Kamatayan, hindi kapayapaan – Pinoy Weekly

September 12, 2024


Paano nga ba susukatin ang sinseridad ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas sa pagkamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa bansa?

Sa loob ng higit limang dekada, nagpapatuloy ang armadong tunggalian sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP). Ito ang maituturing na isa sa pinakamatagal na digmaang sibil sa Asya.

Simula noong panahon ng diktadura ng rehimeng Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyan, tila sirang plaka na ang mga nagdaang rehimen sa pangakong wakasan—sa pamamagitan ng pinatinding operasyong militar sa kanayunan—ang armadong pag-aalsa sa loob ng kanilang mga termino. Lahat sila, bigo. 

Isang ruta rin na makailang ulit na sinubok tahakin ng GRP at NDFP sa pagresolba ng armadong tunggalian ang usapang pangkapayapaan, ngunit labas sa mga pag-abanteng inabot noong 1992 hanggan 1998, hindi pa ito signipikanteng umusad muli.  

Sa bahagi ng GRP, palasak nitong ginagamit na dahilan ang hindi tumitigil na mga aksiyong militar ng NPA laban sa reaksiyonaryong armadong puwersa. Pilit na idinidiin ng GRP na nakasalalay lang sa pagbababa ng armas ng CPP-NPA ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.

Kamakailan, ito pa rin ang bukambibig ni National Security Adviser Eduardo Año sa isang sa press conference noong Ago. 19. Ani Año, hindi niya nakikitang aabante pa ang usapang pangkapayapaan dahil sa patuloy na pagmamatigas ng NDFP na talikuran ang armadong pakikibaka.

Hindi ito ang unang beses ng pananabotahe ni Año sa usapang pangkapayapaan. Sa katunayan, sa paglabas ng Oslo Joint Declaration ng GRP at NDFP noong Nobyembre 2023, walang pagdadalawang-isip niyang sinabi na magpapatuloy ang mga operasyong militar sa kanayunan, hindi palalayain ang mga nakakulong na NDFP peace consultant at hindi aalisin ang terrorist-tagging kay NDFP chief international representative Luis Jalandoni at sa CPP-NPA. 

Hindi na nakakagulat ang ganitong mga pahayag mula sa isang berdugo at utak-pulburang opisyal ng militar. Malinaw na hindi totoong kapayapaan ang hangad niya, kung hindi kapitulasyon at kamatayan para sa CPP-NPA.  

Ngunit hindi ata nakatanggap ng “command” si Año, dahil ibang-iba at kabaligtaran naman ang sinasabi ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. Ayon kay Galvez, nananatili umanong pursigido ang rehimeng Marcos Jr. sa pagtutulak ng kapayapaan at nananatiling positibo ito na may mararating ang usapang pangkapayapaan kasama ang NDFP.

Itong “mixed signals” (tinuran ni NDFP Peace Negotiating Panel chairperson Julie de Lima) mula sa rehimeng Marcos Jr. ay pagpapakita ng saligang problema ng mismong estado sa  pagpasok sa usapang pangkapayapaan.

Sa isang banda, ipinapangalandakan nito ang pagiging “pro-peace” at ang kanyang programang amnestiya para sa mga susukong rebelde, habang sa isang banda, patuloy din ang pagbubuhos nito ng pondo ng bayan sa armadong pwersa para sa pagbili ng mas maraming mga kagamitang pandigma na nakatutok sa mga sibilyang komunidad na pinaghihinalaang base ng CPP-NPA.

Sa kabila ng pagpopostura para sa pagtutulak ng kapayapaan, patuloy naman ang paglobo ng bilang ng mga paglabag sa international humanitarian law ng Armed Forces of the Philippines, pagdukot, pagkawala at pagpaslang sa mga NDFP peace consultant at kanilang mga kaanak at kaibigan, at malaganap at malawakang red-tagging, harassment, intimidasyon, at sukdulang pagpatay sa mga hinihinalang kasapi ng CPP-NPA. 

Sino ang maniniwala sa kapayapaang isinusulong ng rehimeng Marcos Jr. kung ang nasasaksihan ay ang kalupitan, tumitinding kahirapan at pagsasamantala sa masang anakpawis? 

Sa salita ni de Lima, nananatiling matatag ang paninindigan ng NDFP sa pagsusulong ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa bansa na nakatuntong sa pagresolba ng ugat ng armadong tunggalian. Dagdag nito, isang mahaba at masalimuot na daan ang kailangang tahakin sa pagkamit ng tunay at pangmatagalang kapayapaan, ngunit ito’y isang landas na dapat nating buong tatag na babagtasin.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss