Ibasura ang PUVMP, hindi ekstensiyon–Piston – Pinoy Weekly

January 25, 2024


Muling inusod ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang deadline ng konsolidasyon ng prangkisa ng mga public utility vehicle (PUV), kabilang ang mga jeepney at UV Express, hanggang Abr. 30, 2024 matapos ang sunod-sunod na protesta ng mga transport group at komyuter.

Ayon sa Malacañang, pagkakataon ito na magpakonsolida dahil may ibang mga drayber at opereytor na hindi nakaabot sa kota para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ngunit ayon kay Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) president Mody Floranda, hindi ekstensiyon ng deadline ang hinihingi nila kundi tuluyang pagbasura sa programa. 

“Binigyan kami ng 90 days, 90 days pa [rin] kaming mangangamba kung kami ay makakabiyahe pa after ng April. Kaya’t malinaw ang aking posisyon na pagbasura sa [PUVMP],” ani Floranda.

Para kay Floranda, hindi matitigil ang pagtutol ng mga tsuper at opereytor hanggang hindi tinutugunan ng pangulo ang kanilang mga panawagan na ibasura ang kasalukuyang programa at magkaroon malinaw na plano at patakaran para sa makatao at makatarungang transisyon.

Kasama naman ang Piston sa mga dumalo sa pagdinig ng House Committee on Transportation nitong Ene. 24 para ihapag sa mga mambabatas ang kanilang pagtutol at mga mungkahi. Dapat din anilang masusing pag-aralan ang modernisasyon ng transportasyon na makikinabang ang mas nakararaming mamamayan at hindi ang mga dayuhang naglalako ng kanilang mga sasakyan.

Sa ilalim ng kasalukuyang programa, magmumula ang mga ipapalit sa mga tradisyonal na jeepney na mini bus mula sa Japan at China na nasa P 1.6 milyon hanggang P3 milyon ang halaga. Ayon sa mga drayber at opereytor, mababaon lang sila sa utang kapag ipinilit ang programa.

Sinabi rin ni Floranda na dapat boluntaryo at hindi sapilitan ang konsolidasyon ng prangkisa. Ipinipilit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na kinakailangan umanib sa kooperatiba o korporasyon at may minimum na 15 yunit ng sasakyan.

Sa ekstensiyon ng deadline ng konsolidasyon, magpapatuloy naman ang Piston sa pakikipag-ugnayan sa mga kasapi nito at sa iba pang mga grupo para mas malakas na iparating sa pamahalaan ni Marcos Jr. ang kanilang panawagan.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

PANAYAM KAY JULIE DE LIMA SISON (Ikatlong Bahagi)

Sa episode na ito, ano ang masasabi ni National Democratic

OPEC’s Secretary General in Interview With TeleSUR

The secretary general of the Organization of Petroleum Exporting Countries