Kinukubkob na bukid sa Lupang Tartaria – Pinoy Weekly

May 3, 2024


Naging pang-araw-araw na hudyat na ang pagkalembang ng kampana sa Lupang Tartaria sa tuwing mamamataan sa lugar ang mga lalaking may bitbit na mga baril at kagamitan para bakuran ang lupa ng mga magsasaka.

Nitong Abril, sunod-sunod ang panghihimasok ng mga armadong tauhan ng mga Aguinaldo at Ayala sa Brgy. Tartaria sa bayan ng Silang, Cavite para bakuran ang lupa ng mga magsasakang matagal nang naroroon.

Sa ilang taong pakikibaka nila para sa lupang binubungkal, patuloy ang mga magsasaka ng Tartaria para tuluyang mapasakanila ang lupang matagal na nilang pinangangalagaan at pinagyayaman.

Kilala ang lupang pinag-aagawan bilang Lupang Aguinaldo na matatagpuan sa Bgry. Lumil at Brgy. Tartaria na tinatawag noong Sitio Pasong Kaong. Mula pa noong 1940, inaangkin na ito ng pamilya ni Hen. Emilio Aguinaldo.

Naglaho ang mapayapang pamumuhay ng mga magsasaka rito nang bayaran ng mga Aguinaldo ng P8,000 kada ektarya ang 10 ektaryang sakahan.

Ang mga naninirahan na sakop sa nabiling lupa ay sinimulan ding pagbayarin ng amilyar. Nagkakahalaga na P30 ang binabayaran ng mga ng nagtatanim ng bigas dito habang P50 naman para sa mga magsasaka ng niyog.

Mula noon, patuloy na sa paggigiit sa karapatan sa lupa ang mga magbubukid para patuloy silang magkaroon ng hanapbuhay at huwag tuluyang makuha ang kanilang lupa ng pamilyang Aguinaldo. Sa ngayon, kinakamkam ito ni Emilio “Orange” Aguinaldo IV, maging ng pamilyang Ayala.

Mataba ang lupa sa Tartaria na tinatamnan ng niyog, kape, pinya at saging. Bagaman ganito ang pakinabang, nais pagtayuan ng mga establisimyento’t negosyo ng mga magkasabwat na pamilya ang lupa. Bantog sa mga turista ang karatig lungsod nito na Tagaytay kaya gusto nilang gawing komersyalisyado ang mga lupang sakahan.

Resulta ng patuloy na pangangamkam, naitatag noong 1978 ang Samahan ng Magsasaka ng Tartaria upang labanan ang ginagawang pang-aabuso ng mga nasabing pamilya.

Noong 1995, kasama ang Tartaria sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na naitakdang ipamahagi sa 137 na magsasaka at mga benepisyaryo.

Apat na beses tinangka ng mga Aguinaldo umapela upang hindi isama ang lupaing ito sa CARP. Paulit-ulit itong hindi inapbruhan ng mga lokal na Agrarian Reform Office.

Ngunit noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, nabaliktad ang desisyon at pumanig sa pamilya ng mga nangangamkam. Hindi na umano ito saklaw ng Department of Agrarian Reform (DAR) dahil ito’y rehistrado ng National Housing Authority (NHA) na lupang residensiyal. Suportado ito ng Aguinaldo Heights Subdivision noong mga panahong iyon. 

Hanggang ngayon, hinaing pa rin ng mga taga-Tartaria ang pagpapasa ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na naglalayong solusyonan ang kawalan ng lupa ng mga maralitang magsasaka.

Sa kasalukuyan, mas pinalawig na ang organisasyon at kilala na ito bilang Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (Samata) na may mahigit sa 500 miyembro. Noon pa man, nilalayon ng samahang ito na matigil na ang labanan sa pagitan ng mga panginoong may lupa at mga residente ng Tartaria.

Ayon naman sa mga abogado ng Samata, walang writ of possession ang mga pamilyang sangkot sa pagkamkam ng lupa. Sa kabila nito, patuloy ang mga Aguinaldo at Ayala sa walang habas na pagpapagiba, pagtataboy at pagbabanta sa mga taga-Tartaria.

Ayon kay Jerie Luna, pangulo ng Samata, mayroon ‘di umanong ipinapakitang titulo ang mga Aguinaldo na nakuha nila noong 2011 pa bilang patunay na sila ang nagmamay-ari ng lupa.

Ngunit iginiit ni Jerie na wala mang papel na katibayan, pinanghahawakan nila ang kanilang karapatan para sa lupang sakahan dahil sa tagal na nilang pagtira at pagsasaka sa lupain.

“Halos ‘sing-aga pa ng 1911 narito na ‘yong mga ninuno namin. Sila ang nagsaka at nagbungkal ng lupa dito sa Brgy. Tartaria,” aniya.

Maraming bahay na ang giniba at maraming magsasaka na ang hinaras ng mga Aguinaldo at Ayala. Kabilang dito ang mga kaso ng pagsusunog ng mismong lupang sakahan at ilang ari-arian, maging ang pagnanakaw ng mga kabayo at iba pang hayop ng mga magsasaka.

“Noong dekada ‘60, merong mga kasamahan na kaming mga binaril, ‘yong aming mga pananim ay nilason, tapos pinagbawalan ang pagkuha ng mga niyog. Pati ‘yong paggamit ng kayuran no’ng panahong noong marami pang niyog dito,” kuwento ni Jerie. 

Bagaman nakabinbin pa ang kaso ng Tartaria sa DAR, tila hindi na makapaghintay ang mga Aguinaldo at Ayala na sementohan ang pangunahing hanapbuhay ng mga magsasaka sa ngalan ‘di umano ng kaunlaran ng bayan.

Nitong Abril 3, pinagtangkaang bakuran ng Jarton Security Agency, na inupahan ng mga Aguinaldo at Ayala, ang mga lupang sakahan sa Silang.

Tagumpay man itong napigilan nang mapagkasunduan sa barangay na pansamantalang itigil ang pagbabakod, itinuloy pa rin ito ng mga mga guwardiya noong Abril 11 sa gitna ng mga barangay ng Lumil at Tartaria.

Nagkampo ang mga magsasaka at residente ng Lupang Tartaria para pigilan ang pagbabakod ng mga inupahang tauhan ng mga Aguinaldo at Ayala. Samahan ng mga Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria/Facebook

Sa pakikipagharap ng Samata sa Jarton Security Agency, binabanggit ‘di umano nila ang utos ng mga Aguinaldo at Ayala na ihiwalay sa bayan ang mga lupang sakahan, nabayaran man ito o hindi.

“‘Di siyempre kapag binakuran nila ‘yon, hindi na makakapasok ‘yong mga magsasaka natin doon sa mga lupang sinasaka nila. Hindi na sila makakapagtanim,” saad ni Jerie.

Kahit kailangang maghanapbuhay, walang magawa ang mga magsasaka kundi limitahan ang kanilang pagtatrabaho sa sakahan upang magbantay ng mga lupang nanganganib mabakuran ng Jarton Security Agency. 

Apektado nito ang pagtatanim at paglilinis ng mga magsasakang hindi mapagtuunan ng buong pansin ang kani-kanilang lupa. Bukod pa rito, hindi rin makapasok sa trabaho ang mga residenteng manggagawa ng Tartaria dahil sa namumuong tensiyon.

Takot ang nangingibabaw sa mamamayan ng Tartaria dahil sa ginawang pangdarahas ng pamilyang Aguinaldo sa pamamagitan ng Jarton Security Agency.

Bagaman humupa nitong mga nakaraang araw ang tensiyon, nananatiling matindi ang pangamba ng mga residenteng alam kung paano sila kayang walang awang saktan ng mga guwardiya. Pinasok kasi ng goons ang kanilang kampuhan nitong Abril 20 ng alas-dos ng madaling araw.

“Marami doon sa mga kabataan ang binugbog, maraming nasaktan. At dahil sa tindi ng takot ng mga kabataan halos lahat ng mga gamit nila e ‘di naiwan nila. Kasama na doon ang mga selpon, laptop, ultimo ‘yong camera ng media, mga karaoke na ginagamit namin, mga props namin, halos lahat nakuha nila,” salaysay ni Jerie.

Ayon pa sa pahayag ng Sinag ng Kabataan sa Tartaria sa kanilang Facebook page, nagkasa at nanutok umano ng baril ang goons. Nanakit din nang walang pakundangan, matanda man o kabataan, dahilan upang isugod ang marami sa ospital.

Ang hindi inaasahan ng mga residente, nakuha nila ang mga ninakaw na gamit sa munisipyo nang minsan silang nakipagdiyalogo kay Mayor Kevin Anarna. Sa kanilang kuwento, may isang kabataan mula Samata ang nagdala nito sa kanilang opisina na hindi kapani-paniwala sa mga miyembro ng samahan.

“Makikita namin na gumagawa rin ng istorya ‘yong sa munisipyo doon sa paglalabas ng gamit kasi sa totoong buhay, no’ng araw na nangyari ‘yon, wala nang makakapasok na kabataan doon sa lugar sa tindi ng tensiyon, sa dami ng guwardiya,” ani Jerie. 

Hanggang ngayon, wala pa ring malinaw na sagot at aksiyon ang munisipyo kaugnay sa kanilang mga hinaing. Bukod pa rito, dismayado rin ang grupo sa kapitan ng Brgy. Tartaria na umaming pumirma ng fencing permit sa ngalan ‘di umano ng kaunlaran.  

Sa kabila ng karahasan ng mga pamilyang Aguinaldo at Ayala laban sa kanila, tuloy-tuloy ang pakikibaka ng mga magsasaka at mamamayan ng Tartaria. Nakatindig pa rin ang kanilang kampo at nanghihikayat pa ng mas maraming mamamayan para makiisa sa pagdepensa sa kanilang lupa.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Press freedom advocates light candles for slain journalists in the Philippines and Gaza

Photo by Emily Vital/Bulatlat By ALYSSA MAE CLARINwith reports from

Kung ayaw maraming dahilan

Relentlessly increasing inflation in the Philippines is already among the