Kolektibong parangal kay Jhuna Arante-Isita – Pinoy Weekly

April 25, 2024


Nitong Marso 26, nagkaroon ng labanan sa pagitan ng militar at ng armadong rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) sa Rosario, Batangas. Tatlong kasapi ng NPA ang napaslang, kasama na si Junalice “Jhuna” Arante-Isita, 36 taong gulang at kilala sa pangalang “Ka Arya.”

Naging estudyante ng Behavioral Science at kasapi ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Maynila si Jhuna. May panahong kumilos siya nang buong panahon sa hanay ng mga estudyante at komunidad sa Kamaynilaan. Marami ang naging kasama, kaibigan at kakilala niya, at nagpaabot sila ng kolektibong parangal sa kanyang pagpanaw.

Ayon sa pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa pagpaparangal nito kay Jhuna, kumilos siya nang buong panahon at maraming taon sa hanay ng mga magsasaka at maralita ng Batangas. Bukod sa nakita niya ang mga limitasyon ng pakikibaka sa larangang legal, naranasan niya ang paniniktik, panghaharas at pananakot ng militar. Dahil diyan, nagpasya siyang sumapi sa NPA noong 2015. 

Ayon sa CPP, kabilang si Jhuna sa pamunuan nito: nang mapaslang siya, kasapi siya ng pamunuan ng CPP sa Batangas at sa buong rehiyon ng Timog Katagalugan. Kaalinsabay, hindi tumigil ang pagtugis sa kanya ng militar at gobyerno. Katunayan, noong Enero 2023, sinampahan ng militar si Jhuna, ang kanyang asawang si Isagani Isita, at apat na iba pa, ng kasong pagpatay at paglabag sa Anti-Terrorism Act. Noong nakaraang taon, napaslang si Isagani sa isa ring labanan sa Quezon.

Sa pagkapaslang kay Jhuna, naglabas ng pahayag ang mga kasabayan niyang iskolar ng bayan sa UP Manila. Anila, kaiba man kay Jhuna ang kanilang “pag-unawa at pagsasabuhay” sa “Paglingkuran ang sambayanan!” sinusunod pa rin nila ang naturang panawagan. Para sa kanila, saklaw ng paglilingkod sa sambayanan ang landas na tinahak ni Jhuna—hindi siya kriminal at hindi terorista.

Sa mga sumusunod na parangal, magkakaroon ng sipat sa buhay ni Jhuna bilang kaibigan, kapwa aktibista, progresibo at makabayan.

“Ang hindi pagtangan nang mahigpit ay hindi pagtangan.”

Nagsimula ang pagiging “mag-ina” namin nang tumira kami nang sama-sama sa iisang bahay na nagsilbing opisina ng aming organisasyon. Bilang innate na responsable, inako n’ya ang pangangalap ng “patak” at pagbabadyet pambili ng pagkain naming mga full-time na aktibista. At bilang picky eater, lagi siyang namomroblema sa akin pagdating sa bibilhing pagkain. Kamot-ulo man siya palagi sa pagbabadyet, masaya pa rin niyang inako ang responsibilidad gaya ng isang magulang.

Pero minsan, kunsintidor din si nanay. Kahit wala masyadong badyet, sinisikap niyang bumili ng tinapay na may matamis na puti sa taas. “Sperm bread” sabi pa niya, sabay tawa at disclaimer na iyon daw kasi ang tawag ng isa pang kasama. Dito nagsimula ang biruan namin bilang nanay at anak.

Later on, naging takbuhan ko si nanay para tingnan objectively ang mga kinakaharap na kontradiksiyon. Ibang level kasi ang talas niyang sumuri, dagdagan pa ang mahinahon niyang pagsasalita. Handa s’yang magbigay ng payo o pagtingin kailanman hingiin sa kanya. Nakikita niya ang mga bagay mula sa ibang anggulo at nasasapol ang solusyon. Malumanay niyang napapaliwanag ang pinupunto sabay hihiritan ng biro. Siya ang tipo ng taong seryoso pero palabiro, emo pero sociable. Mahusay siya, walang pagtatalo.

Pero kung anong husay ni nanay sa gawain, kabaligtaran naman noon sa pag-ibig. “Doormat” s’ya kung tawagin dahil puro na lang unrequited ang love na ibinibigay. Hopeless romantic pati ang nanay.

Naalala ko ang effort na panliligaw niya sa nagustuhan. May pa-rose petals pa sa daanan papunta sa lugar ng ligawan. In the end, mali ang social investigation at may iba palang nagugustuhan ang supposedly tatay. Kawawang nanay. Pero hindi nakaapekto sa paggampan niya ng gawain ang pagiging broken-hearted. Isang bagay din ‘to na hinahangaan ko kay nanay.

Pero kung may isang bagay na higit kong hinahangaan kay nanay, ito ay iyong mahigpit na pagtangan niya at pagsasabuhay sa prinsipyo. Hindi ko na maalala kung anong problema ang inilapit ko sa kanya noon, basta hinding-hindi ko malilimutan ang kanyang payo: “Ang sabi pa nga ni Mao [Zedong], ang hindi pagtangan nang mahigpit ay hindi pagtangan. Iyan lang din ang kinakapitan ko.”

Narinig ko ‘to ulit nang magkita kami noong nag-oorganisa na siya sa Batangas. Naikwento niya ang red-tagging sa kanila, panghaharas at panggigipit. Galit niyang naikwento minsan na nasa target list na sila ng mga sundalo. Pero hindi ito naging hadlang sa patuloy niyang paglilingkod.

Pana-panahon, nagkikita kami sa relief operations tuwing may nasasalanta sa kanilang lugar, andoon pa rin siya at nangunguna sa laban para sa lupa ng mga magsasaka, para sa kabuhayan ng mga mangingisda. Marami siyang hang-ups at personal na problema, napanghihinaan ng loob minsan, pero kahit kailan ay hindi bumitaw sa mga ipinaglalaban.

Isinabuhay niya nang buung-buo ang aral ni Mao. Walang middle ground, hindi pwedeng half-hearted. Kung magsisilbi ka sa sambayanan, dapat ay buong puso, buong buhay. At hanggang sa huli, ito ang isinabuhay niya at iniwang aral.

Nakakalungkot. Napakabigat magpaalam sa taong alam mong tanging kabutihan lang ng nakakarami ang ginusto at ipinaglaban. Pero sobrang proud ako kay nanay.

Masaya ako na naging nanay ko siya at buong-puso niya akong tinanggap bilang anak. At alam kong bigyan man siya ng pangalawang buhay, hinding-hindi siya magdadalawang-isip na tanganan muli ang prinsipyong pinanghawakan. (LD)

Bago pa man ako marekluta sa isang progresibong organisasyon sa pamantasan, kilala ko na si Jhuna. Maraming pagkakataon na nakapag-RTR (room-to-room) siya sa klase namin at may ilang pagkakataon din na nakausap niya kami kapag nag-aabot siya ng polyeto. Iyong itsura ni Jhuna, parang stereotypical na aktibista, mukhang matapang, walang mga borloloy sa katawan, simple manamit at siyempre nakatsinelas. Malalim pa ang Tagalog na madalas hindi ko maintindihan kasi hindi naman talaga ako matatas mag-Tagalog.

Pero hanga ako sa kanya kasi mahusay talaga siya magpaliwanag. Kahit mataray ang mukha, magaan naman siya makipag-usap at nakikipagbiruan pa nga sa mga pinapaliwanagan at kapag nagbibitaw ng joke eh pinapasundan ng “cheka” sabay may muwestra pa ng kamay.

Noong naging aktibista na ako at nakasama siya sa mga gawain, hanga talaga ako sa kanya. Mahusay siya magsuri at hindi lamang iyon, talagang assertive siya at sinisikap niyang i-articulate ang kanyang mga palagay. Hindi rin siya takot sa komprontasyon o tunggalian, kahit sa mga kasama, basta mapaluwal lang iyong pinakamabuting resulta.

Napahanga pa ako lalo noong nagpasya siyang mag-full time (FT). Kung tutuusin, si Jhuna sana ang pag-asa ng kanyang pamilya na makaahon sa hirap. Mula siya sa mahirap na pamilya at talaga namang hikahos sa buhay at siya bilang nakatuntong sa prestihiyosong paaralan e maaaring makahanap ng maayos-ayos na trabaho pagka-graduate at kumita nang malaki-laki.

Ngunit unawa ni Jhuna ang kahalagahan ng buong panahong pagkilos at ang papel niya sa pakikibaka para mabigyan ng magandang kinabukasan hindi lamang ang kanyang pamilya kundi pati ang pinakamalawak na bilang ng pamilyang Pilipino na nasasadlak sa kahirapan.

Hindi madali ang desisyon na iyon ni Jhuna, naging saksi din ako sa mga gabi ng pag-iyak niya pero sa huli, nanindigan siya at naging inspirasyon siya sa ibang mga kasabayan niya na mag-FT na rin, at isa nga ako doon. Katunayan, kasama siya noon na kumausap sa aking mga magulang noong nagpaalam ako na hindi na ako mage-enroll ulit sa unibersidad. At noong FT na nga siya, talaga namang ipinakat niya ang lahat ng galing at kakayanan niya sa paggampan ng gawain.

Pero siyempre, hindi lang puro GND (grim and determined) si Jhuna. Marami ring nakakatuwang moments sa kanya. Tamad siyang magtapon ng balat ng kendi sa basurahan kaya isinisiksik niya sa mga singit-singit ng mga upuan. Minsan nang nagdaos kami ng pulong sa aming bahay, nahuli ko siya na itinatapon ‘yong balat ng kendi sa bintana ng kuwarto kahit dalawang hakbang lang ay may basurahan naman.

May taglay ding landi itong si Jhuna. Nakahiligan niya noon magsuot ng mga dangling earrings kasi nakakapagpataas daw iyon ng pagiging “culturatic” na itsura. Sinikap din niyang matutong maggitara kasi nga nakakadagdag nga ng culturatic points na in turn e nakakapagpataas sa pagiging “programmable” niya. May isang lider ng sektor din ang talaga namang crush na crush niya at nang mahuli siya ng pulis sa isang pagkilos kasama ang lider na ito ay binibiro siya ng mga kasama na kaya lang siya nagpahuli ay para makasama niya nang mas matagal iyong crush niya.

May paboritong anggulo din si Jhuna kapag kinukuhanan ng retrato. Kailangan nakapaling ang ulo nang kaunti dahil lagi niyang ipinapakita iyong dimples niya. Lewis & Pearl ang paboritong pulbos ni Jhuna at hindi rin siya ligtas sa mga tumangkilik sa mga lip and cheek tint na uso noon.

Buhos ang parangal ngayon para kay Jhuna, mas marami pa sigurong mga kasama na mas matagal na nakasama siya, mas malalim ang pagkakilala sa kanya at mas maraming alaala kasama siya.

Pero para sa akin, si Jhuna ay bahagi ng pagkahubog ko bilang isang tao, kasama sa pag-igpaw ng mga tunggalian na sumubok sa tatag bilang mga batang aktibista. Kung ano man ang mga aral na natutunan ko sa pagkilos na dala-dala ko hanggang ngayon, naging bahagi si Jhuna sa mga nagturo sa akin. Si Jhuna, bilang isang shining star. (AF)

Summer AY 2004-2005 noong makilala ko si Jhuna o Onang sa aming mga kaibigan niya.

Unang araw ng pagkikita namin ay binigyan niya ako agad ng oryentasyon ng SCMP. Alam niya kasing mula ako sa isang Catholic exclusive school for girls at isang student leader sa UP Pampanga. Napakasigasig niya sa pagre-recruit at pagpapakilos tuwing may rally.

Naaalala ko pa noon kung paano kami ng isa ko ring kaibigan hina-hunting ni Onang tuwing may rally. Panay ang iwas namin noon dahil madalas ay tinatamad at ayaw mabilad sa initan. Nagtatago kami noon sa CR ngunit lubhang masigasig siya at nahuhuli pa rin kami ng aking kaibigan.

Hangang-hanga ako kay Onang. Matalino siya, given iyon dahil taga-UP siya. Pero ibang klaseng talino lagi ang ipinamamalas niya. Ang sharpness niya sa pagsusuri ng kalagayan at pagtukoy ng angkop na solusyon sa mga problema ay ‘di matatawaran.

Masasabi kong si Onang ay huwaran ng isang mabuting kasama. Bukod sa kaya niyang mag-level off at makitungo o magdiskurso ‘di lang sa mga estudyante at guro kundi maging sa iba’t ibang uri ng tao sa lipunan, napakahusay niyang magmulat, mag-organisa, at magmobilisa.

Kahit sinasabi niyang anti-social siya, ‘di naman halata sa kanya sa galing niya makipagkapwa tao at talagang mararamdaman mo ang kanyang sinseridad tuwing mangangamusta siya sa iyo o dadamayan ka sa pinagdadaanan mo. Saksi kami sa hirap at sakripisyo na pinagdaanan niya at ng kanyang pamilya at kung paano niya inigpawan ang mga kontradiksiyon at sariling mga limitasyon upang magpatuloy sa pagkilos.

Ang pagkakaibigan na nabuo namin nung magkakasama kami sa UP ay iyong tipong kahit magkakalayo kami ay pag nagkita-kita, parang walang nawalang panahon. Iyong tipong kahit hindi kami magsalita o magkuwentuhan, iyong pagsasama sa iilang piling-piling mga okasyon ay sapat na upang mabigyan ng comfort ang bawat isa.

Magkakaiba man kami ng tinahak na landas upang isabuhay ang mantra namin noon sa SCMP na “Follow Christ. Serve the People,” kalugod-lugod ang buong panahong pag-aalay niya ng kanyang talino, husay, lakas at maging sariling buhay para sa prinsipyong ipinaglalaban at para sa mga maralitang kanyang pinaglilingkuran.

‘Di man tayo muli nagkita-kita, babaunin ko ang lahat ng mga alaala mo at gagamitin kong inspirasyon upang magpatuloy sa paglilingkod sa masang api.

Mahal na mahal kita, mars. Hanggang sa muling pagsasalo natin ng kapeng barako at suman sa lihiya. (MA)

Para sa akin, ang hindi ko malilimutan na sinabi sa akin noon ni nanay ay “Nasa kongkretong kalagayan na ang sitwasyong nais nating ipamulat sa masa, kailangan na lang nating linyahan upang magkaroon sila ng ideya kung bakit mahalaga ang sama-samang pagkilos.” Napakasimple niyang magsalita sa amin noon sa komunidad pero rock! Emosyonal din siya pero tulad din ng marami, madali din siya mapangiti. (AM)



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Countries worldwide are dropping the US dollar: De-dollarization in China, Russia, Brazil, ASEAN

The global de-dollarization campaign is gaining momentum, as countries around

Madugong modus ng militar – Pinoy Weekly

Pinagapang sa putik ang limang nahuling pulang mandirigma ng New