Uncategorized

“Ibasura ang gawa-gawang kaso kay Benedict Macabenta!” – Anakbayan NCR –

“Ibasura ang gawa-gawang kaso kay Benedict Macabenta!” – Anakbayan NCR –


Isang taon na ang lumipas mula nang isagawa ang marahas na demolisyon sa Donald Compound, F.B. Harrison St. Pasay City. Kasabay nito ang isang taon na ring kaso laban kay Benedict Macabenta, kabataang organisador ng Anakbayan Manila, matapos siyang arestuhin ng mga pulis sa gitna ng nasabing operasyon.

Humaharap si Macabenta sa kasong direct assault sa Metropolitan Trial Court Branch 167. Apat na araw siyang nakulong sa Pasay City Police Station 1 at nakalaya rin matapos magpiyansa.

Sa pag-usad ng kaso, pinabulaanan ni Macabenta na walang batayan ang testimonya ng mga kapulisan, partikular na ang complainant na si PO1 Abel Ambularyo, na nagdidiin sa kanya sa panunutok at pagsasalita ng masama laban sa mga pulis.

“Pumagitna lamang si Benedict nang kwestiyunin kami ng mga pulis habang nagdodokumento nang bigla na siyang hablutin at makalayo sa amin. Gawain namin pagdodokumento bilang paralegal habang ang mga kapulisan ang unang nananakot, nanghaharass, at nag-iintimida,” ani Miguel Gabriel Yanson, dating paralegal at kasalukuyang Administrative Secretary at coordinator ng ACT NCR Union.

Ayon kay Yanson, bandang alas kwatro nang makatanggap sila ng ulat sa isang residente hinggil sa biglang pagdagsa ng mga kapulisan sa kahabaan ng FB Harrison St., sa bungad lamang ng komunidad ng Donald Compound. Aniya, lubos ang pagkabalisa at pagkatakot ng mga residente sa mga kapulisan na naglulunsad ng clearing operation kaakibat ng isinasagawang demolisyon.

Intimidasyon din ng mga kapulisan ang naranasan ng ilang staff ng Manila Today habang nagsasagawa ng kanilang pag-uulat sa kalagayan ng mga residente sa Donald Compound. Pinangunahan mismo ni PCol. Samuel Pabonita ang panunulak maging sa staff ng Manila Today, habang tumanggi itong kilalanin sila bilang miyembro ng midya.

Sa kuhang footage ng Manila Today, makikita ang sapilitang pagpigil ng mga pulis sa paralegal habang si Macabenta ay nakadapa, humihingi ng saklolo, at pinalilibutan ng mga armadong kapulisan. Nagtamo siya ng mga sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan, kabilang sa kanyang mga braso at labi.

Dagdag pa ni Yanson, hindi rin sila binigyan ng atensyon kahit pa noong dumating sa Pasay City General Hospital.

“Matapos arestuhin si Benedict ay sinakay na kami sa police mobile. Una kaming dinala sa ospital pero nasa mobile lang kami non. Never kami pinapasok sa loob. Yung pagcheck ng doktor ay sinilip lang kami sa bintana nung mobile ta’s tapos na. Balik na siya sa loob tas umalis na kami non pabalik ng station,” pagsasalaysay ni Yanson.

“Walang batayan ang mga paratang laban sa akin. Ang malinaw rito ay ang kapulisan sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP) na pangunahing instrumento sa paghahasik ng takot, panunupil, at paninikil sa mga lumalaban at nagtatanggol sa karapatan ng mga maralitang sektor hindi pa para sa sinasabi nitong mandatong ‘to serve and protect’” ani Macabenta.

Kinondena rin ng Anakbayan National Capital Region (NCR) ang patuloy na panggigipit kay Macabenta hinggil sa kasong direct assault. Nananawagan din siya na ibasura na ang nasabing kaso laban kay Macabenta.

“Naglulubid ng buhangin si Ambularyo at iba pang kasapakat niya sa Pasay City Police para idiin si Benedict sa gawa-gawang kasong direct assault. Ang totoo, hindi mahalaga sa kanila kung paralegal ka, midya, o ordinaryong mamamayan na lumalaban para sa karapatan sa paninirahan. Kung sa simula’t sapul ay layunin na ang pananakot at panghaharass ay tiyak na gagawin iyon ng mga kapulisan. Iyon ang mismong ginawa ng Pasay City Police kay Benedict,” ani Jhudiel Cabalang ng Anakbayan NCR.

“Sa halip na kilalanin ang karapatan sa paninirahan, pangunahing tumugon ang Pasay City Police at Philippine National Police sa pagsulong sa interes ng MEGALAND na siyang nasa likod ng marahas na demolisyon noon sa Donald Compound. Iyan ang tatak ng PNP sa ilalim ng ‘Bagong Pilipinas’ ni Marcos Jr.,” dagdag pa ni Cabalang.

Nagpapatuloy naman ang panawagan ng iba’t ibang organisasyon para sa agarang pagbabasura ng kaso laban kay Macabenta at pagpapanagot sa mga sangkot na kapulisan.

“Pinapatunayan lamang ng pakikibaka ni Benedict ang kanyang katapangan sa pamamagitan ng walang-takot na pagharap sa pandarahas ng estado sa ngalan ng pagsisilbi sa mamamayang Pilipino. Isa si Benedict sa ‘di mabilang na mga kabataang gagap ang kahalagahan ng paglabas sa apat na sulok ng paaralan upang buong lakas at buhay na lumubog at makipamuhay sa piling ng masa para isulong ang kanilang karapatan at kagalingan,” ayon sa pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan Manila.



Source link

Manila Today
Manila Today

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning