Uncategorized

Magsasaka ng Bagsakan, Lupang Ramos, sinisiil ng estado – Pinoy Weekly

Magsasaka ng Bagsakan, Lupang Ramos, sinisiil ng estado – Pinoy Weekly


Patuloy pa rin ang pananamantala at pandarahas na nararanasan ng mga magbubukid sa kamay ng mga panginoong maylupang nais kamkamin ang kanilang lupang binubungkal.

Kabi-kabila ang mga kaso ng pananakot, red-tagging at panggigipit ang nararanasan nila na bunga ng malapyudal na sistema partikular na sa mga residenteng magbubukid ng Lupang Ramos sa Dasmariñas City, Cavite at sa mga magsasaka ng Bagsakan sa San Jose del Monte City (SJDM), Bulacan.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), hindi bababa sa 20 insidente ng paglabag sa karapatang pantao ang ginawa ng 80th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army laban sa mga magsasaka sa SJDM nitong Ago. 20.

Samantala, sinugod naman ng nasa 50 hanggang 100 na miyembro ng mga pinagsamang puwersa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection at pamahalaang lokal ng Dasmariñas City ang Lupang Ramos nitong Set. 10.

Sinasabing ang paglaganap ng African swine fever (ASF) sa mga baboy ang dahilan ng militar para pasukin at inspeksiyonin ang Lupang Ramos.

Sa kuwento ni Mhae, 25, residente at kasapi ng Amihan Lupang Ramos, nakita niya mismo kung paano isinagawa ng militar ang pagpasok sa lupain.

“Ang sabi po kasi noong una ay mag-i-inspection about po sa ASF, sa baboy. So dahil nga po may piggery po d’yan sa unahan, sa looban natin, pumasok po sila. Sinamahan [nga namin sila] papunta do’n sa loob,” sabi ni Mhae.

“Noong paglabas namin [sa piggery], dumiretso sila. Sabi namin, bakit lalagpasan niyo ito? May [manukan pa diyan] sa loob. Bakit sila lumagpas doon? Hindi nila in-inspect,” dagdag pa niya.

Napatunayan ng mga magsasaka na alinsunod sa resolusyon ng Dasmarinas City Council na imbestigahan ang Lupang Ramos sa ilalim ng “consolidation area for radicalization” kung saan pinaniniwalaang may teroristang nagtatago sa lupain. 

Nagtayo rin ng detachment ang militar sa kabilang bahagi ng lupain.

Ayon naman kay Irene, 41, magsasaka sa SJDM, madalas nilang makita sa lupang sakahan ang mga guwardiya ng mga pamilyang Araneta at Villar. Malimit umano silang pagbawalang magtanim. May pagkakataon pa na binubunot ng mga guwardiya ang kanilang pananim at kinukuha ang ani nang hindi binabayaran.

“Bilang isang magsasaka, mahirap ‘yon dahil hirap na nga sa pagtatanim sabay bubunutin lang,” aniya.

Lubos din ang pag-aalala ni Irene sa tuwing nag-iikot ang mga sundalo ng 80th IB sa gabi.

“Sa mga [sundalo] naman, nakakatakot din. Kasi minsan ‘pag gabi, dumadaan sila may mga dalang baril. Siyempre may mga anak kaming maliliit, may takot [talaga],” dagdag niya.

Labag sa karapatang pantao ang paniniktik. Nakasaad sa Saligang Batas ng 1987 na “ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang paghahalughog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin.”

Malinaw na nilalabag ng mga puwersa ng estadong umiikot sa Lupang Ramos at SJDM ang mga karapatan ng mga residenteng magsasaka. Liban sa paniniktik, nagdudulot ng takot at pagkabahala ang kanilang presensiya sa mga nasabing komunidad.

Madalas ma-red-tag ang mga residente ng Lupang Ramos dahil sa mga nakapaskil sa paligid ng lugar na mga pulang karatulang naglalaman ng mga panawagan. 

Sinasabing pugad ng New People’s Army ang lupain at binansagang “Pulang Araw” ang mga naninirahan dito na nangangahulugang mga terorista.

“Masakit kasi hindi naman totoo na gano’n, hindi kami armado at wala kaming armas. Hindi lang naman ‘to para sa amin lang na mga magsasaka, [kung hindi] para sa lahat naman po,” sabi ni Mhae

Nakakaranas din ang Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan ng Lupang Ramos (Kasama-LR) ng red-tagging sa social media. Maging ang pamahalaang lokal ng Dasmariñas City ay nan-reredtag sa kanila.

“Napakahirap tanggapin na sila ‘yong pinagkatiwalaan na namumuno sa amin pero lantad na lantad ngayon na kung saan ay hinihiwalay kami doon sa kabuuan ng 75 barangay [ng Dasmariñas],” sabi ni Miriam Villanueva, secretary general ng Kasama-LR

Para naman sa mga magsasaka sa SJDM, hindi na rin bago sa kanila ang red-tagging dahil maging sila mismo ay biktima nito. Ilegal na pinasok ng mga sundalo ang tahanan ni Ronie Manalo, isang lider-magsasaka sa Bulacan, noong Hun. 20. Bagaman walang inabutang tao sa bahay, nakitaan daw umano ng mga baril at granada ang bahay ng magsasaka na pinasisinungalingan ng mga residente.

Sa pagkukuwento naman ni Rosa (hindi niya tunay na pangalan) na 25 na taon ng naninirahan sa Lupang Ramos at miyembro ng Kasama-LR, unang pinasok ng militar ang Lupang Ramos noong 2018.  Hindi niya malilimutan ang pangyayaring iyon dahil nasaksihan niya mismo ang pang-aabusong ginawa ng militar sa kapwa niya magsasaka.

“Doon talaga nagkaroon ng matinding harassment, may nasaktan. Nakita ko kung paano nagpaputok ng baril [ang mga sundalo], paano gumapang ‘yong mga tao. Halos 24 oras kaming nandoon, wala kaming kain at tulog,” ani Rosa.

Si Mhae at Rosa ay mga magulang na iniisip ang kalagayan ng kanilang mga anak dahil sa patuloy na karahasang dinadanas sa kamay ng mga puwersa ng militar. 

“‘Yong makita ng mga bata ang baril at nakikita nila [ang daming] pumapasok dito. Kasi tatatak sa isip ng mga anak ko, bakit may ganyan, may barilan, may patayan, masakit sa akin ‘yon na hanggang paglaki nila, madadala nila ‘yon,” wika ni Mhae

Walang tigil na pandarahas at kriminalisayon ang pinapangambahan na maranasan din ng kanilang anak sa kamay ng pulisya na hinahangaan ng mga bata. 

“Pati ‘yong mga bata naapektuhan. Kasi siyempre harap-harapan nakikita nila ‘yong mga [sundalo at pulis] kung tutuusin, hinahangaan nila ‘yon, ‘di ba? Na ang akala ng mga bata ang mga [ito] ay kampi o pabor sa mga katulad naming mga magsasaka,” sabi ni Rosa.

Matindi rin ang takot na dinadala ng militar sa mga magsasaka ng SJDM. Ikinababahala ni Irene ang posibleng masamang mangyari sa susunod na pagpunta ng militar. Inaalala niya rin ang lokasyon ng kanilang lugar na malayo sa sentrong bayan ng SJDM at hindi kayang daanan ng kahit anong sasakyan.

Pero masalimuot man ang karanasan ng mga manggagawang bukid at magsasaka sa bansa, patuloy pa rin sila sa pakikibaka para sa kanilang karapatang pantao at tunay na reporma sa lupa.

Ayon naman kay Jenny na isa ring magsasaka mula sa SJDM, malaki ang naitulong ng mga progresibong grupo gaya ng KMP sa laban nila sa lupa. Nagkaroon sila ng mas malalim na kaalaman tungkol sa karapatan nilang mga magsasaka na makakatulong para ipagtanggol nila ang kanilang mga sarili.

“Sa awa ng diyos, dahil hawak kami ng KMP, kinokompronta po namin ‘yong mga nangha-harrass sa amin. Hinahanapan namin ng papel kapag pinagbabawalan kami. Hinahanapan namin ng papel kung pagmamay-ari nila ‘to,” sabi ni Irene.

Lumakas din umano ang loob nila para lumaban dahil sa suportang natatanggap mula sa nasabing grupo at iba pang organisasyon sumusuporta sa kanilang laban.

Samantala, ikinakababahala ng mga magsasaka ang plano ng pamahalaang lokal sa Lupang Ramos na patayuan ng mga commercial building at institutional establishment dahil sa Comprehensive Land Use Plan ng lungsod. 

“Malinaw na itong lugar na ito ay may plano ng City of Dasmariñas na [magtayo] ng institutional establishment, residential at komersiyal na [gusali] dahil sa [magandang pwesto nito] at malapit sa Governor’s Drive,” ani Villanueva.

Dahil sa paniniil na nararanasan ng magsasaka ng Lupang Ramos at Bagsakan, lalong umiigting ang panawagan ng mga progresibong grupo para sa tunay at makatarungang reporma sa pagsasaka.

Sa press conference ng KMP, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) at Amihan National Federation of Peasant Women nitong Okt. 10, nanawagan ang mga grupo para sa totoong pag-unlad ng agrikultura at pangisdaan at seguridad sa pagkain sa bansa.

Mariing tinuligsa dito ni KMP chairperson Danilo Ramos ang panggigipit at pananakot ng militar sa mga lupang sakahan.

“Malakas na kinokendana ng KMP ang ginagawa ng combined forces ng PNP at AFP sa ginawang pagpasok at patuloy na pandarahas sa mga lehitimong magsasaka at lumilikha ng pagkain,” sabi ni Ramos.

Panawagan din ni Ramos ang agarang pag-alis ng presensiya ng militar sa mga sakahan na nagdudulot ng pangamba sa buhay at seguridad ng mga magsasaka at kanilang pamilya.

Binigyang-diin naman ni KMP chairperson emeritus Rafael Mariano ang kagyat na suporta sa mga manggagawang magbubukid sa pamamagitan ng pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo upang magkaroon sila ng sariling lupang sakahan.

“Kinakailangan po na maipatupad ang tunay na reporma sa lupa sa ating bansa na ang sentral na layunin at batayang prinsipyo ay ang libreng pamamahagi ng lupa sa ating mga magsasaka dahil nananatiling pundamental na problem ang uring magsasaka ang kawalan ng ng lupa,” paliwanag ni Mariano.

Hindi aniya matatamasa ng bansa ang tunay na kaunlaran kung patuloy na maiiwan sa pagsulong ang mga magsasakang nagpapakain dito at mahalagang maintindihan ito ng gobyerno.

Hindi sagot sa kahirapan ng magsasaka ang mga planong palit-gamit sa matatabang lupang sakahan para sa pagtatayo ng mga establisyemento’t subdivision. Ang kailangan nila’y tunay na repormang agraryo at makabuluhang suporta sa produksiyon para matugunan ang pangangailangan ng bansa sa pagkain.

Hinuhukay ng gobyerno ang sarili nitong libingan kung patuloy ang pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan sa mga hinaing ng mga magsasakang malaon nang inaabuso ng namamayaning malapyudal na sistema.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning