Kasong arson laban sa direktor, itinuloy

February 26, 2024


Ni ANDREA JOBELLE ADAN
Pinoy Weekly

Inaprubahan na ng Quezon Provincial Prosecutor ang pagsampa ng kasong arson laban sa direktor na si Jade Castro at sa tatlo niyang kaibigan matapos akusahan ng pulisya ang apat ng panununog ng isang modern jeepney sa Catanauan, Quezon.

Nitong Peb. 19, sa hearing ng House Committee on Public Order and Safety, sinabi ni Police Senior Master Sgt. Jonjon Pordan na nakahanap ng pruweba ng motibo ang pulisya sa ginawa nilang “cyber patrolling” ng Facebook account ni Castro, kung saan nag-post ang direktor ng kritisismo sa Public Utility Vehicle Modernization Program.

“Itong pagsampa ng kaso sa korte ang magbubukas ng ilang rekurso para sa paglaya ni Jade at ng kanyang mga kasamahan,” pahayag sa X (dating Twitter) ni Chel Diokno, isa sa mga abogado nina Castro. “Gagamitin natin ang lahat ng legal na paraan para mapalaya sila.”

Tinanong at tinukoy din ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, kung mayroon nga bang pisikal at aktuwal na ebidensiyang nagsasabing sangkot nga sina Castro, Ernesto Orcimen, Noel Mariano at Dominic Ramos bilang mga salarin. Wala daw sagot ni Pordan, habang naninnindigang sa kanilang pagmamatyag lamang sa social media.

Halos tatlong linggo nang nakadetine ang apat sa Catanauan, Quezon matapos silang unang arestuhin nang walang warrant noong Peb. 1.

Binalita naman ng ABS-CBN TV Patrol noong Peb. 6 ang nakalap na CCTV footage na nagpapakitang nanonood ng isang pageant rehearsal sina Castro sa bayan ng Mulanay habang nangyayari ang pagsunog ng modern jeepney sa kabilang bayan ng Catanauan.

Ayon sa pulisya, posible nang gumawa ng peke na CCTV footage sa panahon ngayon. Hindi rin daw puwedeng isantabi ang pagturo ng mga witness kina Castro.

Sa ngayon, tuloy ang maraming mga organisasyong pangsining at pangkarapatang pantao sa panawagang paglaya ng apat.



Source link

Don't Miss