International Criminal Court – Pinoy Weekly

April 27, 2024


International Criminal Court (ICC) Isang korte na nakabase sa The Hague, The Netherlands. Binubuo ito ng 123 bansa mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Iniimbestigahan at nililitis nito ang mga indibidwal na kinasuhan ng mga pinakamatinding krimen tulad ng genocide, mga krimen sa digmaan, mga krimen laban sa sangkatauhan at ang krimen ng pagsalakay.

Itinatag ito noong 1998 sa pamamagitan ng Rome Statute, isang international treaty kung saan nakasaad ang mga layunin, mga patakaran at sakop ng ICC. Ang ICC ay produkto ng karanasan ng mundo sa mga krimen at kalupitang ginawa ng mga estado sa kanilang mga teritoryo o kanilang mga mamamayan.

Noong 2011 sumali ang Pilipinas sa ICC at noong March 2018 tumiwalag sa ICC ang bansa sa ilalim ng administrasyon ni Rodrigo Duterte. Nangyari ito matapos ianunsiyo ng ICC Office of the Prosecutor na sisimulan nito ang preliminary investigation sa extrajudicial killings sa ilalim ng anti-illegal drug campaign ng administrasyong Duterte. 

Naging epektibo ang withdrawal ng Pilipinas sa ICC noong 2019 pero patuloy pa rin ang imbestigasyon ng ICC. Giit nila, sakop pa rin ng ICC ang anumang krimen na ginawa sa loob ng mga taon na miyembro pa nila ng ang isang bansa. Ang saklaw ng imbestigasyon sa Pilipinas ay mula 2011 hanggang 2019.

Sa ilalim ng probisyong iyon, sinabi ni Kristina Conti, abogado ng mga pamilya ng mga biktima, ang pag-withdraw ng Pilipinas sa ICC noong 2018 ay walang kinalaman sa mga kasong isinampa bago magkabisa ang withdrawal makalipas ang isang taon.

“Inuulit namin na ang imbestigasyon ng ICC ay may matibay na legal na batayan, na naaprubahan ng Kamara ng mga apela sa pagtutol ng gobyerno ng Pilipinas. Ang gobyerno ay aktibong lumahok sa mga paglilitis at natalo,” sabi ni Conti.

Nakikilahok ang ICC sa isang pandaigdigang laban upang wakasan ang impunity, at sa pamamagitan ng internasyonal na hustisyang kriminal, nilalayon rin ng ICC na panagutin ang mga responsable para sa kanilang mga krimen at tumulong na maiwasan ang mga krimeng ito na mangyaring muli.

Ayon sa sarbey ng Social Weather Station, 53% ng mga Pilipino ang sumasang-ayon na dapat imbestigahan ng ICC ang mga umano’y pagpatay at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng drug war ng administrasyong Duterte. Mas mataas ito kumpara sa 45% na isinagawa noong Marso noong nakaraang taon.

Bukod sa drug war, tinitingnan din ng ICC ang mga pagpatay na umano’y ginawa ng tinaguriang “Davao Death Squad” noong mga alkalde ng Davao City sina dating Pangulong Duterte at Pangalawang Pangulong Sara Duterte.

Ayon sa National Union of People’s Lawyers, hindi imposible maglapag ng warrant of arrest sa Pilipinas bilang tugon sa ICC.

Ayon sa kanila, may obligasyon pa rin ang Pilipinas sa korte, sa usapin ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon nito at maging sa pagpapalabas ng warrant of arrest sa dating pangulo.

Sinabi ni Conti na ang desisyon na isulong ang hustisya sa harap ng isang internasyonal na hukuman ay nakabatay sa batas at praktikal na mga dahilan, partikular na ang kabiguan ng gobyerno ng Pilipinas na mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Batay sa opisyal na proseso ng korte, inaabangan ngayon ang paglabas ng arrest warrant laban sa mga saspek. Sa buong mundo, maugong na ang pangalan ni Duterte bilang pinuno ng digmaan sa droga sa Pilipinas na kung saan libo-libo ang nasawi.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Typhoon Mawar Heading to Japan, the JMA Issued an Alert

On Monday, the Japan Meteorological Agency (JMA) have issued advisories

Ang Bayan Ngayon » Araw ng Kababaihan laban sa charter change

Nagmartsa ngayong Araw ng Kababaihan, Marso 8, ang mga grupo