Jeepney modernization – Pinoy Weekly

January 15, 2024


Jeepney modernization – patakaran na naglalayong alisin ang mga jeepney na may edad 15 taon pataas at palitan ng makabagong mga sasakyan na hindi nakakasira sa kalikasan.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang mga bagong pampasaherong jeepney ay mas ligtas at komportable. Kasama ito sa planong ayusin din ang mga pampublikong bus at mga track sa lansangan.

Ani Mody Floranda, pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), “Sinabi mismo ni BBM iyan na hindi siya papayag na mawala ang mga traditional jeepney dahil ito ay inalagaan ng kanyang ama, at pinanghahawakan ‘yan ng mga drayber at opereytor. Bakit tuloy-tuloy nilang itinutulak ang modernization?”

Sabi pa ng grupo, kung nais ng gobyerno na magkaroon ng mas abot-kaya, malinis at komportableng sasakyan sa bansa, ang praktikal at maganda umanong dapat gawin ay ang pagkakaroon ng makatarungang transition program sa pamamagitan ng pagsuporta sa local manufacturing industry at pagpapahintulot sa rehabilitasyon ng mga tradisyonal na jeep para mas maging malinis at maayos ang mga ito.

Ayon sa Piston, malinaw na manipestasyon ang nasabing pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista na inaamin ng nilang mabigat nga sa bulsa ang mga modernong minibus at “unaffordable” ito para sa mga tsuper.

Ipinapakita ng DOTr at LTFRB ang desperasyon nitong kumita sa sapilitang konsolidasyon at pagpapasali sa kooperatiba o korporasyon ng mga tsuper at opereytor ng jeep.

Bagaman may kooperatiba, mabigat pa rin ang papasanin ng mga drayber dahil sa laki ng halagang kailangan nilang bunuin.

Ayon sa Piston, limang beses na mas mahal ang bagong yunit na maihahalintulad na rin ang disenyo sa isang mini bus. Dagdag gastusin din ang mga kagamitang rekisito ng LTFRB na nagkakahalaga ng daang libong hanggang isang milyon.

Ayon kay Floranda, ang pagbawi sa prangkisa dahil sa hindi pagsali sa kooperatiba ay labag sa karapatan ng mga drayber at opereytor.  Pagkakaitan aniya sila ng kabuhayan dahil lamang sa hindi nila pagsali sa mga kooperatiba.

“Bakit ba kating-kati ang gobyerno ni Marcos Jr. na mag-import nang mag-import para palitan ang mga lokal nating jeepney at paglaruan ang buhay ng maralitang Pilipino?” ani Floranda.

“Sino ba talaga ang gusto nilang paunlarin? Malinaw na hindi ang mga Pilipino,” dagdag niya.

Malaki ang epekto ng sapilitang jeepney modernization. Maraming tsuper at opereytor ng mga jeep ang mawawalan ng trabaho at tataas lalo ang unemployment rate sa ating bansa.

Ayon pa sa mga jeepney drayber, ang proyektong ito ay “anti-poor” at ang mga mayayamang negosyante lang ang may gusto nito. Hindi makakayanan ng maliliit tsuper at operators na mabili dahil napakamahal ang halaga nito.

“Hindi tayo tutol sa usapin ng pagsasaayos ng ating public transport, bagkus ang hinihiling nila ay isang ‘just transition’ na isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga drayber at opereytor. Kasama na rin sa mga hiling na ito ang isang transisyon na nakaangkla sa lokal at pambansang industriyalisasyon na hindi nakaasa sa pag-aangkat ng mga dayuhang piyesa at sasakyan,” sabi ni Floranda.

“Handang protektahan ng mga tsuper at maliliit na operator ang kanilang kabuhayan dahil buhay ng pamilya nila ang nakasalalay rito lalo sa panahon ngayon ng matinding krisis sa ekonomiya,” dagdag niya.

Panawagan pa ni Floranda, “Sa mga kapatid sa hanapbuhay na hindi uusapin kung ano tayo sa federation ang usapin dito ay kailangan natin magkaisa para sa pagtatanggol ng ating kabuhayan at karapatan bilang serbisyo.

Nananawagan din ang Piston sa mga komyuter na makiisa sa laban ng mga drayber at opereytor dahil karapatan at interes din ng mga pasahero at mamamayan ang mura at episyenteng pampublikong transportasyon.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Earthquake in Western Indonesia, Residents Flee Coastal Areas

A seismic activity measuring 6.9 on the Richter scale jolted

Capitalists are inflationary, not wage hikes for workers – IBON Foundation

Why are workers demanding decent wages accused of causing prices