Napatalsik ang gobyerno ni Prime Minister Shiekh Hasina, na 15 taon nang nasa kapangyarihan, matapos ang higit isang buwang protesta ng mamamayan ng Bangladesh.
Mahigit 400 ang napatay habang 11,000 ang inaresto sa madugong crackdown ng gobyerno sa mga protestang nagsimula sa panawagan ng mga estudyante para sa karapatan sa trabaho.
Napuwersang magbitiw si Hasina at tumakas papuntang India noong Ago. 5, araw ng nakatakdang martsa ng mamamayan sa palasyo ng punong ministro para kondenahin ang mga pagpatay at pandarahas sa mga estudyanteng nagpoprotesta.
Naitayo na ang kapalit na interim government. Binubuo ito ng ilang dating opisyal ng gobyerno at lider ng mga organisasyong sibiko, kabilang ang dalawang kinatawan mula sa mga nagprotestang estudyante. Napili naman si Muhammad Yunus, ekonomistang kritiko ni Hasina, para pamunuan ang pansamantalang pamahalaan.
“Hindi namin tatanggapin ang anumang gobyernong taliwas sa iminungkahi namin. Hindi namin tatanggapin ang isang gobyernong suportado ng militar o mga pasista. Hindi namin tatanggapin ang anumang gobyernong kontra sa kagustuhan ng mamamayan,” sabi ni Nahid Islam, lider-estudyante at kinatawan ng kabataan sa pansamantalang gobyerno.
Nakaamba ngayon ang mga kaso ng pagpatay, krimen laban sa sangkatauhan at henosidyo laban kina Hasina, ilang pinuno ng napatalsik niyang gobyerno at pampolitikang partidong Awami League, at mga opisyal ng pulisya ng Bangladesh.
“Igigiit namin ang katarungan para sa lahat ng pagpatay na ginawa sa ilalim [ni Hasina], ‘yan ang isa sa pangunahing panawagan ng aming rebolusyon. Gusto namin siyang maaresto,” sabi ni Islam sa panayam ng Reuters.
Saan nagsimula?
Unang nagprotesta ang mga estudyante ng Dhaka University noong Hul. 1 para kondenahin ang desisyon ng korte ng Bangladesh na ibalik ang “quota” sa mga trabaho sa pamahalaan. Itinakda nitong ilaan ang 30% ng mga trabaho sa pampublikong sektor sa mga anak ng mga sundalong lumaban para sa pagpapalaya ng Bangladesh mula sa Pakistan noong 1971.
Para sa mga estudyante, hakbang lang ito para bigyang-pabuya ang mga loyalista ni Hasina at ng Awami League. Diskriminasyon anila ito sa mas maraming kabataan na nangangailangan ng trabaho.
Laganap ang kawalang-trabaho sa Bangladesh, na ikawalo sa pinakamalaking populasyon sa mundo. Tinatayang 32 milyong kabataan mula sa 170 milyong populasyon nito ang walang trabaho.
Mas mataas ang sahod at benepisyo ng mga trabaho sa pampublikong sektor ng Bangladesh kumpara sa pribadong sektor, na karamiha’y sa mga pabrika ng iba’t ibang sikat na brand ng damit. Malaalipin na ang pasahod, kadusta-dusta at mapanganib pa ang kalagayan sa “sweatshops” na ito.
Baon sa utang, hindi pa nakakabangon ang Bangladesh mula sa $450 bilyong ibinagsak ng ekonomiya dahil sa pandemya. Nakapagtala rin dito ng 10% inflation rate. Pinasahol ang kalagayan ng mamamayan ng konsentrasyon ng yaman at laganap na korupsiyon sa ilalim ng pamumuno ni Hasina.
Nagkaisa ang mga estudyante sa iba’t ibang pribado at pampublikong unibersidad. Binuo nila ang Students Against Discrimination bilang alyansa laban sa quota sa trabaho.
Sunod-sunod ang mga inilunsad na sit-in, martsa, barikada at iba pang porma ng protesta sa Dhaka, kabisera ng bansa, at iba pang katabing lungsod at bayan.
Tugon ni Hasina
Tumanggi si Hasina na ibasura ang quota sa trabaho. Kinutya pa niya ang mga nagpoprotesta na aniya’y mga Razakar, mga Bangladeshi na kumampi sa pananakop ng Pakistan gaya ng mga “Makapili” sa Pilipinas.
Sinalakay naman ng Bangladesh Police ang mga unibersidad. Binuwag ng tear gas at batuta ang mga martsa at barikada. Pinagbabaril ang mga nagpoprotesta.
Pinakilos rin ni Hasina ang Bangladesh Chhatra League (BCL), pangkabataang sangay ng Awami League, para marahas na salakayin ang mga nagpoprotestang estudyante.
“Mapayapa kaming nagmamartsa. Bigla na lang kaming sinalakay ng Chhatra League gamit ang kahoy, itak, bakal na tubo at mga bato,” sabi ni Shahinur Shumi, 26, isa sa mga sugatan sa marahas na pagbuwag sa protesta sa Dhaka University noong Hul. 15.
Tumatawid lang ng kalsada ang isa sa mga napatay na si Abu Saeed, may-ari ng grocery, noong hapon ng Hul. 19. Tinamaan siya ng bala nang pagbabarilin ng pulisya ang mga nagpoprotesta sa Dhaka.
Daan-daan ang naitalang patay sa marahas na pagbuwag sa mga protesta noong Hulyo. Karamihan, mula sa tama ng bala mula sa pulis. Libo-libo naman ang inaresto at tinortyur. Marami pa ang dinukot at nawawala hanggang ngayon.
Dahil sa malawak na protesta, pinasuspinde ng Korte Suprema ng Bangladesh ang patakaran sa quota sa trabaho. Pero hindi natigil ang mga protesta.
Ang mga protestang nagsimula sa panawagan para sa karapatan sa trabaho, naging mas malawak na aklasang bayan para kondenahin ang marahas na tugon ng gobyerno sa mga estudyante.
Ago. 4, dumagsa sa lansangan ang libo-libong estudyante at mamamayan ng Bangladesh para manawagan ng katarungan para sa mga napatay na estudyante at para sa pagbibitiw ni Hasina.
Binuwag ng mga pulis ang protesta. Umabot sa 95 ang naitalang napatay sa dispersal. Ito ang pinakamaraming bilang ng napatay sa loob lang ng isang araw mula noong Hul. 1.
Pagbagsak ng rehimen
Dumami pa ang bilang ng napatay sa marahas na crackdown ni Hasina laban sa mga nagprotesta. Ipinasara ang mga unibersidad, pinatay ang internet at nagpatupad ng curfew sa buong bansa.
Ipinag-utos niyang barilin ang sinumang lalabag sa curfew. Nagsagawa ng mga malatokhang na raid ang mga pulis at goons ng Awami League para tugisin ang mga lider ng protesta.
Agad nanawagan ang mga estudyante sa mamamayan na sama-samang suwayin ang curfew at magmartsa patungo sa palasyo ng punong ministro para kundenahin ang naganap na dispersal at patalsikin si Hasina.
“Napakarami ng pinatay na estudyante ng gobyerno. Panahon na para sa huling pakikipagtuos,” sabi ni Asif Mahmud, isa sa mga nag-organisa ng protesta.
Ago. 5, napuno ang mga kalsada ng Dhaka. Ang mga nagmartsa, sinalubong ng mga mamamayang nagwawagayway ng bandera ng Bangladesh. Nilusob nila ang palasyo ni Hasina. Pero bago sila makarating, tumakas na ang punong ministro.
“Napabagsak ang awtokratikong rehimen sa pamamagitan ng aklasang bayan ng mga estudyante at mamamayan,” sabi ni Islam sa panayam ng The Wire.
Matagumpay nilang nawakasan ang 15 taong pasistang paghahari ng gobyernong Hasina. Pero ngayon pa lang magsisimula ang laban ng mga estudyante at mamamayan para itatag ang bago at demokratikong Bangladesh.
“Gusto naming itatag ang isang bagong Bangladesh at isang bagong pampolitikang kontrata kung saan wala nang diktador ang maaring makabalik, na maging ligtas ang buhay ng mamamayan at magkaroon ng katarungan sa lipunan, na may demokrasya at karapatang pantao,” sabi pa ni Islam.
Pinuri ng International League of Peoples’ Struggle-Asia and the Pacific (ILPS-AP) ang matagumpay na pakikibaka ng mga estudyante at mamamayan ng Bangladesh at umaasang matugunan ng bagong talagang interim na gobyerno ang mga usaping nag-ugat ng pag-aaklas.
“Dapat talakayin ng bagong gobyerno ang kawalang trabaho ng mga kabataan at pangkalahataan. Dapat makalikha ng mga trabaho sa loob ng Bangladesh sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga lokal na industriya, na hindi nakatali sa ready-to-wear na mga damit ng malalaking brands,” pahayag ng ILPS.
Umaasa rin ang ILPS na mabuo ang mas marami pang pangmasang organisasyon sa Bangladesh para matiyak ang boses ng mamamayan sa gobyerno at matiyak na maipatupad ang mga minimithing reporma.