Hindi lumikas, walang ayuda – Pinoy Weekly

August 14, 2024


Habang naglalakad sa kalsada ng Tatalon ilang araw matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina, naramdaman ko ang awa para sa mga residente. Rinig ang takot sa kanilang mga salaysay kung gaano kabilis ang pagtaas ng baha dahil sa biglaan at walang tigil na pag-ulan at pag-apaw ng ilog malapit sa barangay. 

Dismayado sila, ilang araw na matapos silang bahain pero wala pa rin makain at mainom na tubig. Ang iba’y nagkakaroon na ng sakit at pangamba na baka tamaan ng dengue at leptospirosis. Umaasa na lang sila sa paambon-ambong tulong at ayuda ng pamahalaan na hindi dumarating. 

Anila, mayroon daw kasing batas na sinabi sa kanila na kapag wala ka sa evacuation, ‘di ka makakatanggap ng relief goods. Ibig sabihin, ‘pag hindi lumikas, walang ayuda. 

Napakaraming maaring dahilan kung bakit hindi lumilikas ang mga tao patungo sa mga evacuation center. Sa sitwasyon ng mga nasa Area 5 ng Brgy. Tatalon, napakalayo ng center sa kanilang lugar. Kailangan pang tumawid ng Gregorio Araneta Avenue at kadalasa’y lubog na at hindi na madaanan.

Gustuhin man nilang lumikas, hindi na kinakaya at wala silang sapat na kagamitan para rito. Problema rin nila na napakabilis ng pagtaas ng tubig kaya ang iba ay nagpapatayo ng karagdagang palapag para mabilis maiakyat ang mga gamit. Madalas barado ang mga kanal at sira ang ginagawang riprap sa Ilog San Juan.

Mayroon ding pamilyang nakatira malapit sa ilog na hindi makalikas dahil may kasamang may kapansanan. Ang iba nama’y pinipiling lumikas sa Brgy. Roxas na mas malapit sa kanilang lugar. Kanya-kanyang paraan ang mga residente kung paano makaligtas tuwing binabaha ang Tatalon.

Maraming ‘di natulungan at pinagkakaitan. Kaya naman ako’y napaisip, saan ba nagkulang ang mga batas natin? 

Nakasaad sa Memorandum No. 11 ng 2013 ng Departament of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mga nakatakdang tumanggap ng family food packs (FFPs) na naglalaman ng bigas at delatang pagkain ay dapat apektado ng kalamidad at kasama sa opisyal na listahan ng mga nasa evacuation centers. Alinsunod ito sa Local Government Code of 1991 at Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, na nagpapatibay sa pagtugon ng pamahalaan sa kalamidad na dulot ng climate change. 

Layon ng mga patakarang na ito ang agarang tugon, tiyak na pagkain at pagbabawas ng korupsiyon sa pondo tuwing may sakuna. 

Kaya naman, ang pamamahagi ng relief goods ng DSWD ay bilang ayon sa ulat at binabagsak lang sa mga itinalagang evacuation site ng lokal na pamahalaan. Bawal itong buksan o lagyan ng mukha ng politiko dahil ang mga ito ay may karampatang parusa.

Ngunit sa kabila ng mga patakarang ito, may isang tanong ang lumilitaw: Epektibo nga ba ang sistemang ito sa pag-abot sa mga tunay na nangangailangan?

Sa aming pagbisita, nabanggit ng isang kawani ng barangay na mahigit 1,000 pamilya ang lumikas papuntang Mababang Paaralan ng Diosdado P. Macapagal, evacuation site ng Brgy. Tatalon sa unang araw. Itong numero ang kanilang naitala sa DSWD. 

Gayunpaman, may karagdagang isang daang pamilya pa ang dumating kalaunan, na ngayon ay nahaharap sa problema na maaring hindi makatanggap ng tulong dahil hindi sila kasama sa naunang bilang. Kaya ang ginagawa ng ibang LGU ay nire-repack ang mga FFPs para mabigyan ang lahat kahit bawal sa batas.

Hindi ba dapat maging flexible ang sistema at mabilis na mababago upang mabigyan ng pagkakataon ang mga patuloy na dumadating lalo tuwing emergency? Layon sana ng batas na maiwasan ang korupsiyon. Pero bakit ang mga pinakanangangailangan ang mas lalong pinapahirapan? Bakit para bang parusa ito ng gobyerno sa kanila? 

Para sa akin, kapuri-puri ang hangad ng batas—maiwasan ang korupsiyon at ang pagbabawal sa paglalagay ng pangalan at mukha ng mga politiko sa relief goods. Hakbang ito tungo sa depolitikalisasyon ng distribusyon ng tulong na naglalayong maiwasan ang paggamit ng mga sakuna para sa pansariling interes ng makapangyarihan. 

Ngunit ang mga tunay na biktima ng sistemang ito’y ang mga residenteng apektado ng kalamidad. Nasalanta ka na nga, wala ka pang matatanggap na ayuda dahil lamang hindi ka lumikas? Kahibangan.

Dapat awtomatiko ito na kapag nasalanta ka, lumikas ka man o hindi, lahat ay makakatanggap ng relief goods.

Ang samahang Tatalon Nanay Power ang tila umako ng trabaho ng gobyerno sa komunidad sa paghahatid ng tulong sa mga di nasama sa listahan ng gobyerno. Mula sa pag-aalerto sa tao hanggang sa koordinasyon ng ayuda, masuwerte at malungkot sa parehong pagkakataon.

Mabuti nang may tumutulong pero dapat sana’y hindi sa kanilang balikat nakasalalay. Ang kasalukuyang sistema’y hindi tumutugon sa masalimuot na reyalidad na nangyayari. Totoo nga na napakalaking problema ang korupsiyon. Ngunit dapat bang isakripisyo ang mga biktima ng kalamidad na hindi nakakatanggap ng tulong dahil dito? 

Isang hamon ko sa mga politiko: Tuparin ang mandatong tumulong sa inyong nasasakupan na walang kapalit. Respeto naman sa mga nasalanta

Ilang beses ko nang napuntahan ang Brgy. Tatalon. Naging espesyal na ang lugar na ito para sa akin dahil nakita ko mismo kung paano nagbago sa lugar at danas ng mga nakatira rito.

Ang masaksihan ang tibay ng loob ng komunidad at makita ang kanilang mga araw-araw na pakikibaka at tagumpay ay lalong nagpapatibay ng koneksiyon ko sa lugar at tao ng Tatalon. Tunay na ang kalagayan sa Tatalon ay isang maliit na larawan ng mas malawak na isyung nangangailangan ng pansin at aksiyon ng pamahalaan.  

Kailangan natin ng mas maayos na sistema na makatitiyak na lahat ng bitkima ng kalamidad ay makatatanggap ng tulong na kinakailangan nila, anuman ang kalagayan. Ang sistemang ito, bagaman may mabuting layunin, ay kailangan ng muling pagsusuri at pagbabago.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

UAE Withdraws From U.S.-Led Combined Maritime ForcesSouth Front

An AH-64D Apache helicopter attached to the United Arab Emirates

Church worker in UN reveals continuing rights violations in the PH

GENEVA, Switzerland–A protestant church worker revealed continuing human rights violations