Lalaking dinukot sa Batangas, inilitaw sa Sorsogon – Pinoy Weekly

February 29, 2024


Pinalalabas ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP-CIDG) na “kusang sumuko” sa mga awtoridad sa lalawigan ng Sorsogon noong Peb. 23 si Jose Maria Estiller na dinukot sa Batangas. Hinainan din siya ng arrest warrant sa parehong araw.

Nakuha sa CCTV ang pagdukot ng limang lalaki kay Estiller bandang 5:00 p.m. noong Peb. 20 sa Brgy. San Pedro, Santo Tomas, Batangas.

Bitbit ang isang maliit na supot ng grocery, pauwi na sana ang biktima sa nirerentahang bahay nang damputin at posasan ng mga ‘di kilalang lalaki. Nakita rin sa CCTV footage na may dalang baril ang isa sa kanila.

“Kataka-taka na inaasahan ng PNP-CIDG na paniniwalaan sila ng publiko sa sinasabing ‘kusang pagsuko’ ng isang taong nasa kanilang kustodiya nang tatlong araw,” pahayag ng human rights watchdog na Karapatan.

Si Estiller ang nakatatandang kapatid ng dating bilanggong politikal na si Jean Estiller, lider ng grupo ng kababaihang magbubukid na Amihan sa Sorsogon.

Ayon kay Jean, iniulat ng guwardiya ng subdivision ang nangyaring pagdukot. Dumating ang pulisya bandang 6:00 p.m. at inimbitahan siya sa presinto para iulat ang insidente.

“Dapat tinulungan s’ya ng pulisya na hanapin ang kanyang kapatid, pero tinakot pa s’ya sa ng mga ito ng mga dati nang kaso,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay sa ginawa ng pulisya na pagsali pa kay Jean sa kaduda-duda nang warrant of arrest.

Ayon sa Karapatan Sorsogon, ipiniit si Jean noong 2022 sa Sorsogon District Jail dahil sa mga gawa-gawang kasong attempted homicide at murder. Ibinasura ang mga kasong isinampa sa kanya at nakalaya siya noong Nob. 22, 2023.

Pinaghihinalaang may sabwatan ang 22nd Infantry Battalion at 59th Infantry Battalion ng Philippine Army at PNP Santo Tomas sa pagdukot. Ginawa rin umano ang pagdukot upang puntiryahin at takutin si Jean.

Sabi pa ng Karapatan, parehong modus ang ginamit sa pagdukot kay Estiller at kina Jonila Castro at Jhed Tamano. Dangan lang na hindi sumunod sina Castro at Tamano sa “script” ng militar.

Nanawagan din sila sa Commission on Human Rights na imbestigahan ang pagdukot at alamin ang katotohanan sa likod ng “kusang pagsuko.”

Iginiit din ng grupo na may karapatan si Estiller na pumili ng sariling abogado at mailipat sa isang regular na detention facility imbis na sa kampo ng militar.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Ang tunay na lagay ng bayan

Ang tunay na lagay ng bayan – Kodao Productions ”

UN slams PH gov’t for failing to protect ‘comfort women’

The Philippines failed to redress continuous discrimination and suffering of