?Tumindig ang Samahan ng mga Magsasaka sa Lupang Tartaria (Samata) laban sa ilegal na pambabakod sa Lupang Tartaria sa Silang, Cavite ng Ayala Corporation kasabwat ang pamilya Aguinaldo.
?Ayon sa pahayag ng Samata, hinarangan ng mga armadong guwardiya ng Jarton Security Agency ang mga pangunahing daanan patungo sa mga sakahan noong Abril 15 nang walang ipinapakitang anumang legal na dokumento o kautusan mula sa korte.
?“Paano na ang aming kabuhayan at kinabukasan ng aming pamilya kung mismong daan patungo sa aming pinagkukunan ng hanapbuhay ay inaagaw at isinasara?” pahayag ng isang residente mula sa livestream sa Facebook.
?Lalo pang uminit ang tensiyon sa lugar nang dumating ang mga kinatawan mula sa pamahalaang lokal ng Silang na tinawag na “ilegal” ang linya ng tubig sa komunidad at nagbantang puputulin ang serbisyo kung hindi sila susuko sa negosasyon.
Nanindigan ang Samata na “ang tubig ay karapatan, hindi isang pribilehiyong dapat nating ipagmakaawa” kung bunga ng kolektibong pagtutulungan ng mga magsasaka ang proyekto dahil sa matagal na kapabayaan ng gobyerno.
?Sinabi rin ng grupo na mas mabilis pa sa kidlat ang pamahalaang lokal kung ang interes ng mga Ayala at Aguinaldo ang pinagsisilbihan ng estado kaysa sa protektahan ang maliliit na magsasaka laban sa pandarahas ng inupahang armadong goons.
Habang nananatiling mapagmatyag ang buong komunidad, nanawagan ang Samata ng pagkakaisa para ipagtanggol ang 200 ektaryang lupain mula sa banta ng pang-aagaw at patuloy na pandarahas.
