Huwad na seguridad

September 9, 2024


Isa sa mga unang ipinasang batas sa ilalim ng rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 11934 o SIM Registration Act (SRA) na naglalayo umanong solusyunan ang mga isyu sa cyber security. Pero sa kabila nito, patuloy ang paglaganap ng scam at spam texts, maging ang malaking ugong nito sa social media. 

“Ganoon pa rin naman, parang walang nagbago after no’n,” ani Lealyn, isang Information Technology student hinggil sa mga scam, spam at marketing texts na natatanggap ng kanyang telepono matapos ang pagsasabatas ng SRA. 

Dagdag pa ni Lealyn, tutol na sila noon pa man sa SIM registration dahil wala naman talaga itong positibong epekto mula pa noon.

Aniya, mas kailangang pag-igihin ang tinatawag na “rate limiting” at “filtering,” isang mekanismo sa cyberspace upang bawasan ang kakayahan ng scammers na magpadala ng texts na maramihan at paggamit ng filtering mechanisms sa texts para i-flag ito bilang potential spam.

Nagkaroon din ng mas malalim na pagtatasa ang Computer Professionals’ Union (CPU) hinggil sa SIM registration matapos ang lampas isang taong implementasyon nito at idiniin ang kapabayaan ng gobyerno sa cyber security.

Ayon sa grupo, hindi nauunawaan ng pamahalaan kung paano at saan nagmumula ang mga scam at hindi rin sila nagsagawa ng pag-aaral para sana ilapat ang solusyon dito bago isabatas ang SRA.

Gaya ng nabanggit ni Lealyn, ipinunto rin ng CPU na matagal nang napatunayan na hindi epektibo ang mga batas sa SIM registration sa iba’t ibang bansa sa pagsugpo ng cybercrimes.

Mula pa lang sa implementasyon ng batas noong Dis. 27, 2022, maraming naging isyu sa proseso. Maraming Pilipino ang nahirapang magrehistro dahil sa naglolokong website ng mga telecommunications company o telco.

Marami ring hindi makapagrehistro dahil sa kakulangan ng valid ID na isa pang pahirapan kunin. Kahit ang Barangay ID na hindi kinikilala ng mga opisina ng gobyerno bilang valid ID ay pinahintulutang magamit para rito.

Dahil nga sa online lang ang pagrerehistro ng SIM, maraming mamamayan na hindi bihasa sa paggamit ng teknolohiya, partikular sa mga nakatatanda, ang nahirapan sa pagpaparehistro. Si Nanay Leonor, ina ni Lealyn na edad 59, nahirapan rin sa pagrerehistro.

“Mabuti na lang at nand’yan ‘yong mga anak ko para i-register ‘yong SIM ko, kasi kung wala, ay wala talaga, ‘di naman ako marunong ng mga ganyan,” sambit ni Nanay Leonor.

Ginamit itong pagkakataon ng mga mapagsamantala upang magbenta ng mga rehistradong SIM sa mas mataas na halaga. Ayon sa datos noong nakaraang taon, umaabot sa halos P1,000 kada isa ang bentahan ng mga rehistradong SIM. 

Marami ring butas sa SRA at sa implementing rules and regulations (IRR) nito, dahil inihabol lang ng gobyerno ang rekisitong pangangailangan sa “selfie” para sa pagpaparehistro habang hindi ito nakalista sa parehong batas at IRR. 

Bunga nito, lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Setyembre 2023 na madali lang itong lusutan dahil nakapagrehistro ang NBI ng SIM gamit lang ang larawan ng isang unggoy. Nangyari ulit ito noong nakaraang linggo lang matapos may narehistrong SIM sa telco na Globe na larawan ng pusa naman ang ginamit.

Binatikos rin ng CPU ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na silang dapat na nangangalaga sa data ng mamamayan. Ayon ng CPU, pinabayaan ng gobyerno at ng DICT ang datos ng mamamayan sa kamay ng mga dayuhang telco, na siyang ginagamit ng mga ito sa pagpoproseso ng data ng mga mamamayan para sa kani-kanilang pansariling interes. 

Sinamantala ng mga telco ang SRA upang ibahagi ang datos ng mamamayan sa kanilang “third-party affiliates” na maaaring magresulta sa mas maraming spam texts at ‘di kanais-nais na marketing texts at emails mula sa iba’t ibang tao, negosyo o korporasyon na gustong magbenta ng kani-kanilang mga produkto o serbisyo.

Bukod pa rito, naiugnay rin ang mga scam sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) matapos masabat ang libo-libong SIM card sa mga POGO den na sinasabing ginagamit ng mga ito sa mga ilegal na transaksiyon. Ayon sa DICT, nabawasan ang daloy ng scam at spam texts matapos ang pagsasara sa mga POGO. 

Inabot ng halos walong buwan bago nasilip ng DICT ang mga kabaluktutan ng SRA, ngunit imbes na agarang irepaso o ibasura ito, sinubukan nilang tapalan ang kanilang kapabayaan sa pamamagitan ng “Project: SIM Check Mo” kung saan kinakailangang i-text ng publiko sa DICT hotline na 1326 ang SIM number para malaman ang rehistradong datos dito. Kinondena rin ito ng CPU dahil naisasapubliko nito ang datos ng mga mamamayan sa pamamagitan nito.

Malaking paglabag ang mga isyung nabanggit sa Data Privacy Act of 2012 kaugnay sa confidentiality ng ating datos, consent mula sa mamamayan upang makapagdesisyon kung saan at kailan nila nais ibahagi ang kanilang data, at maging ang rekisito sa selfie na hindi nakasaad sa mismong IRR.

Saad ng CPU, kailangang mas paingayin ang protesta ng mamamayan hinggil sa mga isyu ng SIM registration dahil walang naging pananagutan ang mga telco at mga ahensiya sa barubal nitong pagpapatupad ng SIM registration. Bagkus, patuloy ang pagsasamantala ng mga telco sa datos ng mamamayan upang ipagamit sa mga dayuhan.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Egypt to Boost Women’s Political Participation, Arab World

Egypt is hosting a regional dialogue to boost women’s political

Ano’ng naghihintay sa mga fresh grad? – Pinoy Weekly

Ilang daang libong mga mag-aaral sa kolehiyo ang inaasahang magtatapos