Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga katutubong Dumagat-Remontado kasama ang mga tagasuportang tanggol-kalikasang sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City noong Ago. 8 laban sa pagpapatuloy ng proyektong dam sa kanilang lupang ninuno.
Niluraan nila ng nganga bilang pagtutol ang telang sumisimbolo sa Environmental Compliance Certificate na iginawad ng DENR sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System para ituloy ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam.
Nananawagan ang mga katutubo na maglabas na ang cease-and-desist order sa lahat ng aktibidad sa Kaliwa Dam na sinasabing makakaapekto sa kanilang lupang ninuno sa kabundukan ng Sierra Madre.
Sa parehong araw, nagkaroon ng paunang pag-uusap sa pagitan ng mga katutubo at ni DENR Undersecretary Carlos Primo David. Ngunit ipinahayag ng Stop Kaliwa Dam Network na hindi roon nagtatapos ang kanilang pakikibaka.
Inaasahang lulubog ang humigit-kumulang 93 ektarya ng mga protektadong lugar at kagubatan sa Sierra Madre kung magpapatuloy ang konstruksiyon dito. Maapektuhan rin nito ang 200 pamilya at ilang pamayanan sa mga lalawigan ng Quezon at Rizal.