Israel, pinapatay din sa gutom ang mga Palestino

March 6, 2024


Ni NEIL AMBION
Pinoy Weekly

Naghihingalo nang natagpuan ng mga paramedic ang dalawang buwang sanggol na si Mahmoud Fattouh. Bitbit siya ng inang humihingi ng tulong.

“Itinakbo namin siya sa ospital at napag-alamang nagdurusa ito sa matinding malnutrisyon. Dinala siya agad sa intensive care unit. Ilang araw nang hindi nakakapaggatas ang sanggol, wala kasi talagang gatas dito sa Gaza,” sabi ng isang paramedic.

Namatay si Mahmoud noong Peb. 25 dahil sa gutom at matinding malnutrisyon. Sa isang video sa social media, napanood ng mundo ang huling hininga ng lupaypay, maputla at buto’t balat na sanggol.

Napakarami nang namamatay na bata, lalo na ang mga bagong-silang, sabi ni Dr. Hussam Abu Safiya, punong-doktor ng Kamal Adwan Hospital sa hilagang Gaza.

“Kitang-kita ang mga senyales ng panghihina at pamumutla sa mga bagong silang dahil malnourished ang mga nanay. Nakakalungkot na napakarami nang batang namatay sa nakalipas na mga linggo. Kung walang darating na ayuda, marami pa ang mamamatay sa malnutrisyon,” sabi ng doktor sa panayam ng Al Jazeera.

Ayon kay Ted Chaiban, deputy executive director ng United Nations Children’s Fund (Unicef), tiyak na lolobo pa ang bilang ng mga namamatay na bata sa Gaza, bagay na maaari naman sanang maiwasan. Dagdag aniya ito sa hindi katanggap-tanggap na pagkamatay ng mga bata sa pambobomba ng Israel.

Ayon sa UN, isang bata ang namamatay kada 15 minuto sa Gaza.

Sa kabuuan, aabot na sa 30,000 Palestino ang namatay habang mahigit 70,000 na ang sugatan sa patuloy na pagsalakay ng Israel.

Noong Ene. 23 pa huling nakapagpasok ng humanitarian aid sa hilagang bahagi ng Gaza, kung saan natagpuan si Mahmoud. Kalahating milyong Palestino na doon ang sadlak sa matinding kagutuman. Nasa 2.3 milyon naman ang nakararanas ng malalang kakulangan ng pagkain sa buong Gaza, ayon sa United Nations Refugee and Works Agency (UNRWA).

Pinutol ng Israel ang linya ng pagkain, tubig, komunikasyon, kuryente at langis sa buong Gaza mula nang ilunsad nito ang mabangis na giyera ng pagpuksa sa buong lahing Palestino noong Okt. 7, 2023. Nauna nang sinabi ni Israeli Defense Minister Yoav Gallant, na tama lang ito dahil mga “taong hayop” ang kalaban nila.

Ayuda, hinaharang

Nakatengga ngayon ang 2,000 trak ng ayudang pagkain, gamot at iba pang pangangailangan sa border ng Egypt at Palestine sa timog Gaza dahil sa panggigipit ng Israel.

Nasa 100 trak ng humanitarian aid ang kailangang pumasok araw-araw sa Gaza para matugunan ang matinding pangangailangan sa pagkain, ayon sa UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA).

Mula Peb. 9, nasa 55 trak kada-araw na lang ang pumapasok sa Gaza. Napakalayo kumpara sa 500 trak bago ang Okt. 7.

Mahigit 51% naman ng mga tangkang misyon para maghatid ng ayuda sa Gaza ang hinarang ng Israel ayon sa UNRWA.

Kahit makapasok sa Gaza, hindi rin tiyak na nakakarating ang ayuda sa mga Palestino dahil sa walang puknat na pag-atake ng Israeli Defense Forces (IDF) at Israeli settlers (mga dayuhan mula Europe at Amerika na umokupa sa mga ninakaw na lupain at bahay sa mga teritoryo ng Palestine).

Napilitan ang World Food Program (WFP) na pansamantalang itigil ang pagpapadala ng ayuda sa hilagang Gaza dahil sa banta sa seguridad sa mga trak at mga taong binibigyan ng ayuda.

Noong Peb. 19, pinagbabaril at binomba ng IDF ang libo-libong Palestino na nakapila sa trak ng humanitarian aid sa hilagang Gaza. Isa ang patay, habang 10 ang sugatan.

“Gusto lang naming makakain ang mga anak namin, kaya nagpunta kami doon para humingi ng harina. Pero pinagbabaril kami, kinanyon at sinugod ng mga tangke,” salaysay ng isa sa mga sugatan.

Sa gitna ng pamamaril, nagkumahog naman ang mga batang Palestino na dakutin sa lupa ang natapong harina mula sa mga nasirang sako.

Hinaharang naman ng mga armadong grupo ng Israeli settlers ang mga pumapasok na trak ng humanitarian aid sa timog Gaza. Hindi anila karapat-dapat bigyan ng ayuda ang mga Palestino.

Hindi naman ma-escort ng pulisya ng Palestinian Authority (PA) ang mga ahensiyang nagbibigay ng ayuda. Pinagbabaril at pinatay din kasi ng IDF ang walo nilang tauhan na nagbabantay sa mga trak ng humanitarian aid nitong Pebrero.

Mahigit 100 ang patay at daan-daan ang sugatan sa pag-atake ng Israel sa mga Palestino sa Gaza City na naghihintay ng ayuda noong Peb. 29. Reuters TV/Reuters

“Man-made disaster” na ito sabi ni Philippe Lazzarini, pinuno ng UNRWA. Kritikal na aniya ang estado ng kawalan ng pagkain sa Gaza dahil sa panghaharang ng Israel.

“Nangako ang mundo na hindi papayag maulit ang kagutuman. Maaari pang maiwasan ang kagutuman, sa pamamagitan ng political will na papasukin at  protektahan ang makabuluhang ayuda,” sabi niya.

Inutusan ng International Court of Justice (ICJ) ang Israel na payagang pumasok ang humanitarian aid sa Gaza sa paunang hatol nito sa kasong genocide na isinampa ng South Africa noong Enero.

Pero sa datos ng OCHA, bumaba pa ng 40% ang bilang ng mga pinapapasok na trak ng ayuda sa Gaza mula nang ibaba ang hatol ng ICJ.

Sabi ni OCHA deputy director Ramesh Rajasingham sa UN Security Council, naghahanap pa sila ng solusyon para mapigilan ang kagutuman sa Gaza. Pero halos imposible aniya ito hanggang hindi nagkakaroon ng ceasefire, bagay na paulit-ulit namang pinipigilang mangyari ng gobyerno ng America.

“Inuulit namin ang aming panawagan para sa ceasefire. Kung walang magiging aksiyon, tiyak na magkakaroon ng malawakang taggutom sa Gaza,” babala niya.



Source link

Don't Miss

Batikang organisador, dinukot sa Bukidnon – Pinoy Weekly

Dinukot ng mga elemento ng 48th Infantry Battalion ng Philippine

Lebanon: Missile Falls on UN Peacekeeping Mission Headquarters | News

On Sunday, the Lebanese Council of Ministers confirmed that a