Government Services

Maglikha ng mga silid-aralan!

Maglikha ng mga silid-aralan!


Ngayon, maging ang pangulo ay umaamin: palpak ang K-12.

Hindi nito natupad ang pangakong trabaho. Dagdag pasanin ito sa mga pamilya. Pinahaba nito ang taon ng pag-aaral, pero sa huli, kawalan pa rin ng disenteng hanapbuhay ang sinapit ng mga gradweyt. “Wala namang advantage,” ani Marcos Jr.—isang hinaing na matagal nang sinasambit ng bawat mag-aaral, guro at magulang sa mga pampublikong paaralan.

Ngunit gaya ng dati, ang inaamin ay hindi talaga ang kinakaharap.

Sapagkat kung ang problema’y dagdag na dalawang taon lang, madali sana ang lunas: ibasura ang batas, ibalik ang dating kurikulum at iproklama ang tagumpay. Pero hindi iyon ang tunay na kailangan.

Bigo ang K-12 sapagkat hindi ito idinisenyo para sa tagumpay ng sambayanang Pilipino. Hindi ito para sa pambansang kaunlaran. Isa itong blueprint para sa eksport ng lakas-paggawa. Isang rasyonalisasyon ng kolonyal na pagkagapos na pinagmukhang reporma.

Hindi nito inihanda ang kabataan para sa pagbubuo ng bansa, kundi para sa pagbebenta ng murang lakas-paggawa. Hindi para sa panlipunang pagbabago, kundi para itugma ang kanilang kakayahan sa mga dayuhang industriyang hindi natin hawak, sa ibayong dagat sa halip na sa sarilng bayan.

Ang “frustration” ng pangulo ay hindi bagong balita. Sa katunayan, isa itong bunga ng sistemang sadyang naglalayong panatilihing atrasado ang bayan. Kapansin-pansin din na hindi ang pagwawakas ng sistemang ito ang kanyang panukala, kundi ang lalo pang pagpapatibay nito. Higit pang ihanay sa interes ng pribadong kapital.

Re-training, aniya. Public-Private partnerships. Industry-run programs. Mga neoliberal na solusyong layuning gawing pabrika ang edukasyon, at ang estudyante bilang murang produktong ilalako sa pandaigdigang merkado.

Hindi ito basta kapalpakan ng polisiya. Bigo ang programa dahil mula’t simula, itinayo ito sa ilusyon ng pambansang edukasyon sa ilalim ng mga rehimeng walang interes magtatag ng sariling malayang ekonomiya. Sa ganitong usapin, naging matagumpay ang programa—para sa uring pinaglilingkuran nito.

Hindi sapat ang aminin na may krisis sa edukasyon. Kailangang tahasang itakwil ang sistemang pampolitika at pang-ekonomiya na lumikha, nagpapatuloy at nakikinabang sa krisis na ito.

Saan nga ba patutungo ang mga gradweyt ng sistemang ito? Saang larangan, industriya o pabrika? Wala tayong batayang industriya. Bagsak ang agrikultura. At ang ating ekonomiya ay nakatindig sa importasyon at pag-aangkat.

Matagal nang inihahanda ng Pilipinas ang kabataan para sa eksport. K-12 ang pormal at lantad na anyo ng pagtataksil na iyon. Maaaring umamin ang pangulo sa pagkadismaya, pero hindi niya tinutukoy ang ugat. Binabanggit niya ang mga silid-aralang pinabayaan, ngunit hindi ang dekadang pagpigil sa pambansang industriyalisasyon.

Ikinababahala niya ang bagsak na grado sa pagbasa, ngunit hindi ang tuloy-tuloy na pribatisasyon at pagtitipid na nagwasak sa pampublikong edukasyon. Nagpapahayag siya ng suporta sa mga guro, ngunit hindi sa panawagan nilang dagdag-sahod, mas maliit na class size at mga batayang serbisyong panlipunan.

Hindi sapat ang aminin na may krisis sa edukasyon. Kailangang tahasang itakwil ang sistemang pampolitika at pang-ekonomiya na lumikha, nagpapatuloy at nakikinabang sa krisis na ito.

Dapat nating buwagin ang mismong sistemang nagpapahintulot na gawing kasangkapan ng global na kapital ang edukasyon at inilulubog ang mamamayan sa permanenteng pagkaatrasado.

Ang kailangan ay hindi simpleng reporma, kundi reoryentasyon. Isang makabansa, siyentipiko at makamasang edukasyon.

Makabansa—sapagkat nililinang nito sa kabataan ang malalim na kaalaman sa kasaysayan, kalagayan, at pakikibaka ng bayan. Siyentipiko—sapagkat hinihikayat nito ang mapanuri at batay-sa-ebidensiyang pag-iisip, pati materyalistang pag-unawa sa mundo. Makamasa—sapagkat dapat itong maglingkod sa pinakamarami, hindi sa iilang may pribilehiyo.

Sapagkat ang problema ay hindi lang akademiko—ito’y ugat ng krisis sa ekonomiya at sa politika.

Kaya’t marapat na magtayo ng mga silid-aralan—hindi bilang ekstensiyon ng mga call center at outsourcing firm, kundi bilang haligi ng pambansang dangal. Magtayo ng mga paaralang may sapat na guro. May upuan, aklat, pasilidad na maayos, at sahod na nakabubuhay. Magtayo ng lipunang makatarungan, malaya, at nakasasandig sa sarili—isang lipunan kung saan pinaglilingkuran ng edukasyon, hindi ang dayuhang mamumuhunan, kundi ang sambayanang Pilipino.

Kung may aral man sa kabiguan ng K-12, ito ay na kailangang bawiin ang edukasyon mula sa kamay ng mga nakikinabang sa ating kamangmangan.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning