Hustisya para kay Percy Lapid!—NUJP – Pinoy Weekly

October 4, 2023


Sa paggunita sa unang taon ng pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid, nagprotesta ang mga alagad ng midya at press freedom advocate nitong Oktubre 3 sa harap ng Department of Justice. Larawan ni Jessica Luna.
Sa paggunita sa unang taon ng pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid, nagprotesta ang mga alagad ng midya at press freedom advocate nitong Oktubre 3 sa harap ng Department of Justice. Larawan ni Jessica Luna.

Isang taon mula nang paslangin ang batikang brodkaster na si Percival Mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid, hindi pa rin napapanagot ang mga susing tao sa kanyang pagkamatay.

“Hindi sapat na accessories to the crime lang ang nakakulong so hinahamon natin ang Department of Justice (DOJ) na gawin ang lahat para maaresto si [dating Bureau of Corrections director Gerald Bantag],” wika ni National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) secretary general Ronalyn Olea.

Kasama ang iba pang mga alagad ng midya at press freedom advocate, pinangunahan ng NUJP ang protesta sa harap ng DOJ nitong Oktubre 3 upang ipanawagan ang agarang hustisya para kay Lapid at iba pang mamamahayag na biktima ng mga atake.

Pangalawa si Lapid sa mga pinaslang na mamamahayag sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. Noong gabi ng Oktubre 3 ng nakaraang taon, binaril siya ng riding-in-tandem sa Las Piñas City.

Ayon sa NUJP, mayroong 97 na insidente ng atake sa kalayaan sa pamamahayag ang naitala sa kasalukuyang rehimen. Tatlo rito ang pagpaslang, 10 ang libel at cyber libel at ang iba’y mga kaso ng red-tagging at paniniktik.

“Pinapakita nito kung gaano kadelikado ang propesyon natin sa Pilipinas,” ani Olea.

Nahaharap na sa dalawang count ng murder si Bantag dahil sa pagkamatay ni Lapid at ng middleman na si Crisanto Palaña Villamor na isang person deprived of liberty sa New Bilibid Prison. Subalit hindi pa rin sila nakukulong o napapanagot hanggang ngayon.

Samantala, nasintensiyahan na rin ang tatlong gang leader matapos nitong umamin bilang kasangkapan sa pagpaslang kay Lapid.

Sa pahayag ng Freedom for Media, Freedom for All Network, sinabi nitong maaaring ma-archive ang kaso kung hindi uusad ang mga pagdinig. Kailangan umanong masegurong may dadalong abogado sa mga akusado para hindi maantala ang paglilitis.

Para naman kay Roy Mabasa, nakababatang kapatid ni Lapid, “nakapanghihinayang” dahil maraming rekurso ang gobyerno para mahuli sana ang mga mastermind.

“May confidential and other funds, pero hindi nila madakip si Bantag na nakakalat lang dyan. Na-interview pa nga ng tatlong [vlogger]. Paano mo ipapaliwanag sa publiko ‘yan? Tinatawanan tayo sa buong mundo na heto ‘yong fugitive, ini-interview ng tatlong [vlogger] habang nanonood lang ang gobyerno,” sabi nito sa isang interview.

Nanawagan din si Olea sa publiko na manindigan para sa hustisya.

“Nandito na tayo sa isang sitwasyon na kailangan nating palaging magsalita at ipakita ang ating pagkakaisa at pagsasama-sama. Dahil kung hindi, baka bukas makalawa ay baka bumalik tayo sa madilim na kasaysayan,” aniya.

Avatar

Jessica Luna

Si Jessica Luna ay correspondent ng Pinoy Weekly at mag-aaral ng peryodismo sa University of Sto. Tomas.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss