Kainutilan sa gitna ng krisis – Pinoy Weekly

April 24, 2024


Hindi na tinantanan ang mamamayang Pilipino ng krisis. Mataas na presyo ng bilihin, kapos na sahod ng mga manggagawa, hagupit ng El Niño sa agrikultura—ilan lang ito sa katakot-takot na krisis na kinakaharap ng taumbayan.

Ngunit sa harap ng patong-patong na mga suliraning ito, hindi naman maramdaman ang gobyerno para bigyan kahit katiting man lang na ginhawa ang mamamayang hirap na hirap na sa pagpasan sa naghihingalong kabuhayan.

Imbis na maayos at komprehensibong patakaran sa ekonomiya na nakabatay sa mga pangangailangan ng mas maraming mamamayan ang atupagin, dahas at panunupil ang ihaharap ng estado sa mga lumalaban at naggigiit ng disenteng pamumuhay.

Simula pa lang ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nasa 6.4% ang tantos ng implasyon o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong Hulyo 2022.

Halos dalawang taon ang nakalipas, ipinagmamalaki ng mga tagapamahala ng ekonomiya na bumabagal na ang implasyon at “most urgent concern” pa nga ito sabi ni Finance Secretary Ralph Recto. Mas mababa nga naman ang 3.7% na implasyon nitong Marso kumpara sa inabutan ng rehimeng Marcos Jr.

Ang kaso dito, tumataas pa rin at hindi bumababa ang mga presyo, habang walang makabuluhang umento sa sahod ng mga karaniwang manggagawa at empleyado sa parehong pribado at pampublikong sektor.

Masaya na kasi sila na nakikita na “gumaganda” ang mga numerong inuulat, pero bulag sa tunay na nararanasan ng mamamayan na naghihikaohos at pinakaapektado ng matinding krisis sa ekonomiya.

Ang pangulo nama’y tuloy-tuloy ang lakwatsa. Nag-uuwi naman daw ng mga investment pledge si Marcos Jr. na makabubuti sa ekonomiya. Pero ibig sabihin din nito’y ibinubuyangyang niya lalo sa dayuhang kontrol ang ating ekonomiya at likas na yaman.

Matagal na ring iginigiit ng mga manggagawa ang makabuluhang dagdag-sahod. Ngunit sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa simula ng taon na wala munang aaprubahang umento sa sahod sa 2024.

Pero tila kinontra ng mga mambabatas ang pahayag ng kalihim. Pasado na sa Senado ang panukalang batas para sa dagdag na P100 sa minimum wage sa buong bansa ng pribadong sektor. May mga panukalang batas ring isinusulong sa Kamara na umentong mula P100 hanggang P750.

Sa usapin naman ng matinding tagtuyot na dala ng El Niño, nasa P3.94 bilyon na ang pinsala sa agrikultura na nakaaapekto sa may 73,713 na magsasaka at mangingisda sa mga rehiyon ng Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao at Soccsksargen ayon sa ulat ng Department of Agriculture (DA) nitong Abril 16.

Naglabas na raw ang DA ng P1.09 bilyon na tulong pinansiyal para sa mga apektado ng tagtuyot. Pero halos nasa P15,000 lang ang matatanggap nila, lugi pa sa inutang na binhi, pataba, krudo, lambat, fingerlings, feeds at iba pang pangangailangan sa pagsasaka at pangingisda.

Sa kabila ng nawalang kita sa pagsasaka at pangingisda at kakapiranggot na ayuda, pautang ang sagot ng gobyerno. May credit assistance naman sabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa kung saan maaaring mangutang ang mga magsasaka at mangingisda ng hanggang P25,000 at mayroon ding insurance assistance na P20,000.

Baon na nga sa utang ang mga magsasaka at mangingisda, lalong paglubog sa utang pa ang tugon ng gobyerno sa mga pinakamahihirap na sektor ng bansa.

Ang pangulo nama’y tuloy-tuloy ang lakwatsa. Nag-uuwi naman daw ng mga investment pledge si Marcos Jr. na makabubuti sa ekonomiya. Pero ibig sabihin din nito’y ibinubuyangyang niya lalo sa dayuhang kontrol ang ating ekonomiya at likas na yaman.

Malaking banta na nga ang Charter change ni Marcos Jr. na lalong ibubukas ang bansa sa pandarambong ng mga dayuhan, at gagamitin para manatili siya at kanyang mga kasosyo sa kapangyarihan.

Laging nasa krisis ang mamamayang Pilipino at hindi ito mapapawi kung hindi kikilos ang mamamayan. Kailangan nating igiit ang nararapat at singilin ang gobyernong Marcos Jr. sa kapabayaan kainutilan nito.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss