May mga santo na hinahangaan lang natin mula sa malayo. Mayroon ding mga santo na unti-unting nagiging kasama sa paglalakbay at humuhubog sa ating bokasyon. Isa na rito si St. Titus Brandsma.
Apat na taon na ang nakalipas, noong ako ay novice pa ng Society of St. Paul sa Cebu, nagsulat ako tungkol sa paglalakbay sa buong bansa ng relikya ng bagong canonized na si St. Titus Brandsma.
Naaalala kong bumisita ako sa monasteryo ng mga Carmelite sa Cebu at namangha sa kuwento nitong Dutch Carmelite na namatay sa Dachau concentration camp sa Germany matapos tumangging hayaang gamitin ang Catholic press bilang kasangkapan ng propagandang Nazi.
Ngayon, sumusulat akong isang ganap na professed Pauline na piniling gamitin ang pangalang Titus Brandsma bilang aking relihiyosong pangalan bilang pagbigay-pugay sa kanya (na para bang ginawa ko na siyang aking ninong sa profession ko).
Sa aking pagbabalik-tanaw, napagtanto kong ang pagdalaw na iyon ay higit pa sa isang pansamantalang karanasang debosyonal. Naging simula iyon ng mas malalim na pakikipagkaibigan sa isang santo na hanggang ngayon ay patuloy na nagtatanong sa akin: mayroon din ba akong lakas ng loob na ipahayag ang katotohanan?
Sa pag-ikot ng kanyang relikya sa buong Pilipinas noong 2022, isa sa binisita ang Pangasinan. Sa homiliya ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, sinabi niyang sa bawat pangangailangan ng Simbahan ay nagbibigay ang Diyos ng mga santo. Sa panahong laganap ang disimpormasyon at nagiging mapagpapalit ang katotohanan at kasinungalingan, ibinigay sa mundo si St. Titus Brandsma bilang isang “martyr for the truth.”
Sa pagdiriwang natin ng kanyang kapistahan sa ika-27 ng Hulyo, inaalala natin na si St. Titus Brandsma ay hindi lang isang paring Carmelite, guro at mistiko, isa rin siyang mamamahayag. Ideneklara siya ng Inang Simbahan bilang “martyr for press freedom.”
Bilang espirituwal na tagapayo ng Catholic press sa The Netherlands noong lumalakas ang National Socialism, naunawaan niyang ang propaganda ay higit pa sa pagkontrol ng impormasyon. Layunin nitong hubugin ang budhi ng tao hanggang sa magmukhang katanggap-tanggap ang kasinungalingan.
Nang utusan ng rehimeng Nazi ang mga Katolikong pahayagan na ilathala ang kanilang propaganda, ipinagkatiwala ng mga obispong Dutch kay Titus ang paghahatid ng liham na humihimok sa mga editor na tumanggi. Batid niya ang panganib, ngunit tinupad pa rin niya ang misyong iyon.
Ang pag-aresto sa kanya’y hindi lang pagpatahimik sa isang pari kundi sa isang tagapagbalitang naniniwalang walang ideolohiya ang may karapatang baluktutin ang katotohanan. Sa huli, namatay siya sa Dachau bilang martir para sa pananampalataya at sa dangal ng pamamahayag.
Ano ang pinagmulan ng gayong katapangan? Para kay Titus, ang katotohanan ay hindi lang kalipunan ng impormasyon. Ang Katotohanan ay isang Tao. Si Hesukristo ang “daan, ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6).

Ito rin ang binigyang-diin ni Fr. Ariel Dutosme nang dumalaw ang relikya ng santo sa Cebu: ang katotohanan ng Ebanghelyo ay hindi lang factual truth kundi si Kristo mismo, sa kanyang buong pagkatao. Dahil dito, ang pamamahayag ay isang bokasyong nakaugat sa dignidad ng bawat tao at sa katapatan kay Kristo.
Ipinaliwanag din ni Fr. Ariel na ang kabanalan ni St. Titus Brandsma ang nagtulak sa kanya upang gugulin ang kanyang buhay sa pagtatanggol sa katotohanan. Ang kanyang pag-ibig sa katotohanan ang nagbigay sa kanya ng lakas upang ipaglaban ang kalayaan ng pamamahayag laban sa anumang ideolohiyang pampolitika. Hindi siya naging martir dahil naghahanap siya ng pagdurusa, naging martir siya dahil tumanggi siyang isuko ang katotohanan.
Nanatiling napapanahon ang kanyang patotoo. Hindi man nasasakop ng mga Nazi ang Pilipinas, at hindi dapat basta paghambingin ang magkaibang yugto ng kasaysayan, bawat salinlahi ay humaharap sa sarili nitong anyo ng propaganda, pananakot at disimpormasyon.
Sa ating panahon, mabilis kumalat ang kasinungalingan sa pamamagitan ng minamanipulang mga larawan, anonymous na troll network, mapanlinlang na mga headline at mga algorithm na mas pinapaboran ang galit kaysa katumpakan.
Dahil dito, nararapat nating ipanalangin at suportahan ang mga Pilipinong mamamahayag. Ang patuloy na pagkakakulong ng community journalist na si Frenchie Mae Cumpio, na ikinababahala ng iba’t ibang pandaigdigang tagapagtanggol ng kalayaan sa pamamahayag, ay nagpapaalala na ang paghahanap at pagsasalaysay ng mga kuwento mula sa laylayan ay may kaakibat na mabigat na halaga.
Gayundin, ang pagpaslang ng mamamahayag na si RJ Nichole Ledesma noong Abril ng taong ito ay isa pang masakit na paalala na ang pagbibigay-tinig sa mga maralita at bulnerableng komunidad ay maaari pang humantong sa sukdulang sakripisyo.
Magkaiba ang kanilang mga kalagayan sa pinagdaanan ni St. Titus Brandsma, at hindi dapat pag-isahin ang magkakaibang konteksto ng kasaysayan. Gayunman, iisa ang tanong na kanilang iniiwan sa atin: Ano ang halaga ng pagsasabi ng katotohanan?
Hindi lang mga mamamahayag ang dapat sumagot sa tanong na ito. Sa panahon ng digital media, bawat isa sa atin ay isa nang tagapaghatid ng mensahe. Bawat ibinabahaging post, ipinapasang mensahe, inedit na video, larawang nilikha ng artificial intelligence o balitang hindi man lang sinuri ay maaaring magpatibay sa kultura ng katotohanan o magpalalim sa kultura ng panlilinlang.
Bilang anak ni Beato Santiago Alberione, malapit sa aking puso ang hamong ito. Umiiral ang Pamilyang Pauline upang ipahayag si Kristo sa pamamagitan ng makabagong paraan ng panlipunang komunikasyon. Hindi kami nakikipagtalastasan upang makalikha lang ng content. Ginagawa namin ito upang makatagpo ng mga tao si Kristo, na siyang Katotohanan.
Marahil ito rin ang dahilan kung bakit pinili ko ang pangalang Titus Brandsma bilang aking religious name, at kung bakit siya ang aking “profession ninong.” Hindi ko inaasahang matularan ang kanyang pagiging martir. Ang hangad ko ay ang kanyang katapatan.
Dagdag pa ni Archbisop Soc noong 2022 na hilingin kay St. Titus Brandsma na gawin tayong mga “courageous prophets of truth,” na sa ating paninindigan para sa katotohanan ay huwag kailanman mawalan ng pag-ibig.
Sapagkat, gaya rin ng kanyang sinabi, ang mamatay para sa Panginoon ay kaloob para sa ilan, ngunit ang mabuhay para sa Katotohanan at para sa Panginoon ay tungkulin ng lahat.
Ipinaaalala ni St. Titus Brandsma na ang Katolikong pamamahayag ay hindi propaganda at hindi rin gawaing hiwalay sa pag-ibig. Isa itong matiyagang paghahanap sa katotohanan, masusing pagpapatunay rito, tapat na paglalahad nito, at paggalang sa dignidad ng bawat taong tampok sa bawat kuwento.
Ang kapistahan ni St. Titus Brandsma ay paanyaya sa mga mamamahayag na manatiling tapat sa kanilang bokasyon, sa mga Katoliko na maging higit na mapanuri sa kanilang binabasa at ibinabahagi, at sa lahat ng tagapagbalita na huwag isakripisyo ang katotohanan alang-alang sa kasikatan.
Nawa’y maging pagkakataon din ang kanyang kapistahan upang makiisa tayo sa mga patuloy na nagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag sa ating bansa.
Ipanalangin natin ang mga mamamahayag tulad ni Frenchie Mae Cumpio na ipiniit ng estado dahil sa pagsasabi ng totoo, alalahanin ang mga tulad ni RJ Nichole Ledesma na nag-alay ng kanilang buhay sa paghahanap ng katotohanan, at suportahan ang bawat tapat na reporter, editor, photojournalist, broadcaster at digital communicator na naglilingkod sa kabutihang panlahat sa kabila ng pananakot at panganib.
Minsang isinulat ni St. Titus Brandsma, “Ang sinumang nagnanais na mapanalunan ang mundo para kay Kristo ay kailangang magkaroon ng lakas ng loob na salungatin ito.”
Sa pagdiriwang ng kanyang kapistahan, nawa’y maging atin din ang kanyang katapangan. Nawa’y ipagkaloob niya sa Simbahan at sa Pilipinas ang mga tagapagbalitang umiibig sa katotohanan, matapat na naghahanap nito, buong tapang na nagpapahayag nito at isinasabuhay ito nang may pag-ibig.
