Lason sa karagatan, kahirapan sa mamamayan – Pinoy Weekly

May 6, 2023


Lumubog noong Pebrero 28 ang barkong MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial oil sa Balingawan Point sa Naujan, Oriental Mindoro.

Habang nakikipag-unahan sa oras ang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpigil sa malawakang pagkalat ng langis sa karagatan, nag-aalala ang mga mangingisda at magsasaka kung paano ang kanilang kabuhayan. Nagbabanta din ang panganib sa 30 marine protected areas 

Naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC) noong Marso 28 na 172,928 mamamayan o 36,658 na pamilya sa Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas ang naapektuhan ng oil spill. 

MT Princess Empress
Ang MT Princess Empress na lumubog at naging sanhi ng oil spill sa Oriental Mindoro at karatig na rehiyon.

State of Calamity

Sa Oriental Mindoro, nagdeklara ang provincial board noong Marso 6 na ipapailalim  sa state of calamity ang 76 na barangay sa siyam sa bayan dahil sa malawak na saklaw ng oil spill sa lalawigan.

Dahil sa pagkawala ng mapagkakakitaan ng mga mangingisda at magsasaka kinailangan ang hakbang upang mapunuan ang pondo ng probinsya, na magmumula sa calamity fund ng pambansang gobyerno, para sa pagbibigay ng kagyat na tulong.

Aminado ang lokal na pamahalaan na dahil sa oil spill, manganganib ang industriya ng pangisdaan dahil bababa ang produksiyon ng isda dulot ng pagbabawal sa pagpalaot ng mga mangingisda—na pangunahing kabuhayan ng mamamayan sa lugar. Habang nanatiling sarado ang dagat sa mangingisda, walang katiyakan kung paano mabubuhay ang komunidad na nakaasa sa kabuhayang ibinibigay ng karagatan. 

Inanunsiyo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong Abril 15 na aabot sa halos P1 bilyon ang tinatayang pinsala ng oil spill sa kabuhayan sa Oriental Mindoro.

Sa kasalukuyan, pinag-iisipan ng mga ahensiya ng pamahalaan na maghanap ng ibang lugar kung saan maari makapangisda ang residente. 

Ayon sa tagapagsalita ng pamahalaan na maaari na alternatibong pangisdaan ang Mindoro Strait na matatagpuan sa gitna ng isla ng Mindoro at probinsiya ng Batangas, Cuyo Pass sa pagitan ng isla ng Cuyo at Panay, bahagi ng Tablas Strait na hindi hindi inabot ng oil spill at Tayabas Bay sa pagitan ng Quezon at isla ng Marinduque. 

Pasakit sa mangingisda

Mayroong 26,000 mangingisda ang nasa tala ng BFAR na hindi makapaghanapbuhay sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill.

Sa kuwenta ng naturang ahensiya, aabot sa P400 milyon ang nawalang kita sa mga mangingisda o katumbas ng P19 milyon kada araw. 

Ayon sa resulta ng rapid impact assessment ng grupong Agham kamakailan, nasa 93% ng mga residente mula sa apat na barangay ng Calapan City at 86.5% naman sa dalawang barangay sa Pola ang nagsabing hindi sapat ang kanilang mga kita. 

“Mas malala pa ang aming kuwenta kung walang cash-for-work program at pagsasaka sa lugar,” ani Jordan Fronda, research, education and advocacy coordinator ng Center for Environmental Concerns-Philippines sa isang virtual press briefing noong Abril 10.

Sa mga residente ng Calapan na lumahok sa rapid impact assessment, 86% ang nagsabing nakatanggap sila ng tulong pinansiyal o relief goods subalit 98% sa mga nakatanggap ang nagsabing hindi ito sapat. Ganito rin ang sentimiyento ng mga residente ng Pola—sa 98% na nakatanggap ng ayuda, 81.5% ang nagsabing kulang ito.

Sinabi ni Norie Labay, punong barangay ng Maidlang sa Calapan City, na isang beses lamang sila nakatanggap ng tulong mula sa Social Welfare Department ng lungsod. Halos kalahati lamang sa 400 residente ng barangay ang naabutan ng tulong. 

“Hindi ito makasasapat sa pang araw-araw na gastusin,” ani Labay.

Para sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) dapat managot ang mag-ari ng barko na nagdulot ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro.

Pagpapanagot sa kompanya

Para sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya

) dapat managot ang mag-ari ng barko na nagdulot ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro.

Ang RDC Marine Services, ang kompanyang nagmamay-ari sa MT Princess Empress, ang itinuturong salarin sa lumubog na barko.

Ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya, kinakailangang magkaroon ng bayad-pinsala sa mga komunidad ng mangingisda na naapektuhan ang kabuhayan dulot ng oil spill.

“Ayon sa ulat ng aming mga lokal na tsapter ay kumikita ang mga mangingisda ng P2,000 sa tuwing sila ay nakakapalot,” ani Hicap.

Iminungkahi niya na ang ayudang dapat na matatanggap ng mga residente ay hindi bababa sa P1,200 dahil ito ang nakabubuhay na kita.

Liban sa pagbibigay ng pinansiyal na ayuda, dapat balikatin din ng RDC Marine Services ang pagbabayad sa pagkasira ng kalikasan kabilang dito ang gastusin sa paglilinis, rehabilitasyon at kompensasyon sa komunidad. 

Panawagan din ng grupo ng mga mangingisda na imbestigahan at papanagutin ang kompanya dahil sa iiwan nitong pinsala sa kabuhayan at marine biodiversity kabilang ang 2,500 ektaryang coral reefs, mangroves at mga seaweed. 



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss