News

Impeachment ni Duterte, dapat ituloy – Makabayan – Pinoy Weekly

Impeachment ni Duterte, dapat ituloy – Makabayan – Pinoy Weekly


Kinondena ng Koalisyong Makabayan, kasama ng mga impeachment complainants, ang pagpapaliban ni Senate President Chiz Escudero ang paglilitis ng Senado para sa nakaambang impeachment ni Vice President Sara Duterte. 

Sa isang pulong balitaan noong Hun. 3, sinabi ni Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares na dapat umusad ang paglilitis kay Duterte sa Senado dahil ito ang nakasaad sa Saligang Batas.

“Ang punto dito ay ang konstitusyon na ang nagsasabi, walang choice ang Senado kaya they should continue until they judge. Kayo lang ang may sole power to do this tapos iaabandona niyo nalang iyon. Paano ang accountability ng mga impeachable officials?” aniya.

Ipinagpaliban ni Escudero ang pagbabasa ng Articles of Impeachment laban kay Duterte sa Hun. 11, dalawang araw bago magsara ang Kongreso, na naunang itinakda noong Hun. 2.

Jordan Joaquin at Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Pangamba ng Makabayan, kung hindi agad matuloy ang impeachment trial, maaaring makapagmaniobra ang kampo ni Duterte para maabsuwelto ang bise presidente.

“Usapin ito ng accountability, hindi ito isyu ng mga politiko. Kung hahayaan natin na ganito ang sistemang walang usad, ang mga politiko lang ang aangat at hindi mga tao,” ani Kabataan Partylist Rep. Renee Co.

Para sa impeachment complainants, ang paglilitis kay Duterte ay hindi lang usapin ng politikal na bangayan kundi ng pagpapanagot sa paglulustay sa confidential funds at pagbusisi sa kung paano ginagastos ang pera ng taumbayan. 

Itinuro naman ni Liza Maza ng International Women’s Alliance si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang nasa likod ng mabagal na pag-usad at pagpapaliban ng impeachment ni Duterte.

“Dapat nga si BBM pa ang magmoveforward nito, pero sa ngayon napakalinaw na takot na takot siya dahil marahil ay posibleng mangyari ito sa kanya,” aniya.

Jordan Joaquin at Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning