cyst sa obaryo. Kapag lumaki o napunit ang mga cyst, maaaring magdulot ito ng matinding pananakit at cramps sa puson.
Bukod sa mga sintomas, hindi lang pisikal na kondisyon ang PCOS, kundi may epekto rin sa mental at emosyonal na kalusugan ng kababaihan.
Dahil sa mga pagbabago sa katawan, tulad ng hindi pagkakaroon ng regla, pagtaas ng timbang at acne, maraming kababaihan ang nakakaranas ng mababang self-esteem at pagkabahala sa kanilang itsura.
Maaari ring magresulta sa mood swings, pagkabalisa at depresyon ang PCOS. Maraming kababaihan ang nakakaranas ng stress at emosyonal na pasanin dahil sa patuloy na pakikisalamuha sa mga sintomas ng PCOS.
Ayon sa WHO walang tiyak na lunas para sa PCOS, ngunit may mga hakbang na maaaring gawin upang makontrol ang mga sintomas nito.
Mahalaga ang tamang pagkain, regular na ehersisyo at pamamahala ng stress para makontrol ng PCOS. Maaari ring magpakonsulta sa doktor upang maresetahan ng tamang gamot o treatment.
Sa pamamagitan ng maagang pagpapasuri at tamang paggamot, maaaring mapabuti ang kalidad ng buhay ng kababaihan na may PCOS at matulungan silang pamahalaan ang kanilang kalusugan.
Isang mahalagang hakbang ang pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa kondisyon upang mas madali silang matulungan at magabayan sa kanilang paglalakbay patungo sa mas malusog na buhay.
