Impeachment trial, saan na tutungo? – Pinoy Weekly

Impeachment trial, saan na tutungo? – Pinoy Weekly


Naganap na ang unang linggo ng impeachment trial ni Sara Duterte na tinutukan ng buong bayan. Tila hirap na hirap umusad ang paglilitis bunga ng maraming usaping teknikal at procedural. Ang dapat sana’y isang accountability mechanism kung saan kalahok ang taumbayan ay nagmumukhang tagisan na lang ng mga abogado at senador. Ang panimulang kondukta ng trial ay pasilip sa direksiyong maaaring tunguhin ng buong proseso at kung saan lulugar ang mamamayan sa lahat ng ito.

Sa pagbubukas ng trial ay naghalal ng presiding officer ang impeachment court matapos ang mahabang debate. Ngunit ang pinakamahalagang usapin ay nangyari matapos ang halalang ito: ang pagtatakda na ang kinakailangang boto para sa conviction ay sangkatlo (2/3) ng lahat ng miyembro ng Senado o 16 na boto.

Ibig sabihin, ang mga senador na hindi makakadalo at hindi makakaboto, tulad ng mga nakakulong ngayon, ay bibilangin pa rin. Ang anumang hindi pagboto ay pabor sa akusado. Dahil ang target ay ang mahiwagang 16 na boto, ang anumang liban o pag-abstain ay awtomatikong bawas sa tsansa ng conviction. Dapat mabatid na walang senador ang tumutol sa posisyong ito.

Mahalagang usapin ito kung susuriin ang magkatunggaling naratibo ng prosecution at defense. Para sa prosecution, ang trial ay nasa interes ng masa dahil usapin ito ng pananagutan sa winaldas na pondo ng bayan at abuso sa kapangyarihan. Para naman sa defense, ang trial ay purong panggigipit at political persecution lang sa isang opisyal na hinalal ng 32 milyong Pilipino.

Habang nagdidiin ang prosecution sa bigat ng ebidensiya, ang isyu naman ng defense ay ang pampolitikang layunin ng trial—ang gipitin at patalsikin si Duterte. Sa ganitong balangkas, tila hindi na magiging mahalaga sa kampo ni Duterte ang anumang ebidensiyang ilalahad laban sa kanya.

Mapapansin ito sa mga pahayag ng defense kaugnay ng video kung saan nagbanta si Duterte na ipapapatay ang kanyang mga kalaban sa politika, kasama na si Marcos Jr. Sa kabila ng mahahabang objection at teknikalidad, hindi naman itinanggi ng defense ang video at ang mga naging pahayag ni Duterte. Ang kanilang binigyang-diin ay ang “konteksto”—na kaya lang daw nakapagbitiw ng ganoong pagbabanta ang bise presidente ay dahil siya ay ginigipit.

Malinaw na ang legal strategy ng defense ay 3-D: “Drama, Delay at Derail.” Gagamitin nila ang naratibo ng “panggigipit” at ang pagiging “biktima” ni Duterte upang salagin ang mga ebidensiya ng prosecution, habang ginagatungan ang emosyon ng kanilang mga tagasuporta.

Dito magiging mahalaga ang papel ng ebidensiya at ang pagbabantay ng publiko. Ang drama ni Duterte ay hindi kayang magsilbing pansalag laban sa mga naghuhumiyaw na katotohanan ng korupsiyon, pagtataksil sa tiwala ng bayan at paglabag sa Konstitusyon. Nakahanda ang defense na butasin ang mga ebidensiya, gibain ang mga testigo at ipagpilitan na pamumulitika lang ang lahat.

Ngunit kapag lumabas na ang mga audit reports, bank records, tax records at iba pang dokumentong nagpapatunay ng korupsiyon, hindi na uubra ang mga general denials at iyak. Ang problema ng defense, wala silang ibang kongkretong ebidensiya o depensa kundi ang kuwestyunin ang motibo ng impeachment.

Gayunpaman, kampante ang defense na magtatagumpay ang kanilang estratehiya. Bakit? Dahil mataas ang voting threshold para ma-convict si Duterte. At sa kasalukuyang takbo ng politika sa loob ng Senado, labis na mahirap abutin ang 16 na boto. Kaya sa gameplan nina Duterte, itutuloy nila ang drama dahil alam nilang dehado ang prosecution sa bilang.

Ngunit ang ganitong pagtingin ay static at hindi isinasaalang-alang ang magiging reaksiyon ng publiko kapag nailahad na ang mga ebidensiya. Hindi nito tinitimbang na sa tamang panahon, papalag ang taumbayan sa mga teknikalidad at sa di-patas na voting threshold na una pa lang ay pabor na sa akusado.

Sa isang prosesong kapwa legal at politikal, ang boses ng taumbayan ay may mapagpasyang papel. May tinutungtungan sa kasaysayan ang pagsusuring ito: hindi tinanggap ng taumbayan ang pagsupil sa ebidensiya noong Estrada impeachment trial na humantong sa pag-aalsa sa EDSA II.

Sa ngayon, hangad nating mailahad nang buo ang mga ebidensiya sa apat na articles of impeachment habang pinaghahandaan ang magiging aksiyon sa voting threshold. Suya na ang tao sa walang katapusang objections na naglalayong magtakip ng katotohanan. Ayaw ng taumbayan na maging eksklusibong larangan lang ito ng mga abogado kung saan bulag at bingi ang mga ordinaryong stakeholder.

Nakalapat sa lupa ang ating pagsusuri: hindi magiging madali ang pagkamit ng hustisya. Kung gayon, dapat tayong maging handa sa anumang senaryo na magdidiskaril sa paglilitis, lalo na kung susupilin ang mga testigo at ebidensiya para paboran ang akusado.

Mahaba pa ang laban at marami pang pwedeng mangyari. Hindi rin ito mahihiwalay sa sumasabog na pampolitikang usapin ng korupsiyon na kinasasangkutan mismo ng Senado at Malacañang. Sa huli, anuman ang maging hantungan, ang trial na ito ay magiging mabisang instrumento para sa pagkamulat ng mga Pilipino sa kahirapang panagutin ang mga makapangyarihan, sa kabulukan ng umiiral na sistema at kung bakit kailangan natin itong baguhin.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning