Kapitalista ang nagpapataas ng presyo, hindi umento sa sahod – Pinoy Weekly

April 16, 2024


Bakit inaakusahan na magiging dahilan ng pagtaas ng mga presyo ang pagigiit ng mga manggagawa ng disenteng sahod? Kapag pinepresyohan ng mga kapitalista ang kanilang mga produkto, palagi silang nakatuon kung paano pipigain sa mga konsyumer ang tubo. Kapag humihingi ang mga manggagawa ng dagdag-sahod, hangad lang nila na makuha ang nararapat na kanila para sa pagpapagal sa trabaho na nagluluwal ng kita.

May mga panukala sa Kongreso para sa pagsasabatas ng across-the-board na umento sa arawang minimum wage sa pribadong sektor sa buong bansa. Nitong Pebrero, ipinasa ng Senado ang Senate Bill (SB) 2534 na magbibigay ng dagdag P100 sa mga obrero. Hindi rin nagpahuli ang Kamara kung saan may mga panukalang P100 hanggang P750 na umento isang linggo matapos magsimula ang pagdinig sa Senado.

Tila mga propetang sabay-sabay na pumalahaw sa napipintong apokalipsis ang mga business group, ekonomista ng pamahalaan at ilang akademiko. Magtatanggalan ng mga empleyado o magasasara ang mga negosyo. Titigil ang pagpasok o kaya aalis ang mga dayuhang mamumuhunan. At para mas lalong alarmahin ang publiko, tataas ang presyo at lalong mahihirapan ang mga konsyumer dahil sa labis-labis na iginigiit ng mga manggagawa. Napakamakasarili ng mga pinagsasasabi nila.

Sa Kongreso, nagsumite ang mga business group ng mga position paper na pawang opinyon na walang matibay na batayan at puno ng logo at pirma imbis na datos at argumento. Akala siguro nila na kailangan lang nilang tumutol at takutin ang mga mambabatas. Buti pa ang mga ekonomista ng pamahalaan, nagpresenta ng mga pag-aaral. Ang kaso nga lang, nakabatay sa mga hinala at haka-haka ang mga pag-aaral na kuwestiyonable ang katumpakan.

Sa totoong mundo, hubad ang katotohanan at hindi na kailangang suotan pa ng mga pseudoscientific na borloloy para magmukhang kapani-paniwala at makapangyarihan. Kagyat, makatarungan at kayang gawin ang mataas na across-the-board na pambansang umento sa sahod—at hindi ito magreresulta sa pagtaas ng presyo kung ibabahagi ng mga kapitalista ang malaking tubo nila sa mga obrero imbis na itaas ang presyo at ipasa sa konsyumer.

Kagyat ang malaking dagdag-sahod. Lubhang napakababa ng totoong halaga ng minimum wage ngayon sa lahat ng rehiyon kumpara noong 1989 o 34 taon na ang nakararaan.

Mayroong humigit-kumulang 370 na wage order ang 17 rehiyon ng bansa mula 1989 nang ginawang rehiyonal ang pagtatakda ng sahod na hindi nakaaagapay sa implasyon—hindi kataka-taka dahil nasa average na 1.2% lang ang mga nominal na dagdag-sahod.

Kumpara noong 1989, mas mababa ng 26% nitong Marso ang totoong halaga ng minimum wage sa lahat ng rehiyon kung saan pinakamababa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o Barmm (52%) at katiting na pagtaas pero walang signipikanteng paggalaw sa National Capital Region o NCR (0.3%).

Sa lahat ng rehiyon, nasa P440 ang average na minimum wage o halos sangkatlo (36%) ng average na family living wage (FLW) na P1,207 nitong Marso para sa pamilyang may limang miyembro. Sa lahat ng rehiyon, NCR ang may pinakamataas na minimum wage na P610, pero halos kalahati (51%) lang nito ang FLW na P1,197. Mas masahol naman sa Barmm na may P361 na minimum wage na wala pang sangkalima (18%) ng P2,053 na FLW.

Makatarungan ang malaking dagdag-sahod. Hindi lang nahuhuli ang umento sa sahod sa implasyon—nahuhuli din ito sa produktibidad ng mga obrero. Dumoble ang produktibidad at lumago ng 88% sa pagitan ng 1989 at 2023, ngunit bumaba ng 22% ang average minimum wage sa parehong panahon na parehong taon-taong sinusukat at nasa hindi nagbabagong presyo para sa paghahambing. Ibinubulsa ng mga kapitalista ang produktibidad na ito bilang tubo sa loob ng ilang dekada imbis na ibigay ang nararapat na sahod sa mga manggagawa.

Pinatutunayan ito ng pinakabagong datos sa tubo. Higit doble ang net income ng 1,000 pinakamayayamang korporasyon sa bansa (104%) mula P889 bilyon noong 2020 hanggang P1.8 trilyon noong 2022, habang ang net income ng lahat ng establisimyento ay lumago ng 28% mula P1.9 trilyon noong 2020 hanggang P2.5 trilyon noong 2022. Tumaas din ang net worth ng 50 pinakamayayamang Pilipino ng 31% noong 2020 at umabot sa P3.95 trilyon noong 2022.

Ngunit sa panahong iyon, napag-iwanan at tumaas lang ng 11% ang average nominal minimum wage sa buong bansa na nasa P364 noong 2020 patungong P404 noong 2022.

Kayang gawin ang malaking dagdag-sahod nang hindi magtataas ang mga presyo dahil sa lahat ng tubong kinikita. Nasa 11% lang ng gastusin ng mga negosyo ang pasahod sa manggagawa na sinukat mula sa average ng lahat ng negosyo sa lahat ng laki at sa lahat ng industriya sa buong bansa.

Katumbas lang ng 7.1% na bawas sa tubo ang P100 across-the-board na dagdag-sahod sa lahat ng establisimyento—7.9% na bawas sa micro, 7.6% sa small at 6.7% sa medium at malalaking negosyo. Mas malaki naman ang kabawasan sa tubo ng mga kapitalista kung  P750 ang umento at mapipilitan ang gobyerno na magbigay ng suporta sa mas maliliit na negosyo, pero kaya pa ring gawin ito lalo na kung isasaalang-alang ang naipong tubo sa mga nagdaang dekada.

Nangangahulugan ito ng 53% na kawabasan sa tubo sa lahat ng establisimyento o halos pantay na hatian ng tubo sa pagitan ng mga kapitalista at obrero. Ang magiging halaga ng pasahod ay 59% sa micro, 57% sa small at 50% sa medium at malalaking negosyo.

Tinaya ito sa pamamagitan ng datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa average daily pay at tubo na kwinenta ng PSA sa 2021 Annual Survey of Philippine Business and Industry, ang pinakamalaking survey sa mga negosyo sa bansa na may sample size na 38,000 na establisimyento.

Kayang tustusan ng mga employer ang malaking dagdag-sahod. Imbis na kamkamin ang tubo, kailangan ng gobyerno na gawin ang lahat upang maiangat ang sahod na makabubuti sa mga manggagawa, sa kanilang pamilya at sa ekonomiya.

Kapag may pera ang manggagawa at kanilang pamilya para makabili ng mga produkto at serbisyo, makalilikha ito ng malakas na multiplier effect sa ekonomiya. Gagastusin nila ang kanilang kita sa mga lokal na establisimyento at sa mga MSME (micro, small and medium enterprise), kasama na ang mga impormal na negosyo sa mga komunidad. Magreresulta ito ng masiglang aktibidad sa lokal na ekonomiya, maliliit na negosyo at paglikha ng trabaho.

Madalas ibuladas ng mga kapitalista at ekonomista na para bang pabigat sa ekonomiya ang mga obrero at pagpapasahod sa kanila. Pero sa katunayan, ang mga manggagawa ang lumilikha ng yaman ng ekonomiya at dapat lang naman na mapunta sa kanila ang yamang kanilang nililikha kaya insensitibo’t ‘di makatuwirang sabihin na ang “ekonomiya” ay parang hiwalay sa kondisyon at kagalingan ng mga nila.

May mahabang kasaysayan ang Pilipinas sa pagasasabatas ng umento sa sahod mula pa noong 1950s, kabilang ang mga batas sa minimum wage, wage order, executive order, presidential decree at maging mga Batas Republika. Ang pinakabago nga sa mga ito ang batas noong pang 1989 na nagtatakda ng dagdag-sahod na P25 o 39.1% na umento na katumbas ng halos P160 sa kasalukuyan.

Ang problema’y hindi naman ito legal na imposibilidad pero ang dogmatikong pag-iisip na ang lakas-paggawa ay kalakal na pinepresyohan batay sa kagustuhan ng mga employer sa isang makaisang-panig na merkado ng paggawa. Pero sa parehong merkadong ito, walang ibang pagpipilian ang mga obrero kundi tanggapin ang barat na pasahod o huwag na lang maghanapbuhay.

Hindi iisipin ng isang responsable at makataong pamahalaan na pabigat sa mga negosyo at ekonomiya ang mga manggagawa at mas mataas na pasahod sa kanila, dapat iniisip nito na susing paraan ang mas mataas na sahod para isulong ang kagalingan ng mga manggagawa. Isa ang makabuluhang dagdag-sahod sa mga mahahalagang mekanismong istruktural na magtityak na makukuha ng obrero ang nararapat na bahagi ng kanyang pinagpaguran at para mas mapabuti ang pagkamakatarungan at demokrasya.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

PRWC » Ang mukha ng kilusang pagwawasto sa Masbate

Puspusan ang pagsisikap ng mga sangay at komite ng Partido

Condemn Terrorist Designation of 4 Cordillera People’s Alliance Leaders

Press ReleaseJuly 13, 2023 “The International Coalition for Human Rights