Nagdeklara ng kanyang kandidatura para sa pagkasenador ang mangingisda at kasalukuyang pangalawang tagapangulo ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) na si Ronnel Arambulo nitong Ago. 19.
Tatakbo si Arambulo sa ilalim ng Makabayang Coalition kasunod ng opisyal na anunsyo nilang maglatag ng senatorial slate sa darating na halalan sa 2025.
Isusulong ni Arambulo ang panawagan ng sektor na kanyang kinabibilangan para sa karapatan sa malayang pangingisda.
“Sa mahabang panahon, wala ni isang kumandidato sa interes ng mga batayang sektor, kabilang ang mangingisda,” ani Arambulo sa kanyang deklarasyon sa pagkandidato sa Navotas City.
“Karapat-dapat lamang at napapanahon nang magkaroon ng tinig ang mangingisda sa Senado,” dagdag pa niya
Lider-mangingisda na si Arambulo mula noong 2008 at masugid na tagapagsulong ng mga kampanya sa pagtatanggol sa mga komunidad sa baybayin at mga lugar ng pangingisda laban sa reklamasyon at pribatisasyon.
Si Arambulo ang ikalimang kandidato sa ilalim ng Makabayan, kasunod ng proklamasyon nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno at dating anti-poverty czar Liza Maza.