Mabilis na paghatol sa labor cases – Pinoy Weekly

July 25, 2024


Sinasabi ng ating Saligang Batas na kinikilala ng pamahalaan ang papel ng mga manggagawa bilang pangunahing puwersang pangkabuhayan sa ating lipunan (Artikulo 11, Seksiyon 18, 1987 Saligang Batas ng Pilipinas).

Dahil dito, inuutusan ang ating pamahalaan upang pangalagaan ang mga karapatan ng mga manggagawa at itaguyod ang kanilang kagalingan.

Nangangahulugan ba ito na sa bawat kaso ng mga manggagawa’y sila ang papanalunin?

Ang sagot sa tanong na ito ay depende sa ebidensiya. Kung maliwanag sa ebidensiya na dapat panalunin ang kompanya, dapat lang na panalunin ito. Kung sakali namang lamang ang manggagawa, dapat lang na panalunin ang manggagawa.

Kung sakali namang tabla sila, dapat resolbahin ang kaso pabor sa manggagawa.

Sino ang binibibigyan ng kapangyarihan sa ilalim ng batas na magresolba sa kaso ng mga manggagawa laban sa kanilang pinagtatrabahuhan?

Ang kapangyarihang ito’y binibigay ng ating batas sa mga Labor Arbiter. Ang desisyon naman ng mga Labor Arbiter ay maaari namang iapela sa National Labor Relations Commission (NLRC).

Ang hatol naman ng NLRC ay maaring iakyat sa pamagitan ng Petition for Certiorari sa ilalim ng Rule 65 ng Rules of Court.

Ang desisyon naman ng Court of Appeals ay maaaring iakyat sa Korte Suprema. Ito na ang pinakahuling akyatan ng mga kaso sa ating bansa.

Tinatantiya na aabot ng lima hanggang pitong taon ang inaabot ng mga labor case hanggang sa ito’y tuluyang matapos.

Ito ang dahilan kung bakit nitong Pebrero, isang panukalang batas ang inihain ng OFW Partylist sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang mapabilis ang pagdedesisyon ng mga ahensiya o hukuman sa mga labor case, lalo na sa kaso ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Sa panukalang batas na House Bill 9827, tinatanggal na ang pag-apela sa Court of Appeals bilang patakaran sa mga labor case.

Ayon sa panukalang batas, maaari nang dumiretso sa Korte Suprema upang iapela ang naging desisyon ng NLRC. Ito’y malaking tipid sa panig ng mga manggagawa, bukod pa sa mas mabilis na pagresolba sa kanilang mga kaso.

Binibigyan din ng karapatan ng panukalang batas na ito ang NLRC upang ideklarang nagkasala ng contempt ang sinumang magiging sanhi ng pagkakaantala o pagkakaabala sa isang labor case. 

Ang pagkakaantalang ito’y maaaring sanhi ng walang katapusang motion na sinasampa nila o ng kanilang abogado o iba pang paraan para lang maantala at patagalin ang pagbibigay ng pagdesisyon sa kanilang mga kaso.

Malimit itong gawin ng mga nasa panig ng manedsment at bihira itong gawin sa panig ng mga manggagawa.

Dahil sa tagal ng pagdinig sa mga labor case bago ito maresolba, marami sa mga manggagawa ang napipiltang tanggapin na lang ang halagang inaalok ng manedsment kahit ito’y mas mababa pa sa tamang halaga sa ilalim ng batas.

Kaya tuloy, laging dehado ang mga manggagawa sa kanilang kaso.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss