Estudyanteng lumad, pinalabas na NPA?

June 23, 2024


Hustisya ang hiling ng pamilya ni Kuni Cuba, ang 16-taong-gulang na estudyanteng Lumad na napatay noong Hunyo 10 sa Barangay Kiadsam, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.

Ipinakilala ng 7th Infantry Battalion (IB) ng AFP ang Lumad bilang si “Eusibio Cranzo”.  

Sa pahayag ni Lt. Col. Tristan Rey Vallescas, nakasagupa raw nila ang nasa walong myembro ng New People’s Army at napatay si Eusebio Cranzo.

Pero ayon sa kapatid ni Kuni, naglalakad sila pauwi mula sa katabing barangay kasama ang dalawa pang kaibigan nang makasalubong ang mga sundalo ng 7th IB. Walang pag-aalinlangan daw silang pinaulanan ng bala kaya’t tumalon sila sa taniman ng mais para makaligtas. 

Hindi nakatakbo si Kuni kaya siya ang tinamaan ng bala ng mga sundalo.

“Hindi siya NPA,” saad ng mga kaanak ni Kuni sa panayam sa kanila ni Kelly Mark Socias, isang Oblates brother. Wala raw siyang baril, taliwas sa ipinalabas ng mga sundalo. Sa ulat ng AFP, na may nakuhang garand rifle umano kay Kuni.

Nakasama si Socias sa pagdala ng mga labi ni Kuni pabalik sa kanilang barangay. “Nakita ko ang pinangyarihan ng insidente. Nasa 2-3 metro lang ang layo ng mga sundalo sa mga batang Lumad. Paanong hindi nila na-recognize na bata ang nasa harap nila?” tanong ni Socias.

Miyembro si Kuni ng Dulangan Manobo tribe sa Kulaman, at papasok sanang Grade 10 ngayong taon. Nakatakda siyang mag-apply ng scholarship sa Oblates of Mary Immaculate IP Ministry para makapagtapos ng pag-aaral.

“Napakasipag nya sa pag-aaral, nage-extra sa trabaho para lang magkaroon ng allowance sa pag-aaral. Araw-araw siyang tumatawid sa bundok papunta sa eskwelahan para makatapos ng pag-aaral,” ibinahagi ng kanyang kaanak.

Kinundena ng iba’t ibang human rights groups ang pagpatay kay Kuni. Ayon kay Cristina Palabay ng Karapatan, “Ang mga sibilyang pinapatay sa tinaguriang mga ‘pekeng’ engkwentro ang bumubuo sa pinakamalaking bilang ng biktima ng counter-insurgency campaign ng Marcos Jr administration.”

Sa tala ng Karapatan mula Hunyo 2022 hanggang Disyembre 2023, umabot na sa 67 ang napaslang at pinapalabas diumanong namatay sa engkwentro.

“Para makatakas sa pananagutan ang AFP, pinapalabas nilang napatay bilang NPA sa engkwentro ang mga ordinaryong magsasaka na tinatarget nila dahil sa akusasyong sumusuporta ang mga ito sa armed revolutionary movement,” paliwanag ng Karapatan.

Nanawagan ang iba’t ibang grupo sa Commission on Human Rights ng agaran at independyenteng imbestigasyon sa kaso ni Kuni para raw mapanagot ang nasa likod ng pagpatay sa estudyanteng Lumad. #

Mga litrato mula kay Kelly Mark Socias



Source link

Don't Miss

Ang Bayan » Internasyunal na grupo ng mga parlamentarista, sumuporta kay Rep. Castro

Naglabas ng pahayag ang Inter-Parliamentary Union (IPU), isang internasyunal na

VERA FILES FACT CHECK: HINDI inutos ng Senado na ipasara ang PCSO

(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Oct.