Walang humpay ang bugso ng balita—mga pangako ng mga sasabak sa halalan, mga pagdinig kaugnay ng mga POGO at ngayon pati ang giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Mahalagang nasa puso ng bawat isyu ang pagtindig para sa mga Pilipinong umaasa sa tapat na serbisyo mula sa gobyerno. Pero sa pagdagsa ng bagong mga ulat, kailangang alerto pa rin sa lumang mga laban.
Ibinasura ngayong Oktubre ng Sandiganbayan ang kaso ng pagnanakaw ng P276 milyon ng mga Marcos mula sa kaban ng bayan, isa sa maraming kaso na kinakaharap ng pamilya ng kasalukuyang pangulo matapos ang panunungkulan at diktadura ng ama niyang si Ferdinand Marcos Sr. Ayon sa korte, sumangayon ito sa petisyon ng mga Marcos nitong Hulyo na i-dismiss ang kaso dahil sa tindi ng pagkakaantala ng proseso.
Hulyo 1987 nang magsampa kaso ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban kay Marcos Sr., Imelda Marcos at sinasabing kasabwat na si Roman Cruz, para bawiin ang mga ari-arian na nagkakahalaga ng P276 milyon. Kasama dito ang isang lote sa Maynila, isang building sa Makati, dalawang lote at condo unit sa Baguio, at lupain at ilang condo unit sa California, United States.
Sa kasong ito, sinasabing binili ni Cruz, noo’y pangulo ng Government Service Insurance System, ang mga ari-arian para sa mga Marcos kahit pa hindi posibleng makayanan ng mga Marcos ang ganoong halaga base sa kanilang legal na sinasahod.
Ayon sa Sandiganbayan, hindi na umano posibleng magkaroon ng matapat na paglilitis dahil sa edad ng defendant na si Imelda at dahil sa “posibilidad na yumao na ang mga witness at nawala ang mga dokumento higit tatlong dekada matapos isampa ang kaso.” Hindi rin daw obligasyon ng defendant o ng mga Marcos na mapabilis ang proseso ng paglilitis.
Labas sa mga teknikal na usapin, malinaw na may obligasyon sa taumbayan na hindi napapanindigan ng sistema ng hustisya sa bansa. Dagdag pa dito, nagagamit ang resulta ng mga kaso para suportahan ang baluktot na naratibo na walang ninakaw ang mga Marcos.
Halimbawa na lang nito ang panayam kay Marcos Jr. ng mamamahayag na si Sarah Ferguson ng Australian Broadcasting Corporation noong Mar. 4. Sinabi ni Marcos Jr. sa panayam na walang katotohanan at pawang propaganda lang ang mga kaso ng pandarambong at korupsiyon na isinampa laban sa kanilang pamilya.
Nitong Hulyo, ilang buwan makalipas ang interbyu kay Marcos Jr., inilabas ng Korte Suprema ang resolusyong may petsang Mar. 29, na naninindigan sa dismissal ng kasong sibil laban kay Marcos Sr., kanyang pamilya at limang mga kasabwat para sa nakaw na yamang nagkakahalaga ng P1.052 bilyon. Agad naglipana ang mga impormasyong nagsasabing gawa-gawa lang ang mga kaso ng korupsiyon laban sa mga Marcos.
Ibinabaon sa limot ang lahat ng mga desisyon ng Korte Suprema na nagpapatunay na nagnakaw ang mga Marcos. Kasama dito ang desisyon noong 2003 na nagsasabing nakaw na yaman ang $658 milyong itinago sa Swiss accounts, ang desisyon noong 2012 na $3.37 milyong itinago gamit ang pekeng korporasyon, at noong 2017 naman para sa mga alahas na nagkakahalaga ng $110,000. Wala ring lilimot sa Nobyembre 2018, nang hatulan ng Sandiganbayan si Imelda ng guilty sa pitong kaso ng graft na matutumbasan ng 42 taong pagkakakulong.
Ipinagmalaki ng PCGG sa kanilang ika-38 na taon na may nabawi na silang nakaw na yaman na hihigit sa P200 bilyon. Nakalagay sa isang maikling pagpapakilala sa PCGG na “tungkulin nitong tulungan ang pangulo na mabawi ang ninakaw na yaman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.” Kaya naman sa halalan noong 2022, kaliwa’t kanang babala ang nagmula sa mga biktima ng diktadurang Marcos at mga grupo laban sa korupsiyon: Aarangkada ba ang mga kaso laban sa ama kung ang anak na ang pangulo?
Kahit pa magkahiwalay na sangay ang Tanggapan ng Pangulo at Sandiganbayan, kailangan maging mapagmatyag ng mga Pilipino. At magagawa ito kung mapaninindigan ng midya ang tungkulin na sundan at tutukan ang mga lumang isyu ng paniningil kahit pa may patong-patong na bagong balita.
Ngayon, kitang-kita ang pangangailangan sa isang batas laban sa mga dinastiyang politikal. At kasabay nito ang patuloy na panawagan para sa katarungan at hindi paglimot.