Peligro ng Cha-cha sa ekonomiya

February 26, 2024


Ni MICHAEL BELTRAN
Pinoy Weekly

Inaasahang matatapos na sa Marso ang talakayan sa Senado tungkol sa Charter change (Cha-cha) o pag-amiyenda sa Konstitusyon ayon sa mga opisyal ng Kongreso. Pangako ng administrasyon na hanggang sa pagbubukas lang ng ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan ang usapan, wala nang higit pa.

Sa bisa ng Resolution of Both Houses (RBH) 6 pinag-uusapan kung paano papayagan ang 100% na dayuhang pagmamay-ari sa public utilities tulad ng kuryente at tubig, mga paaralan at kolehiyo at sa industriya ng advertising. 

Totoo man o hindi ang pangako ng mga mambabatas, kahit ang pagbabago sa mga kasalukuyang probisyon sa ekonomiya ay may hatid na peligro ayon sa mga ekonomista at eksperto.

Bumabahang pamumuhunan, makakatulong ba?

Matagal nang tinatambol ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng mga alyado niya ang umano’y benepisyo ng pagtanggal ng restriksiyon sa pagpasok ng Foreign Direct Investments (FDI) at iba pang dayuhang pamumuhunan. 

Katuwiran ng mga ekonomistang maka-Cha-cha, sagot daw sa matagal nang ninanais na kaunlaran ang pagpayag sa higit pang dayuhang pamumuhunan. 

Ayon kay Margarito Teves, dating Finance Secretary, ang Pilipinas lamang ang “tanging bansa sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) kung saan may mga restriksiyon sa ekonomiya na nakasaad sa konstitusyon.”

Dagdag niya, dapat raw alisin ang 40% na limitasyon sa pagmamay-ari ng dayuhan para “lumikha ng trabaho, lumakas ang kita, at lumikha ng inclusive growth.”

Marc Lino Abila/Pinoy Weekly

Mayroon nga bang ebidensiyang magsasabi na tiyak ang magandang kinabukasan ng bansa basta payagan lang pagbaha ng dayuhang kapital?

Sa katunayan, mula 2019 may serye ng mga batas na ipinasa para padulasin ang pagpasok ng dayuhang pagmamay-ari nang hindi ginagalaw ang Saligang Batas. 

Inaprubahan ng gobyerno ang Public Service Act, Foreign Investment Act, Retail Trade Liberalization Act, Renewable Energy Development and the Regional Comprehensive Economic Partnership, na lahat ay nagbukas ng pinto para sa pamumuhunan sa agrikultura, telekomunikasyon, transportasyon at iba pang industriya. 

Pero sa parehong panahon, wala namang nakitang susing paglago ng ekonomiya. Hindi nito napigilan ang resesyon o matinding pagbulusok ng kabuhayan at panggastos ng taumbayan. Kahit pa tapos na ang pandemya, lumobo pa rin ang inflation sa maagang bahagi ng 2023 sa 8.7%, pinakamataas sa nakaraang 14 na taon. 

At hanggang sa kasalukuyan nananatiling mataas ang food inflation o pagsirit ng presyo ng pagkain sa pamilihan.

Nitong buwan, pumalo sa 5% ang inflation para sa 30% ng mga pinakamahihirap na pamilya. Damang-dama rin ang 21.4% na rice inflation.

Walang ebidensiya

Paliwanag ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, dahil sa mga nabanggit na batas, ang Pilipinas na ang may pinakabukas na ekonomiya sa Asya. 

Kung ihahambing, ang Vietnem, Thailand, Indonesia at Malaysia ay may halos 80% pa rin na limitasyon sa dayuhang pagmamay-ari sa iba’t ibang industriya. 

Sa katapusan ng 2023, pinayagan ng gobyerno pumasok ang P766.97 bilyong FDI, tinatayang 455% na dagdag kumpara noong 2022. At ang FDI na ito ay kumakatawan sa 61% ng lahat ng inaprubahang pamumuhunan ng Department of Trade and Industry. 

Kung matagal nang bukas ang ekonomiya at pumapasok ang FDI, bakit hindi pa rin tayo umaasenso? At bakit itinuturing ang higit pang FDI bilang susi sa masaganang bansa? 

Sa pag-aaral ng Ibon, kung tutuusin mas malaki pa ang FDI ng Pilipinas ngayon kaysa sa South Korea, Taiwan at China noong panahon na umarangkada ang kanilang mga industriya sa mga dekada ng ‘70s at ‘80s.

Kaya para sa Ibon, walang ebidensyang magsasabi na katumbas ng paparaming dayuhang pamumuhunan ang lumalagong ekonomiya.

“Bakit sila umunlad kahit na kakaunti ang FDI? Dahil nag-focus sila sa lokal na ekonomiya. Ang reporma at kapasidad sa agrikultura ang step 1, at ang step 2 hanggang 10 ay industriyalisasyon. Kung mas marami tayong FDI ngayon kumpara sa kanila, bakit napakalayo natin sa kalagayan nila?” ani Africa.

Neil Ambion/Pinoy Weekly

Hindi naman daw tutol sa mismong puhunan galing sa labas si Africa, kundi sa patakaran ng gobyerno na tila binebenta ang lupain at yaman ng bansa nang hindi naman pinapakinabangan ang pumapasok na kapital. 

“Noong umalis ang Intel matapos ang 35 na taon at ang Hanjin matapos ang 12 na taon, hindi naman tayo nagkaroon ng kapasidad sa pagmamanupaktura ng electronics at barko. Hindi naman dapat bawal ang dayuhang pamumuhunan pero dapat may limitasyon at minamaksimisa para sa pakinabang ng Pilipino,” ani Africa. 

Ang sektor ng manupaktura ang isa sa pinakaliberalisado o bukas sa dayuhang kapital. Pero sa nagdaang mga dekada, bumagsak nga ang tantos nito sa gross domestic product ng bansa mula 25% noong 1990 patungong 17.6% nitong 2022. Sa parehong panahon, napansin din ang pagliit ng trabahong nalilikha at bilang ng empleyado. 

Ayon pa sa Ibon, dahil walang regulasyon sa mga kumpanyang dayuhan, laganap pa rin ang tanggalan ng manggagawa. 

Sinilip din ng Ibon ang nagiging kalakaran kaugnay sa FDI ng iba pang mahihirap na bansa. Ang napansin nila, dumarami ang mga bansang kumokontra sa pagbubukas ng kanilang mga ekonomiya dahil nakita nila ang kapahamakan nito. 

Mula 2009, ibinasura ang halos 405 na International Investment Agreements (IIA) ng mahigit 60 na bansa. 

Samantala, tuloy pa rin ang Pilipinas sa 41 na IIA, kabilang ang tatlong bagong kasunduan sa Israel, Syria at United Arab Emirates. 

Tutol ang konsyumer

Si Propesor Reggie Vallejos ng University of the Philippines Manila at tagapagsalita rin ng SUKI Network, isang grupo ng nagbabantay sa presyo ng mga bilihin para sa mga karaniwang konsyumer. 

Ibinahagi niya sa Pinoy Weekly ang kanyang pangamba sa muling pagsirit ng presyo ng mga bilihin kapag hinayaang pumasok ang higit pang FDI. 

“Kailan ba nagresulta sa abot-kayang presyo at serbisyo ang pagsasapribado at pagbebenta ng mga industriya sa mga dayuhan?” tanong ni Vallejos. 

Bilang guro, tutol rin si Vallejos sa panghihimasok ng dayuhan sa mga paaralan at kolehiyo ng bansa. Lalo raw mangingibabaw ang dayuhang interes imbis na maglingkod sa bayan ang mga mag-aaral. 

“Kung dayuhan ang magmamay-ari ng mga pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya gaya ng edukasyon, may maiiwanan pa bang kapangyarihan sa gobyerno natin para tiyakin na hindi kapakanan ng dayuhan ang mananaig?” aniya.



Source link

Don't Miss

PRWC » Lalaya ang kasarian sa paglaya ng sambayanan! LGBTQ+, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Kinikilala natin ang buwan ng Hunyo bilang Pride Month, o

Military Situation In Ugledar Region On June 29, 2023 (Map Update)

Click to see the full-size image MORE ON THE TOPIC: