Hinamon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) na ipakita ang datos ng kabuuang imbentaryo ng bigas sa bansa. Ayon sa grupo, kailangan malaman ito ng mga magsasaka at konsyumer. “Bakit sasabihin agad ng NFA na mag-import ng 330,000 metriko tonelada ng bigas dahil kukulangin ang buffer stock ng bansa samantalang mag-aanihan pa lang ngayong dry harvest season?”
“Mag-imbentaryo muna dapat ang gobyerno. Ilan ba ang aktwal na suplay ng bigas sa ngayon, ilan ang estimate na aanihin ngayong anihan at sa susunod. Ang malaking problema, wala sa kamay ng NFA ang suplay ng bigas kundi nasa mga pribadong traders,” ayon kay dating DAR secretary Rafael Mariano ng KMP.
“Dapat mabuo at ilabas ng DA, NFA at Bureau of Customs ang imbentaryo ng suplay ng bigas. Gaano karami ang biniling locally-produced palay ng NFA mula sa mga magsasaka, ilan na ang aktwal na imported rice na pumasok sa mga adwana.”
Sinabi pa ng grupo ng mga magsasaka na napakalaki na nga ng bolyum inimport na bigas. Noong 2022, nag-import na ng 3.8 million metric tons na bigas na kalakhan ay galing Vietnam. Mas mataas pa ito sa naitalang importasyon ng bigas noong 2021 na 2.8 million metric tons. “Tumaas pa nga sa 22% ang inimport na bigas noong isang taon, ang gusto pa ng NFA, walang katapusang pag-iimport.”
“Dapat tulungan ang mga magsasaka para mapataas ang rice production at hindi yung puro import ang iniisip ng NFA. Ang sabi nga namin, palakasin ang lokal na produksyon, hindi importasyon. Hindi rin importasyon ang tugon sa hiling ng masa na makabili ng mas mababang presyo ng bigas.”
Pagtaas ng presyo ng bigas
Kaugnay sa pagtaas ng presyo ng bigas na nasa P3 hanggang P5 kada kilo, sinabi ng KMP na hindi naman talaga sa mga magsasaka napunta ang itinaas sa presyo kahit bahagyang tumaas ang farmgate price ng palay. Simula ngayong Abril, tumaas ang kada kilo ng bigas sa mga palengke ilang araw matapos inanunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos Jr na malapit nang maabot ang P20 kada kilo ng bigas.
“Nandyan ang rice cartel at malalaking traders na nagmamanipula sa presyo at suplay ng bigas. Sila ang kumikita ng husto sa tuwing may pagtaas sa presyo ng bigas. Nahihirapan pa rin ang mga magsasaka sa mataas na presyo ng farm inputs at wala pa ring sapat na ayuda at suporta sa produksyon.”
Nanawagan ang KMP na ibasura na ang RA 11203 o Rice Liberalization Law na nagresulta lang sa mas maraming problema sa produksyon ng bigas ng bansa. ###