Imbestigasyon ng ICC sa drug war, tuloy – Pinoy Weekly

July 19, 2023


Sang-ayon sa Rome Statute, kahit pa hindi na miyembro ang Pilipinas ng ICC noong 2019, may hurisdiksiyon pa rin ang korte sa mga krimeng nagawa habang kasapi ang bansa. Larawan ni Exequiel Agulto.

“Hindi talaga sobra-sobra ‘yong saya pero kahit papaano, masaya kasi tuloy ‘yong imbestigasyon. Alam naman namin na malayo pa ‘yong aabutin, mahabang proseso pa ‘yong gagawin, ‘yong laban namin.”

Ito ang naging pahayag ni Amy Jane Lee, miyembro ng Rise Up for Life and for Rights, alyansa ng mga pamilya at advocate ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa pagbasura ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber sa hiling ng gobyerno ng Pilipinas na ihinto ang imbestigasyon.

Napagtanto umano ng mayorya ng hukom ng ICC pre-trial chamber na walang mali sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon. Sa madaling sabi, ani Counsel for Victims at National Union of People’s Lawyer chairperson Neri Colmenares, “Panalo tayo ngayong hapon.”

Sakop ng imbestigasyon ang mga kaso mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019. Gayundin ang mga pagpatay ng Davao death squad mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Hunyo 30, 2016 noong alkade si Duterte ng Davao City.

“And hopefully ang imbestigasyong ito, mag-lead sa trial. And if it leads to trial, President Duterte will be the first Asian leader to be tried in the ICC,” dagdag ni Colmenares.

Dahil sa tibay ng mga ebidensiya, umaasa si Colmenares na mabibilanggo si Duterte sa mga ginawa nitong krimen laban sa sangkatauhan.

Sang-ayon naman sa Rome Statute, kahit pa hindi na miyembro ang Pilipinas ng ICC noong 2019, may hurisdiksiyon pa rin ang korte sa mga krimeng nagawa habang kasapi ang bansa.

Samantala, nagpahayag si Justice Secretary Boying Remulla nitong Lunes na hindi pahihintulutan ng gobyerno ang ICC sakaling magpalabas ito ng warrant of arrest sa mga indibidwal na nasa likod ng drug war.

Ayon pa kay Remulla, may sariling sistema ng batas ang bansa at soberanya na dapat igalang.

Pero giit ni Lee, “Iyong sinasabi lang nila na hindi sila susuporta sa ICC ay pagtaboy na sa amin. Isa na ‘yong pambabalewala kaya, ano pang suporta ‘yong aasahin namin sa kanila, ‘di ba?”



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss