Tinanggap ni lider-magsasakang si Danilo “Ka Daning” Ramos ang hamon na bitbitin ang interes ng mga magbubukid sa Senado sa kanyang pag-anunsiyo ng kandidatura sa Malolos City, Bulacan nitong Ago. 22.
Suportado ng iba’t ibang organisasyon ng mga magsasaka, manggagawang bukid at mga grupong nagsusulong ng karapatan ng mga magbubukid ang pagtakbo ni Ramos sa Senado sa darating na halalan sa 2025.
“Isusulong ko ang mga patakaran at programa para sa abot-kayang presyo ng bigas, kasapatan sa pagkain at pagpapalakas ng lokal na produksiyon,” wika ni Ramos.
Isang magsasaka ng palay sa Bulacan, matagal nang lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas si Ramos na ngayo’y pambansang tagapangulo nito at nanungkulan ding lider ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Bulacan at Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon.
Maliban sa pagsusulong ng tunay na repormang agraryo, bahagi ng plataporma ni Ramos ang direktang suporta sa mga magsasaka ng palay, direktang pagbili ng gobyerno sa aning palay sa patas na presyo, at pagbebenta ng bigas sa mga mahihirap na pamilya sa presyong may subsidyo.